Likas sa mga tao ang maging masama depende sa kinalakihan nila o kung . . . TAO NGA BA SILA.
Narinig niyo na ba ang kwento ng mga demonyo na nais magkaroon ng malinis na kaluluwa? Ang ilan sa kanila ay nais pa ring makarating sa langit kung saan sila dating nananahan. Sa kasamaang-palad, dahil likas na sa kanila ang masasamang gawa, ang paraan nila upang maisakatuparan ito ay hindi rin kapita-pitagan.
Sa tuwing may mga taong nasa bingit ng buhay at kamatayan, laging nariyan ang mga demonyo at nakaabang sa mga katawang pwede nilang pakinabangan. Ang katawan ng taong tinahanan na ng demonyo ay nasisira at inaagnas dahil sa hindi natural na proseso ng pag-angkin nito.
May dalawang paraan upang maudlot ang pagkasira ng "taong sisidlan" o human vessel. Una, kung kakain ng espirito ang demonyong nag-angkin sa katawang-lupa sa tuwing nakararamdam sila ng panghihina. Madalas na nangyayari ito ng isa o dalawang beses kada buwan. Nakagawian na ng iba na kumain tuwing kabilugan ng buwan sa kadahilanang mas madali nga naman itong tandaan.
Ang pangalawang paraan naman ay ang siyang pinakamahirap sa lahat at nagaganap lamang ito ng isa kada isang bilyong katao. Halos imposible nga itong mangyari at kung magaganap man, napakapalad na ng demonyong magkakaroon nito---isang kakamping anghel na aksidenteng nakulong o kusang nanahan sa katawan ng isang nagaagaw-buhay na tao.
Bakit kamo napakapalad ng sinumang demonyo na magkakaroon ng kakamping anghel? Buweno, simulan natin ang paliwanag sa isang sikat na sabi-sabi tungkol sa mga sirena.
Ayon sa lumang paniniwala, ang sinumang tao na makakain ng laman at dugo ng nilalang na ito ay hindi na tatanda at hindi na rin mamamatay. Mali at kulang ang bahaging ito ng kwento. Sino ba naman kasing demonyo ang magpapalaganap ng katotohanan para lang magkaroon ng kaagaw sa ganitong uri ng biyaya, hindi ba? Ang katotohanan ay kailangang kusang loob na ibigay ng anghel na nakulong sa isang taong-sisidlan ang bahagi ng kaniyang laman at dugo, at ipakain ito sa demonyong nasa parehong kalagayan. Sa ganitong paraan, hindi na kakailanganin pa ng demonyo na kumain ng espirito. Buwan ang itinatagal ng epekto nito at nagiging mas mabilis ang paghilom ng mga sugat ng demonyo sa loob ng taong-sisidlan.
May isa nga lang problema sa pangalawang proseso.
Sa patuloy nilang pagtanggap ng dugo o laman mula sa isang dating anghel, unti-unting nakakalimutan ng demonyo ang katotohanang nasa loob lamang sila ng isang taong sisidlan. Nakukuha din nila ang ilan sa mga personalidad ng katawang ginagamit hanggang sa . . .
Tuluyan na silang mag-asal tao.
Iyon mismo ang pakay nilang mga demonyo. Inaakala nilang magkakaroon sila ng malinis na kaluluwa sa oras na maging ganap na tao ang pag-uugali nila. Sa tinagal-tagal ng panahon, may ilan pa rin sa kanilang hindi nakakaalam ng dalawang uri ng katotohanan.
Una, na may ibang mga taong mas nakakatakot pa sa mga demonyo at hindi sila basta-basta naitataboy ng taimtim na panalangin.
At ang pangalawa, kailanman ay hindi sila maaaring magkaroon ng malinis na kaluluwa na gaya ng sa tao.
Dumako naman tayo sa katawan ng taong pinanahanan ng isang anghel. Hindi ito nawawasak, ni naaagnas. Sa kasamaang-palad, hindi na rin sila makababalik pa sa dati nilang anyo at tahanan. Mananatili na sila sa mundo ng mga tao hanggang sa panahong naisin nila. Bagamat hindi nawawasak ang kanilang mga katawan, may limitasyon pa rin ang paghilom ng kanilang mga sugat. Ibig sabihin, maaari silang gumaling mula sa taga ng sibat sa kanilang puso o ulo, pero kung paulit-ulit itong mangyayari, bumibigay din naman ang hiram na katawan nila hanggang sa tuluyan silang maglaho.
Sa oras na masira ang taong sisidlan ng mga anghel at demonyo, unti-unti silang mawawala sa isipan ng mga nakasalamuha nilang normal na tao. Ang tanging makakaalala sa kanila ay ang mga nilalang na katulad din nila.
![](https://img.wattpad.com/cover/266078037-288-k912586.jpg)
BINABASA MO ANG
SINS to REMEMBER [COMPLETED]
ParanormalPaano kung isang demonyo ang Soul Mate mo? Maniniwala ka ba o pilit mong itatanggi sa sarili na sa tuwing binabanggit mo ang pangalan niya ay lalo ka lang nahuhulog sa kaniya? Tatanggapin mo ba ang pagkakataong magkasala at ipakilala sa isang demon...