Sa murang edad, maaga akong namulat sa madilim na bahagi ng mundo. Saksi ang dalawang mata ko kung gaano kahirap ang mabuhay at kung gaano ito kagulo.
Buong buhay ko ay wala akong ibang pinanghahawakan kundi ang paniniwalang wala na akong pag-asa. Hindi na ako uunlad at mananatili akong nasa baba. . . kagaya ng mga magulang ko na umiikot lang ang buhay sa pagnanakaw at pagbebenta ng droga para lang mabuhay ang aming pamilya.
"Hindi! Hindi ka na mag-aaral! Hindi ka papasok diyan sa lintik na paaralang iyan!" nanggagalaiting sigaw ng aking Tatay at ibinalibag pa ang babasaging baso na hawak niya.
Nanginig ako sa labis na takot at mariing ipinikit ang mga mata. "Pero gusto ko po talagang–"
"Hindi nga! Sa tingin mo ba kapag nag-aral ka ay tiyak na aasenso ang buhay mo, ha?!" Mabibigat ang hakbang niyang lumapit sa akin at dinuro-duro ang aking noo. "Hoy Jose, huwag ka namang masiyadong ambisyoso. Masiyadong mataas naman yata 'yang pangarap mo!" aniya at pagak na tumawa.
Mula sa likod ay ikinuyom ko ang aking kamao kasabay ng pagtangis ng aking bagang.
"Tama ang Tatay mo, Carlo. . ."
Napalingon ako kay Nanay na kararating lang mula sa inuman. Mapupula ang kaniyang mga mata habang pasuray-sura na pumasok sa loob ng bahay.
"Iyang pag-aaral, hindi 'yan para sa ating mahihirap kaya tigilan mo na 'yang pantasya mo na makakapagtapos ka. Ang mga katulad nating isang kahig at isang tuka ay mananatiling nasa ibaba hanggang sa kamatayan. Naiintindihan mo ba, ha?"
Bumagsak ang tingin ko sa sahig bago dahan-dahang tumango.
Siguro ay gano'n nga. Siguro tama talaga ang magulang ko. . . ngunit kahit anong pilit ang gawing kong paniniwala roon ay may bahagi pa rin sa utak ko ang nagsasabing. . .
"Hindi totoo 'yon. May pag-asa pa 'ko. May pag-asa pa ang buhay ko. Mali sila at patutunayan ko iyon." Itinatak ko iyon sa utak ko.
Ngunit ang lahat ng iyon ay unti-unting naglaho nang isang gabi ay nahuli at nakulong ang mga magulang ko at dahil wala pa ako no'n sa hustong edad ay dinala ako sa pangangalaga ng DSWD.
Hindi rin naman ako nagtagal doon dahil kinuha ako ng isa naming kamag-anak at pinag-aral hanggang high school. Ngunit pagkatapos no'n ay binitawan na rin nila ako at pinagpasa-pasahan na 'ko ng iba naming kamag-anak.
Dumating na ako sa punto na tuluyan nang isinaisip ang mga sinabi nina Nanay. Naisip ko na tama sila. Tama silang masiyadong mataas ang pangarap ko at masiyado akong ambisyoso.
"May kaibigang maganda si Ate Elo. Siya na lang ang single sa kanilang tatlo. . ." nakangiting wika sa akin ng bata kong pinsan na si Albert na siyang ikinangiwi ko.
Humipak ako sa yosi at tinakpan muna ng panyo ang ilong ng pinsan ko bago ibuga ang usok.
Napasimangot siya sa ginawa ko.
"Bakit mo ginawa 'yon?! Ang baho ng panyo mo, amoy pawis!" reklamo niya kaya naman pinandilan ko siya ng mga mata.
"Aba! Sige mamili ka, pagtiisan mo itong amoy pawis kong panyo o magka-cancer ka?!"
Hindi siya sumagot at mas lalo lang nalukot ang kaniyang mukha. Ilang segundo siyang natahimik bago muling ibinalik ang usapan doon sa babaeng tinutukoy niya.
"Hindi ako interesado," tamad kong sagot.
Dinampot ko ang sando sa aking tabi. Isinabit ko 'yon sa aking balikat bago tuluyang lumabas ng bahay para tumambay sa labas kasama ang mga kaibigan.
Totoo naman. Hindi talaga ako interesado pagdating sa mga babae. Hindi naman sa ayaw kong mag-asawa pero. . . tangina, sino namang tatanggap sa kagaya kong pabigat at walang direksyon ang buhay?
BINABASA MO ANG
Closing Entries (Accounting Series #5)
RomansaAccounting Series Five (COMPLETED) "Closing entries is one of the most important cycles in accounting. It aims to transfer all the temporary accounts into permanent ones or either reset them to zero." Escaping from the disappointment and pain. Leav...
