CHAPTER TWENTY-EIGHT

752 53 3
                                    

ELIZA ROSARIO JARDELEZA

Nakita ko ang sariling umiiyak sa tila gilid ng bangin, nagmamakaawa sa hindi ko kilalang mga kalalakihan. Nakatingala ako sa kanila, pero parang burado ang kanilang mukha. Pagkurap ko, nawala ako sa pook na iyon at tila inihip ako ng hangin sa ibang lugar. Ang hindi ko maintindihan, grabe ang bigat ng nararamdaman ko. Daig ko pa ang pasan ang daigdig. Parang nilibing nang buhay ang aking puso't kaluluwa!

"Pare, sigurado ka bang ligtas tayo sa ginagawa nating ito? Paano kapag nahukay nila iyan? Eh di lagot tayong tatlo," sabi ng isa.

"Basta Giacomo, labas ako rito, ha? Wala akong ginawa," sabat naman ng isa.

"Ano'ng wala? Ikaw nga ang humawak sa mga kamay niya, eh," protesta ng unang nagsalita.

"Ano ba kayo? Ang iingay n'yo! Para kayong mga babae! Ako nga ang bahala eh!" anang nagngangalang Giacomo. Tapos, bigla itong natigil sa paglalagay ng lupa sa mababaw na hukay. Para bagang may bigla itong naisip.

"Alam ko na! Kailangan nating hatiin ito at ilibing nang magkahiwalay. Ako na ang bahala sa isang parte. Kayo naman sa dalawa pa. Bukas ng gabi, ipapalibing ko ang akin sa simbahan. Tamang-tama. Kakabigay lang ni Papa ng donasyon kay Padre. Natitiyak kong hahayaan ako at ang mga tao ko na pumasok doon mamayang hatinggabi. Saka ko isasagawa ang plano."

Napanganga ang dalawa nitong kasama at biglang tila nagka-ideya na rin. Mainam nga raw na sa simbahan din nila dalhin ang natoka sa kanila dahil iyon ang kahuli-hulihang lugar na paghahanapan ng kung sino mang nawawala. Nag-high five pa silang tatlo at nagtawanan na tila mga demonyo.

Kinilabutan ako. Sa pangamba, takot, at galit napabangon ako bigla. At anong gulat ko nang hindi man lang sila natinag kahit ilang beses kong tinadyakan at pinagsusuntok. Nang ma-realize ko kung bakit, bigla akong inatake ng nakakadurog na kalungkutan. Naisip ko agad si Francesco.

**********

ELIZA ROSARIO JARDELEZA

Nagwala ang mag-inang Concha at Concetta nang pati ako'y pinatawag ng abogado ng pamilya. Si Alessio nama'y tahimik lang. Wala itong kaemo-emosyon habang nagpapaliwanag si Attorney Brambilia na parte ako ng legal heirs ng yumao.

"Hindi namin matatanggap ito, Attorney! Paano siya kabilang sa legal heirs? Ni hindi namin siya kadugo! Kung pinakasalan siya ng anak ko, iyan ay dahil lamang sa kapritso ni Lorenzo sapagkat inakala niyang anak ng dati niyang nobya ang patay-gutom na babaeng ito!"

"Mama!" mariing saway ni Alessio. Mahina lamang ang tinig nito, pero nagbabanta ang mga mata.

Tinapunan ito ng kapatid at ina ng matalim na tingin. Hihirit pa sana si Concetta ng isa pang pang-iinsulto nang ang abogado mismo ang nagtaas ng dalawang kamay at nagsumamo na tumahimik na silang dalawa para maisagawa na nito ang tungkulin.

"Bueno, yamang nandito na rin lang ito, sige, ituloy n'yo, Attorney. Pero h'wag kayong pakampante! Lalabanan namin ito ni Concetta!"

"Nasa inyo ang pagpapasya, Signora Concha."

Tumikhim si Attorney Brambilia at sumulyap sa akin na tahimik na nakaupo sa pang-isahang sofa na nasa bandang kanan naman ng tatlo. Sila ang nakaupo sa mahabang couch. Pinapagitnaan ng magkapatid ang ina.

Sa totoo lang, medyo disappointed ako kay Alessio. Hindi ba dapat katabi ko siya?

Dream on, girl. Di ba sa papel nga lang kayo kasal? Hindi porke may nangyari na sa inyo ay mapapalapit na rin ang damdamin niya sa iyo. Italyano iyan. Iba ang kanilang paniniwala at nakagisnang tradisyon.

KNIGHT IN SHINING CADILLAC [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon