Chapter 17

13 2 0
                                    

Chapter 17: Run

Nagbaba ako ng tingin, iniiwasan ang kaniyang mga mata. Pakiramdam ko ay may hindi tama, may mali sa ginagawa ko. Muli kong tinignan si Zen. Nakikipag-usap na siya ngayon sa aming mga kaklase. Lumingon siya sa gawi namin at ngumiti. Pinilit kong ngumiti pabalik.

Hindi na rin nagsalita si Trek pero kahit hindi siya nakikita ay ramdam ko ang titig niya sa akin. Para akong mabibingi sa lakas ng pintig ng puso ko. Halos hindi ko maintindihan ang mga naririnig sa paligid ko.

"Uy, nandito na pala si Zen."

Narinig ko ang boses ni Shawn. Pumasok siya sa classroom kasama sila Rage, Owen, at Westley. Kagaya namin ay hindi agad sila dumiretso sa kanilang mga upuan. Lumapit sila sa amin.

"Ayos, ang kulit na naman." Natawa si Shawn. "Mukhang okay na okay na siya, ah."

"He's still not fully okay. Pinilit niya lang ang pumasok dahil ang sabi niya ay naiinda na niya ang sakit," sabi ko.

Nang dumating ang unang guro para sa umaga ay doon pa lamang umayos ang lahat. Ngumiti si Zen at ginulo ang buhok ko nang makaupo kami sa aming upuan. Narinig namin ang pagtikhim ni Trek sa likod.

"Good morning," bati ng guro.

"Good morning, ma'am!" Ang pinagsama-sama naming boses ay naglikha ng malakas na tinig.

Nilibot ng guro ang kaniyang tingin. Huminto ito sa katabi kong si Zen.

"Okay ka na ba, Zyren?" The teacher asked.

"Opo." Tumango si Zen at ngumiti.

"Malakas na nga ulit mang-asar, ma'am, e!" Mula sa isang kaklase.

"Mabuti naman kung ganoon. I hope you won't be sick again."

"Sana nga po," pabulong na sagot ni Zen, batid kong hindi na narinig ng guro.

Sa Lunch time ay sumabay kami ni Zen sa grupo ni Trek. Nag-aasaran ang mga lalaki at para akong nanliliit na kasama sila. Wala namang mali roon, pero pakiramdam ko pa rin ay hindi tamang kasama ko sila. Dapat na ba akong maghanap ng babaeng kaibigan?

Si Shawn ay nakaakbay kay Zen, kalokohan nila ang katabing si Owen. Si Rage at Westley naman ay nakikipagtawanan sa kanila. Si Trek ay nasa tabi ko at sa akin naman nakikipag-usap.

Naiilang ako sa tuwing may makakasalubong na mga mag-aaral, sa halip na kami ang mag-adjust ay ang mga ito na ang nagpapagilid upang magkasya sa daan. Halos solohin kasi ng grupo namin ang hallway.

"Love, doon na ako kila Owen." Si Trek nang makarating kami sa canteen.

"Angel! Ako na ang bibili ng pagkain natin." Sumulpot naman si Zen sa likuran ko.

"Ako na," salungat ko. "Mahaba 'yong pila at maraming tao, maiinitan ka lang."

"Ano naman?" Ngumuso siya. "Hindi ako mapapagod sa ilang minutong pagtayo."

"Hayaan mo na, Kira. Simple lang naman iyon. Shawn, sumabay ka na kay Zen, ikaw na ang bumili para sa atin para isahan na lang..." sabi ni Trek.

Napatango na lamang ako at sumenyas sa kanilang mauuna na sa puwesto namin kung saan naroon sila Tiffany.

"Ako na naman!?" Rinig ko pang reklamo ni Shawn.

"Magrereklamo ka pa, e, pupunta ka rin naman."

"Hi, Kira!" Salubong ni Tiffany sa akin.

"Kararating lang din namin. Hihintayin na nga namin dapat kayo kaso itong si Tiffania ay gutom na raw." Si Zander.

"Hoy, Zander! Sinabi ko lang iyon pero hihintayin ko naman dapat sila ni Kuya Zen! Kaso ang sabi mo ay kumain na ako kung gutom na, e'di, kumain ako!" Pagtatanggol ni Tiffany sa sarili.

Pure Intention (Possession Series#2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon