Prologue

124 10 0
                                    

Prologue

"Eto na po ang order n'yo, Sir. Enjooy!"

Mabilis kinuha ng isang binata ang supot sa counter bago tuluyang nilisan ang isang fast food restaurant. Paglabas niya ng pinto, agad nilanghap ng estudyanteng nagngangalang Winter Faraon ang kanyang pinamili sa gitna ng kalsadang binalot ng dilim.

"Hah?"

Hindi pa nakakarating sa karatig na kanto'y may naramdaman nang kakaiba ang binata. Isang pakiramdam na para bang may mga matang sumusunod sa kanya.

Sa pagsilip niya sa kanyang balikat, isa lamang lansangang walang katao-tao ang kanyang natanaw sa ilalim ng buwan.

"Hmm..." napaisip ang binata. "Bakit pakiramdam ko'y hoholdapin ako sa lugar na 'to?"

Nagpatuloy naman sa paglalakad ang binata sa pag-aakalang guni-guni lamang ang lahat. Pero matapos ang ilang sandali, may naramdaman siyang matigas na bagay na para bang itinutok sa kanyang likuran.

"Huwag kang lilingon, Bata." bulong ng isang lalaking bigla na lamang nagpakita sa likod ni Winter. "Isang kalabit lamang, siguradong tagos 'tong bala sa dibdib mo."

Hindi na nakakibo pa ang binata. Dahil sa baril na nakatutok sa kanya, agad siyang sumagot sa lalaki.

"Anong kailangan mo sa akin?"

"Walang mangyayaring masama kung susundin mo ang sasabihin ko. Iabot mo sa akin ang dala mong bag at wala tayong magiging problema."

Nakapagtataka na kamakailan lang, walang napansing ano mang bakas ng paggalaw si Winter sa lansangang kanyang binaybay. Isa lamang ang pumasok sa isipan ng binata. Marahil, hindi isang ordinaryong holdaper ang nasa likuran niya.

Binuksan ni Winter ang kanyang bag. Inabot niya sa kanyang likuran ang isang kulay brown at mainit-init pang supot.

"Eto. Isang order ng sweet-sarap Jolly Spaghetti with crispylicious, juicylicious Chicken Joy. Enjoy!"

"Winawalang-hiya mo ba ako?" tugon nama ng holdaper. "Akin na ang wallet at cellphone mo!"

Ngunit isang simpleng ngiti lamang ang sagot ni Winter Faraon. Kaya hindi nagtagal at napuno na ang lalaking may hawak ng baril.

"Pasensyahan na lang tayo, Bata!"

Ilang segundo ang dumaan pero walang ano mang putok ng baril ang kumawala sa madilim na kalye. Ang tanging tinig na narinig ni Winter ay ang nagtatakang boses ng holdaper.

"Ahhh! Ano 'to?!"

Biglang napaupo ang holdaper sa kalsada. Sa unang beses na humarap ang binata sa lalaki, nakita niya itong ipinupukpok sa sahig ang braso niyang bigla na lamang nabalot ng makapal na yelo.

"A-Anong ginawa mo sa'kin?!"

Nang hindi pa rin mabasag ang yelo sa kanyang braso, napagapang muna palayo sa binata ang lalaki bago nakatindig.

"H-Huwag mong sabihing isa kang squire?!" panginginig na tanong ng holdaper.

Sa puntong ito, naintindihan na ni Winter ang mga nangyari. Planadong mabuti ang panghoholdap sa kanya. Mula sa pagpili ng madilim na lansangang hindi masyadong dinadaanan ng mga tao hanggang sa paggamit ng holdaper ng isang abilidad na tila binubura ang anong mang tunog at bakas ng kanyang mga galaw.

Bagamat perpekto ang execution, balewala naman ang kanyang preparasyon sapagkat hindi rin isang ordinaryong estudyante ang kanyang naka-engkwentro.

"Bibigyan kita ng pagkakataon para mamili." tugon ng binata. "Sumuko ka sa mga otoridad at walang masasaktan. Gumawa ka ng anumang kilos, sa kalyeng ito ka pupulutin ng mga pulis ngayong gabi. Ano? Pera o bayong?"

A Knight's Tale Vol. 0 [Tagalog Fantasy Anime]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon