Matagal ko nang gustong maging facebook friend si Jec. Kaya talagang hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit hindi ko siya magawang i-accept.Umabot ang maghapon na iyon ang nasa isip ko. Hindi ko na nga napansing dumating na sila Sam, kung hindi pa nagmamadaling pumasok ang mga ito para tanungin kung kumusta na ang kalagayan ko.
"Kumain ka na?"
"Maayos na ba nararamdaman mo?"
"Siguro pwede namang hindi ka rin muna pumasok bukas kung hindi ka pa ayos."
Sunod-sunod na tanong nila. Ngumiti na lang ako't hindi na nagsalita, ayoko na kasing sumagot dahil hahaba lang ang usapan. Marami rin kasi talaga akong iniisip.
Sinenyasan ako ni Neya na sumunod sa kaniya sa kwarto. Tumayo na lang din ako't nagpaalam muna, ang iba nama'y nilapag ang mga gamit nila dahil anila'y dito na kami kakain ngayon.
"Nagtatanong si Sir Jec kanina tungkol sa 'yo," bungad ni Neya sa 'kin pagkapasok ko sa loob, naghuhubad ito ngayon ng uniform kaya isinara ko na rin muna ang pinto. "Kung ano raw bang dahilan at bakit ka absent," patuloy pa nito.
Bumuntong hininga ako, "Nag add siya sa 'kin."
Dahil doon ay matagal siyang tumitig sa 'kin, hindi na niya halos maituloy ang pagsusuot ng pambahay niyang damit, "And? In-accept mo?"
Malungkot akong napangiti, "Hindi."
"Rain, huwag puro karupukan pairalin mo."
Matapos niyang sabihin 'yon ay lumabas na siya ng kwarto. Napaupo na lang ako sa kama.
Hindi ko na alam ang gagawin ko. Ramdam na ramdam kong hindi nagugustuhan ni Neya ang mga nangyayari. Naiintindihan ko rin siya. She was with me through those hardest days. Alam niya halos lahat ng pinagdaanan ko, kung gaano karaming beses akong umiyak, nasaktan at kung paano akong naging hirap na hirap makaahon do'n.
To be honest, hanggang ngayon hindi pa rin nawawala 'yung mga tanong. Ang dami ko pa ring gustong sabihin, gustong malaman. Nandirito pa rin 'yung lungkot sa kada maaalala ko 'yung mga nangyari, kahit ilang taon na ang nakalipas.
Totoo rin nga pa lang hindi gano'ng kadaling kalimutan lahat. Jec is my first love, he's still special to me.
But there are types of love that you need to let go. Because if you don't, you'll lose yourself.
Napatayo ako nang marinig ang katok sa kwarto, "Maghahain na, Rain. Kain na tayo."
Binuksan ko 'yon at bumungad sa 'kin ang nakangiting si Kier. Tama nga siya dahil paglabas namin ay nag aayos na ng mga plato sila Clair. Nakaupo na rin doon si Sam habang si Neya naman ay naglalagay sa mangkok ng ulam.
Pumunta na lang din ako sa ref para kumuha ng tubig, matapos no'n ay baso naman ang inilagay ko sa lamesa.
"Papasok ka na ba bukas?" nagtinginan silang lahat sa 'kin matapos akong tanungin ni Belle, umupo na rin si Neya sa tabi ko.
"Oo, ayos naman na 'ko," tumango na lang sila't nag aya nang kumain. Si Sam ang nag lead ng prayer.
"Magpapadala na ba agad kayo 'pagkasahod niyo?" tanong ko, ngumunguya pa sila kaya wala agad nakasagot, "Hindi ko pa pala nakakamusta manlang sila mama," dagdag ko pa.
Binaba ni Rion ang kutsara bago nagsalita, "Hindi na muna siguro ako, buong sweldo ko naman last month ay sa kanila na napunta. May mga kailangan pa muna akong bilhin."
Sumang-ayon naman ang iba't sinabing gano'n din sila.
"Ako na maghuhugas," nagprisinta na 'ko dahil alam kong pagod din sila, wala rin naman akong gagawin at ayokong magkaroon ng oras para mag isip. Mas mabuting abalahin ko ang sarili ko sa ibang bagay.
