CHAPTER TWO

2.1K 75 5
                                    

NOTE: Kapag nagta-Tagalog ang Italian characters, ibig sabihin ay nagsasalita sila sa kanilang lenggwahe. Hehe!

**********

ELIZA ROSARIO JARDELEZA

Nakita ko ang sariling parang may tinatakbuhan. Grabe ang kabang naramdaman ko. Ang dibdib ko'y tila binabayo sa lakas ng pagtibok ng aking puso. Daig pa nito ang isang tambol na hinahampas para lamang magbigay-hudyat sa mga sangkatauhan na mayroong palabas sa plaza. Sa sobrang bilis ng aking pagtakbo nawalan ako ng balanse at napasubsob pa ako sa lupa. Bago pa ako makabangon ay naramdaman ko ang pagdamba ng isang nilalang sa aking likuran. Paglingon ko rito, nakita ko siyang napadila sa upper lip niya at ngumisi na tila takam na takam. Nandiri ako agad, pero sinikap kong h'wag iyong ipakita dahil baka ako'y saktan.

"H'wag po!" pagmamakaawa ko raw sa kanya.

"Ang ganda-ganda mo talaga! Napakaswerte ni Pietro. Pero hindi maaaring siya lamang ang makinabang sa iyong alindog!" At ngumisi ito saka pinatihaya niya ako. Lumilis ang bestida ko at lumitaw ang makinis kong mga hita. Lalo siyang natakam sa akin. Lalo naman akong nandiri.

Natakot ako nang todo nang kinubabawan na ako. Tinulak ko sana siya palayo ngunit hindi ko napaalis sa aking kandungan. Nang tinangka niyang ako'y halikan, sinampal ko siya nang ubod-lakas. Nagalit siya at sinampal din ako. Halos mawalan ako ng ulirat. Tapos dumating ang dalawa niyang kasama at hinawakan nila ang aking magkabilang kamay.

Napasigaw ako nang ubod-lakas. At bigla akong nagising. Pawis na pawis.

Na-disorient ako nang makitang nasa loob na ako ng isang maliit na silid at hindi sa gitna ng isang tila disyerto. Kinapa ko ang hinihigaan. Iyon ay isang malambot na kutson at hindi matigas na lupa. Gayunman, ako'y natakot pa rin. Para kasing totoong-totoo ang aking panaginip. Katunayan, klarung-klaro sa isipan ko ang mga boses ng mga walang hiya. Bukod doon parang amoy na amoy ko pa rin sila. Magkahalong matapang na cologne na panlalaki saka pawis. Ang bantot!

In-on ko ang lampshade sa ibabaw ng lamesita na nasa tabi ng kama ko para mailawan ang buong kuwarto. Bumangon na rin ako at sinigurong walang nakapasok na kung sino man sa loob ng aking silid, lalung-lalo na isang lalaki. Pero naisip ko, wala naman siguro dahil puro babae ang mga amo ko. Dalawang malditang feeling maganda at isang napakabait na among babae.

Nang maisip ko ang mga lalaki sa panaginip, natigilan ako. Hindi ko alam kung bakit, pero parang pamilyar ang mga boses ng dalawa sa kanila. Hindi ko lang tiyak kung kanino at saan iyon narinig. Kung iyon ba'y sa mga nakasalamuha ko noon sa Pilipinas o dito na sa Italya. Naghalu-halo lang kaya ang laman ng isipan ko dahil sa pagod?

"Ang masamang panaginip, anak, ay bunga lang ng malikot nating imahinasyon. Nagkakaroon tayo no'n dahil sa mga bagay na ating kinatatakutan. H'wag mong masyadong bigyan iyon ng importansya," payo ni Inay sa akin noon. Ilang beses kasi akong napasigaw nang dahil sa tila totoong panaginip kung saan ako'y hinahabol ng isang white lady.

Ganoon ang tawag ko sa babaeng lagi kong napapanaginipan simula pagkabata dahil nakasuot siya ng mahabang night gown at nakalugay ang kanyang maitim na unat na unat na buhok. Iyong typical image ng mga Pinoy tungkol sa white lady. Hindi ko alam kung paano ako nakapanaginip ng ganoon gayong hindi pa ako nakapanood ng may ganoong karakter sa isang palabas sa telebisyon. Sa pagkakaalala ko kasi'y nagsimula ang ganoong bangungot nang ako'y hindi pa nag-aaral sa elementarya.

Natigil ang aking pagmumuni-muni nang may marinig na sunud-sunod na katok. Biglang dinaklot ng takot ang puso ko. Gumana ang malikot kong imahinasyon. Hindi ko sana iyon bubuksan kung hindi ko narinig ang boses ng amo ko. Si Signora Beneventi.

KNIGHT IN SHINING CADILLAC [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon