Taong sisidlan?
"Hinihiram namin ang katawan ng isang agaw-buhay na tao upang magkaroon ng laman at buhay gaya ninyo."
Ibig sabihin . . .
Naging masaya na si Nimuel sa buhay niya at ngayong nanganganib ang buhay ni Godesha, nakahanda siyang isakripisyo ang sarili kung ito na lang ang makapagliligtas sa dalaga. Wala siyang kakayahang lumaban. Tanging ang anghel na nagbigay ng panahon sa kaniya ang makagagawa nito. Isa lang siyang hamak na talunan sa maraming aspeto.
Isang makasalanan.
N-nakahanda po akong magsakripisyo. Pakiusap po, iligtas niyo si Godesha! 'Yon lang po ang hihilingin ko.
"Ililigtas ko siya. Magtiwala ka."
Tanging pagtango ang nagawa ng naluhang si Nimuel. Masakit sa kaniya na marinig ang mga impit na hinaing ng pinsang nasasaktan sa kabilang silid. Hindi niya alam ang nangyayari, pero natatakot siya. Si Hesekiel lang ang pag-asang makaalis sila ng buhay sa lugar na 'yon.
"Marahan kang magtungo sa kaliwa mo. Naroon ang kama, at sa ilalim no'n ay ang larawang iginuhit ni Dante Resurecto. Kunin mo ito at alisin sa pagkakabalot ng hindi iminumulat ang mga mata."
Opo. Maingat na gumapang si Nimuel pakaliwa niya at hinawi-hawi ang harapan, umaasang mahahagilap agad ang kama gamit ang kamay. Hindi naman siya nabigo. Nasa gilid siya ng kama. Yumuko siya at kinapa sa sahig ang larawan. Natagpuan rin niya ito. Gaya ng iniutos sa kaniya, tinanggal niya ang telang nakabalot sa larawan. Ano po ang sunod kong gagawin?
"Nakaharap sa'yo ang larawan." Mabilis itong iniikot ni Nimuel sa takot. Natuwa ang anghel sa ginawa niya. "Maagap." Lumakas ang loob ng binata sa papuring narinig. Sa loob-loob niya'y nakagawa rin siya sa wakas ng tama. "Ito na ang huli kong ipag-uutos sayo. Pagkatapos nito'y hindi mo na ako maririnig sa'yong isip. Hanapin mo ang katawan ni Miros Ilyakov. Gisingin mo siya at iharap sa kaniya ang larawan. Maaari mo ng imulat ang 'yong mga mata."
Pinanghinaan si Nimuel.
Makakapatay siya ng tao sa oras na gawin niya 'yon. Hindi ba? Subalit mas matimbang sa kaniya ang buhay ni Godesha. Nanindig ang balahibo niya nang marinig ang boses ng isa pang guro sa kabilang silid. Punung-puno ito ng pigil na galit.
"Ang tagal mo namang mamatay! H'wag kang mag-alala dahil isusunod ko sa'yo si Nimuel mamaya. Mamamatay kayo ng magkasama kaya hindi ka malulungkot. Samantalang ako--AKO!--maglalaho akong mag-isa! Ni hindi ko man lang makikita ang anghel ko! Kasalanan mo ang lahat ng ito! Bakit kasi kailangan niyo pang mga demonyo na maging tao?! Pwede naman tayong makontento kung ano talaga tayo. Ano ba ang problema ninyo?! Oo nga pala, likas sa'tin ang maging makasarili at mapagnasa. Ganito, ganito, may dalawang oras ka pa naman at sa huling isang oras, ilalabas ko siya dito at lalaslasan. Buhay ni Nimuel ang magiging timer mo, hahahaha . . ."
Bumagsak ang mga luha ni Nimuel nang marinig ang impit na galit mula kay Godesha. Kung anuman ang pilit nitong sinasabi sa kabila ng bagay na nakatakip sa bibig, nasasaktan siya sapagkat naririnig ito ng kaniyang puso at bumabaon sa kaniyang dibdib na tila ba talim na unti-unting pumapatay sa takot na sundin ang huling utos ng anghel.
Nakapagpasya na siya.
Pinagmasdan niya ang nahihimbing na guro sa sahig. Mahigit isang metro lang ang layo nito sa kinaroroonan niya. Gumapang siya palapit dito yakap-yakap ang larawang magiging sanhi ng kamatayan ng guro. Nang makalapit ng husto, napansin ni Nimuel ang kapayapaan sa mukha ng lalaki habang natutulog. Malayo ito sa nakasimangot na taong nakilala niya kanina.
BINABASA MO ANG
SINS to REMEMBER [COMPLETED]
ParanormalPaano kung isang demonyo ang Soul Mate mo? Maniniwala ka ba o pilit mong itatanggi sa sarili na sa tuwing binabanggit mo ang pangalan niya ay lalo ka lang nahuhulog sa kaniya? Tatanggapin mo ba ang pagkakataong magkasala at ipakilala sa isang demon...