Part 2
Isang kurap lamang ng kanyang mga mata'y tila nagbago ang nakapaligid sa kanya. Ang huni ng mga kumakantang ibo'y tila nasapawan ng nakaririnding mga busina. Ang preskong hanging humaplos sa kanyang balat ay agad naglaho at napaltan ng nakapapasong sikat ng araw, na para bang ipinadala siya sa ibang dimensyon.
Sa paglampas niya sa ginintuang gate, nakita na lamang ni Winter Faraon ang sarili sa isang pamilyar na lugar. Sa tabi ng isang KFC restaurant sa matandang bayan ng San Pablo.
"Mahanging prinsesa..."
Tanging pagmamayabang lamang ang narinig ng binata sa kastilyo. Mga kayabangang naglalaman din ng munting bitag para sa kanya.
Maliwanag sa binata kung bakit gustong gusto ni Prinsesa Winona na manatili siya sa kastilyo. Hindi naman talaga kanyang kapakanan ang prayoridad ng dalaga. Kung sakali man na siya'y manatili, maaaring i-claim ng prinsesa na siya ang nakakitil sa kanyang buhay. Isang paraan upang makaharap personal ang payasong nagngangalang Master Showman.
Ngunit ngayong nalaman na ni Winter ang kadahilanan ng pagtatangka sa kanyang buhay, hindi niya maaaring aksayahin ang ipinagkaloob sa kanyang oportunidad. Alam niya na isa itong karera kung sino ang unang makahuhuli sa tanyag na payaso.
"Pero paano?"
Sa kanyang paglalakad ay napakamot ang binata sa kanyang baba. Sa kanyang kakaisip ay hindi na niya pinansin pa ang isang grupo ng mga kalalakihang kanyang nakasalubong.
"Ngayon, ano ang dapat kong gawin?" wika ng binata bago sumulyap sa isang bintana ng nakaparadang sasakyan.
Matapos mapalingon ay agad bumunot ng mga patalim ang ilan sa mga dumaang lalaki. Ang isa sa kanila'y lumiyab pa ang kamao matapos na itaas ang braso malapit sa dibdib. Nagpamalas muna ang mga ito ng nakaririmarim na mga ngiti bago sumugod sa binata.
Si Winter naman, malalim pa rin ang inisip kahit sa kanyang likuran ay may nakaambang panganib.
"Hindi na bale, pag-iisipan ko na lang sa loob ng aming silid." bulong ng binata bago mabalot ng makakapal na yelo ang mga maton sa kanyang likuran.
*
Magsisimula na ang klase nang matanaw ni Winter ang kanilang paaralan. Ano mang oras ay maaari nang tumunog ang bell, hudyat nang pagsisimula ng kanilang unang period. Kaya imbis na magpatuloy sa school gate, inilapag niya ang kanyang mga palad sa sahig at lumikha ng hagdang yelo patungo mismo sa ikatlong palapag ng gusali, sa may bintana ng kanyang silid-aralan.
Pagsilip sa silid, bumungad sa binata ang mga kamag-aral niyang nakasuot ng sibilyang damit, habang nakaupo sa kani-kanilang mga silya. Nasa unahan na rin ng pisara ang kanilang guro kahit hindi pa nagsisimula ang klase.
May banyaga ring mukha ang kanilang maestra. Hindi nagkakalayo ang kanilang edad at may taglay siyang itim at gadibdib na buhok, bughaw na mga mata at kutis na maihahambing sa prinsesang nakahalubilo kamakailan ng binata. Suot din ng guro ang isang kwintas na may hugis at pagkakahawig sa insignya ng chess queen sa dibdib nito.
"Tsk! Ang aga naman ni Sophia-sensei..."
Katapat lamang ng bintana ang silya ng binata. Kung siya ang tatanungin, ilang segundo lang ang kailan niya upang makaupo ng payapa.
Ngunit dahil sa kanyang gurong nagngangalang Sophia, hindi siya makagalaw ng malaya. Kaya nama'y palihim siyang bumulong sa bintana.
"Hoy, Four-eyes! Naririnig mo ba ako?" bulong ni Winter sa kanyang kaibigan. "Nasa delikado akong sitwasyon. Lumapit ka sa pisara at gumawa ka ng distraction. Kausapin mo si Sensei para ako'y palihim na makapasok..."
BINABASA MO ANG
A Knight's Tale Vol. 0 [Tagalog Fantasy Anime]
FantasyIsang binatilyong nangangarap maging isang kabalyero ang tila tinutugis ng mga kalalakihang kahit kailan ay hindi pa niya nakita. Sa isang iglap, mahahanap ng binata ang sarili sa gitna ng karahasan ng mga sindikato at ng isang di-pangkaraniwang pal...