Hi mga baklaaa! Please don't forget to vote, comment, and share. Hihi. Enjoy reading. Salamat!
***
Dear Diary,
Hanggang ngayon, hindi ko pa rin matanggap ang nalaman ko. Hindi ko pa rin matanggap na may sakit ako. Hindi ko pa rin matanggap na nakaapak na sa hukay ang isang paa ko. Hindi ko matanggap na malaki na ang posibilidad na mawala ako rito sa mundong ‘to.
Isang linggo na rin akong naka-confine, diary. Hindi pa kasi nagsisimula ang chemotherapy ko dahil may mga isinagawa pang test sa akin. Muli rin nila akong kinunan ng bone marrow biopsy. Hindi ko alam kung para saan ‘yon, basta ang alam ko eh nahihirapan na ako.
May mga kailangan pa rin daw kaming paghandaan bago simulan ang chemotherapy. Kailangan daw muna kasi kaming ma-orient bago isagawa ang gamutan, sinabihan na rin ni Doc sina Mudra ng mga kailangan nilang gawin. Sinabi ni Doc na malaking halaga talaga ang kakailanganin para sa gamutan, pero may mga foundation na man daw na tumutulong sa mga tulad kong na-diagnose din na may leukemia.
Pero sa isip ko, diary, mukhang hindi na rin kailangan nina Mudra na gumastos ng malaking halaga para ipagamot ako. Para saan pa ba ‘yong pagpapagamot sa akin? Mas lalo lang nga ata akong maghihirap dahil doon, eh.
Wala na rin namang saysay ang buhay ko, so bakit pa sila mag-eeffort na dugtungan ito? Magpapasalamat pa nga ako siguro kung hindi na nila ako ipapagamot. Sa paraang ‘yon, mas mapapadali nang matapos ang paghihirap ko. Gusto ko na rin naman sumuko, eh. Gusto ko na rin naman mamatay. Hindi na ako natatakot dahil wala na rin namang mawawala sa akin. Hindi rin naman ako kawalan eh kapag ako ‘yong nawala.
Ewan ko ba rito kay Mudra, pinapagod pa talaga ang sarili niya kakahanap ng paraan para madugtungan ang walang saysay na buhay na ‘to. Naaawa na rin naman ako sa kanila ni Pudra dahil nakikita ko na nahihirapan din sila sa sitwasyon ko. Dumagdag pa ‘tong krisis na ‘to na dulot ng covid na ‘to, kung kaya’t pahirapan talaga ang paghahanap ng pera.
Sa loob ng isang linggong pananatili ko rito sa loob ng hospital, diary, puro lungkot at awa lang sa sarili ko ang naramdaman ko. Naaawa ako sa sarili ko dahil puro na lang kalungkutan ang nararamdaman ko. Awang-awa na rin ako sa sarili ko dahil naiisip kong isang kamalian ang mabuhay pa ako.
Minsan naman, diary, eh naririnig kong umiiyak si Mudra sa tabi ko, samantalang si Pudra naman eh pinalalakas ang loob niya. Nagkukunwari lang akong tulog minsan para hindi nila mahalata, pero sa totoo lang, naririnig at alam na alam ko kung gaano sila nahihirapan sa sitwasyon ko ngayon. Noon ko lang din naman kasi narinig si Mudra na umiyak, eh. Usually, puro sermon, utos, o pang-eechos ang naririnig ko mula sa kaniya. Pero ngayon? Ibang-iba na, eh. Mahahalata mo na talaga kay Mudra ang kahinaan niya.
Ramdam na ramdam ko rin kay Pudra na nahihirapan siya. Lasinggero lang talaga siya, pero alam kong mapagmahal siya. Alam kong handa niyang gawin ang lahat para lang sa ikabubuti naming magkakapatid. Mahal na mahal ko rin naman si Pudra, eh, dahil siya ang kauna-unahang lalaki na tumanggap sa pagkatao ko. Siya ‘yong unang lalaki na nagpaintindi sa akin na hindi at walang masama sa pagiging bakla dahil tao lang din kami.
Pero, diary, ayaw ko namang pahirapan sila. Nasasaktan lang din ako kapag nakikita ko silang hirap na hirap sa paghahanap ng paraan. Nahihirapan ako sa tuwing kausap ko sila at pinatatatag nila ang loob ko, kahit na ang totoo ay kailangan din nila ito.
BINABASA MO ANG
Porschia's Diary ( Diary Ng Bakla )
UmorismoOriginal Title: Diary ng Bakla Status: Completed Bata pa lang si Porschia, alam niya nang isa siyang- DARNAAAAAAAA! Pero kahit ganoon, naging wonderful pa rin ang kaniyang layp. Meet Pocholo T. Namoran. Pocholo sa umaga, Porschia sa gabi. Ready na b...