Tinulungan nila 'kong magligpit at ilagay ang mga nagamit na kubyertos sa lababo bago sila nagpuntahan sa sari-sarili nilang mga kwarto.
Habang naghuhugas ay naisip kong tumawag kela mama, hindi ko pa rin kasi manlang sila nakakausap mula nang dumating ako rito. Nag text lang ako pero noong nakaraan pa rin naman 'yon.
Iyon nga ang ginawa ko, pumasok ako sa kwarto't napansing wala roon si Neya. Siguro'y nagha-half bath ito. Kinuha ko na lang ang cellphone ko at nag dial ng number ng kapatid ko.
"Ate! Ma, tumatawag si ate!"
Napangiti ako sa boses ni Ryz, mas bata ito nang limang taon sa 'kin. "Kumusta?" tanong ko rito.
"Ayos lang, 'te. Buti napatawag ka, teka hanapin ko lang si Mama."
"Oo, pasensiya na ngayon lang. Med'yo naging abala," itinawa ko pa 'yon, pakiramdam ko kasi'y ang awkward.
"Rain?"
Huminga ako nang malalim nang marinig ang boses ni Mama. Ilang araw pa lang naman ako rito'y nami-miss ko na agad sila.
"Hi, Ma!" pinilit kong pasiglahin ang boses ko para hindi siya mag alala.
"Kumusta? Ayos ba ang boss mo diyan?"
Sumimangot ako na parang makikita ako nito, "Sungit, Ma. Pero ayos lang naman."
Humalakhak siya, "Ang daming nagtatanong sa 'kin kung nasaan na kayo ni Neya, kumusta na pala ang batang 'yon?"
Mas lalo akong nalungkot sa tanong niya. These past few days, alam kong hindi kami gano'ng ka-ayos ni Neya. Kinakausap man ako nito'y aware akong masama ang loob niya. Hindi ko rin naman alam kung paanong magtatanong o hihingi ng tawad, wala naman din kasi itong sinasabi.
"Nako, ayon sobrang istrikto pa rin," tumawa ako, "Mangangamusta lang din ako, Ma. Maaga pa kami bukas kaya papatayin ko na rin agad."
"Oh? Siya sige, mag iingat kayo riyan. Kumain sa tamang oras."
"Pakamusta na lang din ako kay Papa, Ma. Ingat din kayo diyan. Pasabi kay Ryz, padala ko na lang 'yung kailangan niyang pera sa susunod na linggo."
"Huwag mo nang isipin 'yan. Sige na, ingat ka."
Binaba ko ang cellphone matapos ang tawag. Pumasok na rin si Neya kaya ako naman ang nagpaalam para mag half bath.
Hindi pa man ako nakakalabas nang tuluyan sa kwarto'y nagsalita na ito, "Gusto kitang makausap, Rain."
Kinabahan ako sa seryoso nitong boses. Huminga ako nang malalim, "Sige, after ko maglinis," hindi na 'ko nag abalang humarap sa kaniya't agad nang dumiretso palabas.
Hindi na rin ako nagtagal doon dahil alam kong hinihintay niya 'ko. Nakatutok siya sa laptop niya 'pag pasok ko.
Inilagay ko na lang din muna ang damit ko sa lamugan. Marami na rin ang mga 'yon kaya kailangan na rin naming maglaba. Siguro'y sa linggo na lang dahil wala namang pasok sa gano'ng araw.
"Wala akong pakialam kung gaano kahalaga si Sir Jec sa 'yo," panimula nito. Humarap ako sa kaniya para hintayin ang sunod niyang sasabihin, "Layuan mo siya, iwasan mo kung kinakailangan."
Kinagat ko ang labi ko, hindi alam ang sasabihin.
"Hindi ko na kayang makitang masasaktan ka na naman niya."
Kusang pumatak ang luha ko sa sinabi nito. Lumapit siya sa 'kin para yumakap.
"Rain, sarili mo muna, ha? Sarili mo na lang. Hayaan mo na siya."
BINABASA MO ANG
Enduring The Pain
Teen FictionThey say, we don't meet people by accident. They are meant to cross our path for a reason. For the past years of enduring the pain after breaking up with his ex boyfriend, Rain Cueria finally got over. It made her believed that love doesn't exist...