Part 2
Dumiklap muna ang mamahaling camera na pinirat ni Winter Faraon gamit ang kanyang kanang kamay. Matapos nito'y buong pwersang isinuntok ng binata ang kanyang kamao sa kanyang palad at walang habas na binalot ng yelo ang buong entablado.
Animo'y mga estatwang nanigas ang mga matong tinangka pang sugurin ang binata. Ngunit huli na nang mamataan ni Winter ang payasong tila ginawang elevator ang monitor nitong paakyat na ng kisame.
"Adios amigo!" huling salita ng payaso sa kisame bago lumusot sa isang sikretong lagusan.
Napapitik ang dila ng binata. Wala siyang ibang nagawa kundi ang magsalita sa kanyang earpiece.
"Jacob! Natakasan ako ng payaso rito sa stage. Winasak ko na lahat ng mga elevator at binalot ng yelo ang mga ibabang palapag. Ang posibleng daan lamang niya ay paitaas diyan sa rooftop. Sa oras na makita n'yo ang target, huwag ninyo siyang hayaang makatakas. Paulanan mo sila ng bala kung kinakailangan. Depensahan ninyo ang rooftop hanggang sa ako'y makarating d'yan!"
"Copy that, Bossman!"
Matapos magsalita sa earpiece, biglang nakarinig ng kakaibang ingay ang binata. Ingay na tila pamilyar at malimit niyang mapakinggan. Nang siya'y lumingon sa kanyang balikat, saka lamang niya namalayan na siya'y napapalibutan.
"Hah?"
Kahit anong pilit niyang isipin, hindi mawari ni Winter kung bakit bigla na lamang nagpakita ang hindi mabilang na itim na mga asong naglalaway at tila nakalabas ang mga pangil sa kanya. Sa isang iglap, ang entabladong kanina'y pinuno ng nakabibinging hiyawan ng mga tao, ngayo'y napalitan ng mga umaangil na asong hawig ng mga demonyo.
Pero imbes na manginig, kumunot lamang ang noo ng binata.
"Cursed Dogs...? Tama. Mga cursed dogs nga ang mga halimaw na 'to."
Walang anumang ideya ang binata kung bakit parami ng parami ang mga halimaw na para bang pupunuin ng mga ito ang buong entablado. Kung meron man siyang nalalaman, ang mga tinawag na halimaw ay isa lamang dibersyon ng payaso upang makatakas.
"Bwisit naman oh..."
Nagkaroon muna ng panandaliang katahimikan sa buong entablado. At sa sabay-sabay na pag-atake ng mga asong maligno sa lahat ng direction, walang lugar na maaaring puntahan si Winter. Kaya nama'y muling isinuntok ng binata ang kanyang kamao sa kanyang palad.
*
Natatangi sa gitna ng siyudad ang gusaling may labing limang palapag. Nakaabang sa rooftop nito ang binatang nakasuot din ng itim na tuxedo habang hawak-hawak ang kambal na pistol sa dalawa niyang kamay.
"May mga footstep na akong naririnig sa kabila ng pinto." pahayag ni Jacob sa kanyang earpiece. "Narinig naman ninyo ang utos ni Bossman, hindi ba? Depensa lamang habang hinihintay natin siya."
Habang nakamasid sa likod ng isang tangke ng tubig, kasama rin ni Jacob sa rooftop si Arnold Malabongga na may hawak ding pistol at nakapwesto naman sa likod ng mga hollow block katapat lamang ng binata. Habang ang nag-iisang samurai ng grupo, nakatayo sa tapat ng nag-iisang pintuan ng rooftop at bitbit ang kanyang ipinagmamalaking katana na may puting-talim.
"Malas lang ni Winter at hindi na niya aabutan pa si McDonalds." ngiti naman ni Akashii Capuso.
Sa paglagabag ng pinto, nagpakita sa rooftop ang nagmamadaling payaso bago nito dali-daling kinapa at pinindot ang isang sikretong button malapit sa pintuan. Sa mga oras ding iyon biglang bumuka ang sahig sa unahan ni Akashii. Nagpakita at umangat mula sa ilalim ang isang pang sahig na dala-dala ang isang nakatagong military-grade chopper.
BINABASA MO ANG
A Knight's Tale Vol. 0 [Tagalog Fantasy Anime]
FantasyIsang binatilyong nangangarap maging isang kabalyero ang tila tinutugis ng mga kalalakihang kahit kailan ay hindi pa niya nakita. Sa isang iglap, mahahanap ng binata ang sarili sa gitna ng karahasan ng mga sindikato at ng isang di-pangkaraniwang pal...