"N-nasaan ako?"
Sinubukang bumangon ni Octavo, ngunit hindi pa rin talaga niya kinaya at muling lumapat ang likod sa malambot na kama.
"Nasa clinic ka, hijo. Ano'ng nangyari sayo kanina? Nasobrahan ka na yata sa pag-aaral. Alam kong mahalaga ang scholarship sa college, pero try mo namang magpahinga, ano?" Ang prinsipal nilang si Mr. Quirante ang una niyang nakita't narinig.
Bigla siyang napa-upo nang maalala ang nakakatakot na nilalang kanina at ang katotohanang oras na dapat niya. Subalit imbis na si Kamatayan, si Mr. Ilyakov na nagtsa-tsaa sa tabi ng lamesitang naroon ang nakita niya at ang prinsipal na may pinakukuluang takure sa maliit na kusina ng clinic. May dalawang tasa at isang bangkong bahagyang nakalayo kaharap ng guro. Naisip niyang mahalaga marahil ang pinag-uusapan ng prinsipal at ng guidance counselor patungkol sa nangyari sa kaniya o sa iba pang isyu ng school sapagkat hindi nila ito ipinagpaliban.
Dinala nila ang meeting hanggang clinic.
"Gusto mo rin ba ng tsaa? Ipaghahanda kita. Sandali lang, ha? Malapit na 'tong kumulo." Ani Mr. Quirante. "Ang sarap ng amoy, 'di ba? Masarap 'tong tsaa na dala ni Mr. Ilyakov. Ano nga uli ang tawag dito?"
"Tsaang sebada po na mas kilala sa tawag na barley tea sa Ingles." Magalang at malumanay na paliwanag ng dating ubod ng sungit na si Mr. Ilyakov. Nakakamangha itong makita kung hindi lang alam ni Octavo ang buong katotohanan.
Buhay pa siya at ito ang labis niyang ipinagtataka.
Sino ba talaga itong anghel na nagpakilala sa kaniya? Anghel ba talaga siya? Paano niya napigilan ang ilang dekadang sumpa ni Kamatayan sa pamilya Resurecto?
Ito kaya ang tinatawag nilang milagro?
Napatitig siya ng matagal sa lalaking nakasuot pa rin ng itim na kasuotan. Sakto na sana ang suot nito kung natuloy ang naudlot niyang lamay. Nakaligtas na naman siya. Sa lahat ng tao, bakit siya pa ang nabiyayaan ng tulong ng nilalang na nakaupo ngayon at kampanteng painom-inom lang ng tsaa? Hindi niya maalalang nagpakabait siya kaninuman. Sa katunayan, binalak niyang maghiganti kay Godesha dahil sa ginawa nito kay Argon Aristoph. Lalo siyang nanliit sa sarili at sa kabutihang tinanggap mula sa anghel. Bakit niya ako hinayaang mabuhay? Habang nag-iisip ng sagot sa mga tanong ay lalo lang siyang nalulunod sa mas marami pang mga katanungan. Ang mahalaga ay alam na niyang demonyo si Godesha at si Mr. Ilyakov ay---
Isa siyang anghel, pero . . . kailan pa?!
"Medyo napahaba yata ang tulog mo, Mr. Gascon. Isang subject na lang, lunch time na."
"Octavo na lang po sana, Sir."
"Then Octavo it is. Come here, mag-tsaa ka muna." Ilalapag ni Mr. Quirante ang isang tasa ng tsaa sa lamesa at hahawakan sa sandalan ang bakanteng upuan. "Halika, dito ka maupo. Kakatapos lang naming mag-lunch ni Mr. Ilyakov. If I only knew that you would wake up soon, isinabay ka sana namin. I'm not really sure kung mas mainam na mag-tsaa ka muna? Sabi ng Sir mo nahimatay ka raw sa hallway kanina and eating something heavy may not be that wise. I think it's better to drink tea tapos magrelax ka muna then you can eat your lunch. What do you think?"
Pinakiramdaman muna ni Octavo ang sarili bago tumayo at naupo sa inilaang bangko ng prinsipal at dinampian ng daliri ang katawan ng tasa. Tama lang ang init nito para gisingin pa siyang lalo sa bangungot na naranasan kaninang umaga. "Mapaglaro talaga ang tadhana." Bulong niya sabay tingin sa guidance counselor na sinalubong siya ng mga mata na may kasamang matamis na ngiti sa mga labi. Wala siyang magawa kundi ang magtiwala.
"Ano uli 'yon, hijo?" Usisa ni Mr. Quirante.
"Sa tingin ko tama po kayo, Mr. Quirante. Masama pa rin po ang pakiramdam ko. Sa bahay na lang po siguro ako manananghalian. Gusto ko po munang umuwi at doon ipagpatuloy ang pagpapahinga. I feel . . . I feel so weak and tired."
BINABASA MO ANG
SINS to REMEMBER [COMPLETED]
ParanormalPaano kung isang demonyo ang Soul Mate mo? Maniniwala ka ba o pilit mong itatanggi sa sarili na sa tuwing binabanggit mo ang pangalan niya ay lalo ka lang nahuhulog sa kaniya? Tatanggapin mo ba ang pagkakataong magkasala at ipakilala sa isang demon...