5.2

105 20 38
                                    

"Tinext kita kanina kaya bakit sinundo mo pa rin ako?"

"Magpasalamat ka na lang dahil hindi ko agad nabasa ang text mo kundi baka higit pa diyan ang dinanas mo sa demonyong 'yon."

"Nagmumura ka ba?" Natatawang tanong ni Godesha na nakapagdulot ng hiya sa mga pisngi ni Nimuel.

"H-hindi naman 'yon ang ibig kong sabihin. 'Di ba't 'yon naman talaga ang tawag sa kaniya?"

"Binibiro lang kita. Pwede mo na akong bitawan, Nimuel. Kaya ko ng maglakad mag-isa at saka pagod ka na galing sa trabaho. Magaling na rin ang pasa ko at mga galos, tignan mo." Ipapakita niya ang mga braso at ang mismong pisngi na sinuntok ni Corvitel. Maaliwalas na uli ang mukha ng dalaga. "Nakarami kasi ako ng kaluluwa sa buwan na 'to kaya mabilis ang paggaling ko."

"Sigurado ka ba, Esha?"

"Oo naman!" Bumitaw siya sa pagkakaakbay sa kaniya. "Hindi mo alam kung gaano ako kasaya! Dumating ka at iniligtas mo ako---ako na dating demonyo at nakatingin ng mababa sa mga tao. Mahal kita, Nimuel. Malungkot ka ba na isang demonyo ang soul mate mo?"

Saglit silang huminto sa daan at makahulugan ang mga matang nakatuon sa bawat isa. Ngumiti si Nimuel na puno ng tuwa at sa wakas ay nakahanap rin ng lakas ng loob na magsalita. "Mahal din kita, Godesha. Nagkaroon uli ako ng dahilan para mabuhay. Ikaw ang buhay ko. Masaya akong tatanda kasama mo."

"Hindi naman 'yan ang sagot sa tanong ko, but it's acceptable." Biro niya sabay kindat at talikod kay Nimuel bago pa nito makita ang matinding pamumula ng mga pisngi niya na walang kinalaman sa tinanggap na suntok kanina. "Tara, habulan tayo?"

"T-teka lang!"


Bago pa niya naawat si Godesha, tumakbo na ito palayo at mabilis na kumanan sa iskinatang patungo sa bahay nila. 

"Esha! Sandali lang." 

Tumakbo siya at dumaan sa parehong iskinita at dito na tumigil ang takbo ng oras para kay Nimuel. Panandaliang nawala ang lakas niya sa katawan at naging malamig ang simoy ng hangin sa paligid. Nag-unahan sa pag-agos ang kaniyang mga luha sapagkat si Godesha . . .

Si Godesha ay . . .

Nakaluhod sa kalsada at nakatingin pa rin sa kaniya na may malungkot na ngiti sa mga labi habang patuloy ang pagluha at ang pagdanak ng dugo sa dibdib. Hawak siya sa buhok ng isang binatilyong nakasuot ng pamilyar na uniporme habang tinataga ng isa pang lalaking may salamin sa mata ang leeg ng agaw-buhay na dalaga.

Paulit-ulit. 

Palakas ng palakas.

Dinig na dinig ni Nimuel ang bawat pagtama ng talim sa laman at buto ng pinakamamahal niyang demonyo hanggang sa tuluyang humiwalay ang ulo na siyang inihagis sa direksyon niya. Sunod na bumagsak ang walang buhay nitong katawan sa semento at mabilis na nagsitakbuhan ang dalawang salarin!

Nakita niya kung paano nila patayin si . . .

Si Mona Devila.

Ang pinsan niya na kagagaling lang sa ospital.

Ang pinsan niyang mahina at walang kalaban-laban. 

Lumuhod siya at dinampot ang ulo nitong nakasara na ang mga mata, subalit sinikap pa ring panatilihin ang ngiting 'yon sa mapupulang mga labi na pinag-agusan din ng pulang likido.

Wala na ang pinsan niya.

Pinatay siya! 

Humahagulgol siyang gumapang palapit sa katawan at ipinatong ang yakap-yakap na ulo doon saka nagpatuloy sa pag-iyak. Yakap-yakap niya ang bangkay na unti-unting inaagnas ang balat at hindi alintana ang masangsang na amoy na lalo pang lumalala sa paglipas ng sandali.

SINS to REMEMBER [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon