Part 7
"Sapat na para sa kanila ang Silver State."
Iyon ang mga salitang pumasok sa isipan ni Winter Faraon buhat ng unang saluhin ang buong pwersa ng katunggaling android.
Sa totoo lang, isa lamang ang gustong mangyari ng binata bago matapos ang gabi. Ang magtungo sa presinto ng kapulisan at makita ang payaso sa rehas.
Ngunit ngayong natunaw na ang mga yelong nakalapat sa kanyang balat, sa pagmamatigas ng payaso'y nagkaroon ng masamang kutob ang binata.
Ang mapilitan siyang gamitin ang isang abilidad na kahit kailan ay gusto niyang iwasan.
"Masyado ka namang nagmamadali, Winter Faraon. Sabihin ko lang sa'yo na hindi mga tambay sa kanto ang kaharap mo." pahayag ng payaso. "Ang katapat mo ngayo'y kapangyarihan ng Mana Tree na kahit sino'y wala pang nakahigit!"
"Kung sa iyong pag-aakala na ang taglay mong kapangyarihan ang hangad ng iyong kapatid, wala na marahil akong magagawa. Isa ka talagang hangal."
Biglang nawala ang ngiti sa mukha ni Master Showman. Napaltan ito ng mga tinging sumasalungat sa mga nasabi ng binata.
"At ano ang gusto mong paniwalaan ko? Na mas naiintindihan mo ang aking kapatid? Ikaw marahil ang inutil, Winter Faraon!"
"Ano ba ang mahirap unawain sa mga sinasabi ko?" tanong ng binata bago ituro ang sarili niyang dibdib. "Kami ang kanyang hangarin! Ang aming henerasyong minana ang kanyang minimithi!"
Sa pagkakataong iyo'y muling tumindig ang ngaping si Mark Marauder. Ngunit sa muling pagkilos ng android, nagsimulang dumiklap ang mga kasukasuan nito. Bukod sa malaking butas sa kanyang dibdib, tabingi na rin ang leeg niya't mga binti. Animo'y isang sirang robot itong naglakad patungo sa binata, taliwas sa matuling paggalaw nito sa pakikipaglaban.
"Ang tanong, totoo ba ang lahat ng mga sinasabi mo?" wika muli ng payaso. "Bakit hindi mo na lang kumpirmahin, Winter Faraon. Tutal naman at nagmamadali ka, hayaan mong tulungan kitang makita ang kapatid ko sa kabilang buhay. Mark Marauder! Activate Self Destruct Mode!"
Biglang namula ang bakal na katawan ng android. Tumaas ang temperatura sa paligid nito kasabay ng pagkawala ng tila nakakulong na enerhiya sa kanyang katawan.
Si Winter, walang ibang nagawa kundi ang tumalon patalikod sa kanyang nasaksihan. Matapos ang pag-iwas ng binata'y tuluyang naglabas ng malakas na enerhiya ang nagaping android. Lumikha ito ng nakabibinging ingay at binalot ng panandaliang liwanag ang tuktok ng Mana Tree. Sa lakas ng pagsabog ay naputol sa katawan ng puno ang sangang tinutungtungan nina Winter.
"Hanggang sa muli, Winter Faraon! Kidlat Florante!" tili ng kumakaway na si Master Showman. "Huwag n'yong kalimutang sumulat!"
Ngunit maiksi lamang ang naging pamamaalam ng payaso. Agad nagsulputan mula sa nasunog na parte ng sanga ang hindi mabilang na bloke ng yelo at muling itong ikinonekta sa katawan ng Mana Tree. Bagamat bahagyang tumabingi, muling dumikit ang higanteng sanga na para bang walang nangyari.
Agad namang nagpigil ng pagtawa ang ngayo'y nakaluhod na binata.
"Long time no see, McDonalds!" nakangising pagbati ni Winter. "Natanggap mo ba ang sulat ko?"
Sa kanyang pagka-inis, muling dinukot ng payaso mula sa kanyang baywang ang sandata niyang may pulang patalim.
"Kahit kailan talaga, panira kayong mga inheritor! Kung hindi kaya ni Mark Marauder, ako mismo ang sisira sa pesteng sangang ito!"
Sa muling paghataw ng pulang espada, inasahan na ni Winter ang muling pagtawag sa mga nagliliyab na batong ilang beses nagtangka sa kanyang buhay. Ngunit sa nakalutang na rune circle, ni isa'y walang nagpakita.
BINABASA MO ANG
A Knight's Tale Vol. 0 [Tagalog Fantasy Anime]
FantasyIsang binatilyong nangangarap maging isang kabalyero ang tila tinutugis ng mga kalalakihang kahit kailan ay hindi pa niya nakita. Sa isang iglap, mahahanap ng binata ang sarili sa gitna ng karahasan ng mga sindikato at ng isang di-pangkaraniwang pal...