5.1

95 20 31
                                    

Pinasadahan ni Ziwo ng mga daliri ang bakanteng upuang naroon sa loob ng classroom nila. Matagal na niya itong katabi, subalit wala ni isa man ang nagkalakas ng loob na maupo dito simula nang matagpuan ang walang buhay na katawan ng dating may-ari ng bangko. Ang nakapagtataka daw sa bangkay, bagamat nai-report ng mabilis sa mga kinauukulan, para bang ilang linggo na raw itong patay at itinago lang kung saan bago itinapon sa gilid ng kalsada. Kalunus-lunus raw ang kalagayan nito ayon sa ilang mga nakasaksi.

Tanging ang guardian nitong nakilala sa pangalang Nimuel Fortes ang prime suspect at ngayon nga'y nakakulong at kasalukuyang nililitis. Sa kasamaang-palad, posibleng mauwi raw sa mental hospital ang lalaki dahil sa nababanaagang kawalan nito ng katinuan. Minsan sasabihin nitong nakausap pa si Mona at nagtext pa nga raw ito sa kaniya. Ipinakita rin naman ng suspek ang mga mensaheng natanggap noong gabing natagpuan itong yakap-yakap ang bangkay sa gilid ng daan. Bagong bili lang ang mga cell phones kaya't sa ibang bagay ito naging balido. Habang tumatagal ay palala ng palala ang mga nagiging pahayag ng lalaki. Ang pinakamalala sa lahat ay noong ituro ng suspek sa huling mga statements nito ang dalawang estudyanteng pamilyar kay Ziwo at ang mga ito raw ang salarin sa naganap na pagpatay.

Malaking kalokohan! 

Sino ba ang hindi makakakilala sa top 1 nilang si Octavo Gascon at sa babaerong classmate nilang si Argon Aristoph Aragones? Imposibleng gumawa ng kalokohan si Octavo sapagkat alam ng lahat sa paaralan nila kung gaano nito pinapangarap na makapasok sa isang mataas na unibersidad. Samantalang si Argon Aris naman ay hindi kailanman nasangkot sa basag-ulo sa kabila ng pagiging pasaway. Kilalang mabait ang dalawa kahit na kabaliktaran nila ang bawat isa sa pag-uugali.

Imposibleng maging suspects ang mga kaklase niya.

Talagang imposible.

Sa katunayan pa nga ay sila ang nakakita kay Nimuel Fortes na hawak-hawak ang naaagnas na bangkay at mabilis na nag-report sa mga pulis. Isa rin si Ziwo sa mga nagbigay ng statements para sa mga kaklase niyang patuloy pa ring nadadawit sa gulo ng isang taong bumigay ang kaisipan.

Ayon sa mga narinig niya, namatay raw sa isang car accident ang parehong magulang ng magpinsan at naiwan sila sa pangangalaga ng lolo ni Nimuel na namatay rin kapagdaka dahil sa katandaan. Naisip ni Ziwo na posibleng depresyon ang nagtulak sa lalaki upang gawin ang karumal-dumal na krimen. Biglang nakaramdam ng panghihinayang si Ziwo sa taong kumukuha ng nursing course sa college. Naging katuwang sana ito ng mga doktor sa medical field at nagkaroon ng maalwang buhay kung hindi lang nilamon ng matinding kalungkutan.

Naging kapakipakinabang sana siya sa komunidad nila.

Habang nagbabalik-tanaw si Ziwo, lalo siyang napupuno ng pagtataka sa mga alaala ng pakikipagusap sa isang taong hindi naman niya lubos na kilala. Masakit kay Ziwo na tanggapin ang naging kamatayan ni Mona Devila at hindi niya lubos na maunawaan ang sarili kung bakit para bang may mga bagay siyang nakalimutang sabihin sa namayapang dalaga.

Sino ba talaga ang dating nakaupo sa bakanteng bangko?

Kilala niya ito sa pangalan.

Napangiwi siya sa naramdamang kirot sa puso niya.

Sino ka ba talaga Mona Devila? Bakit hinahanap-hanap kita at sa tuwing babanggitin ko naman ang pangalan mo, hindi ko maramdaman ang parehong lungkot na nararamdaman ko sa tuwing makikita ko ang larawan mo? Sana nakilala kita ng husto. "Rest in peace, classmate. Mami-miss ka namin."


NARAMDAMAN NI HESEKIEL na kanina pa nakatitig sa kaniya ang bago nilang librarian. Itataas niya ang mukha mula sa pagbabasa ng isang lumang nobela at susuklian ng ngiti ang tinatanggap na atensyon mula dito. Silang dalawa lang ngayon sa school library payapang nakaupo ng magkaharap sa magkabilang gilid ng mahabang lamesa na siyang pinakamalapit sa pinto. Lalong tumingkad ang kulay puting buhok ng balingkinitang lalaki na siyang ikinatutuwa ng school guidance counselor. "May gusto ka bang sabihin sa'kin, Lavios?"

SINS to REMEMBER [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon