Part 3
"Nagbibiro ka ba? Isang espadang gawa sa yelo?"
Sa pagkakabunyag ng sandatang hinugot ng binata, imbis na pagkabalisa'y mga halakhak ang sumalubong kay Winter Faraon.
"Hindi bale na. Tikbalang at mandirigmang Dalaketnon! Ano pa ang tinutunga-tunganga n'yo? Atakihin ang komedyanteng si Winter Faraon!"
Umungol muna ang tikbalang bago lumusob patungo sa binata. Kasunod nito ang Dalaketnon na may hawak-hawak na espadang tila binabalot ng itim na enerhiya.
"Ikaw yata ang nagmamadali, Manong." bigkas ni Winter matapos itapat ang espada sa kanyang mga katunggali. "Mabuti pa't simulan na natin ang gabing ito..."
Sa bilis ng tikbalang, iniwanan nito ang kasamang dalaketnon at nawala sa paningin ng binata. Bigla na lamang itong nagpakita sa tabihan ni Winter, kasama rin ang mahabang galamay nitong animo'y latigong inihampas sa binata.
Tumalon lamang patalikod si Winter upang iwasan ang sopresang pag-atake sa kanya. Ngunit paglapag niya sa aspaltong kalsada, may naramdaman siyang tila kakaiba. Isang pakiramdam na para bang nagalaw ang sahig sa kanyang talampakan.
Sa isang iglap, umusbong mula sa kalsada ang isang espadang may nakalapat na enerhiyang animo'y itim na lubid sa hawakan nito. Umakyat ang sandata paitaas kay Winter at dinaplisan sa mukha ang binata.
"Sh*t!"
Dumaan lamang ang talim ng espada malapit sa kanyang baba bago umakyat sa himpapawid. Ang ngayo'y nakatingalang si Winter, pinagmasdan muna at sinuri ang itim na enerhiyang tila nag-anyong lubid.
Mukhang pisikal na konektado ang itim na mana sa Dalaketnong tinawag ni Manong. bulong ni Winter bago pinutol ang nagpakitang lubid.
Hindi nagtagal at nagharap din mismo si Winter at ang mandirigmang Dalaketnon. Ilang hakbang lamang ang layo ng mandirigma ng sambutin nito ang kanyang espada at nagpakawala ng hindi mabilang na mga hampas sa binata.
Sa gitna ng laban sa kalsada'y bahagyang naningkit ang mga mata ng dalaketnon. Napatigil ito sa pag-atake at napalingon muna sa hawak niyang espada bago muling tumingin sa binata.
"Gulat ka no?" pabirong tugon ni Winter.
Sa hindi mabilang na pag-atake ng Dalaketnon, ni isa'y walang tumama. Inilagan ni Winter ang talim ng espada ng mandirigma na may konting pagkilos, na para bang kusang dumadaplis sa binata ang tangkang mga atake.
"Fluke." ani ng mandirigma.
"Talaga lang ha." sagot ng binata bago kumunot ang noo. "Teka...? Marunong ka mag-english?"
Sunod-sunod na pagputok din ang narinig sa gitna ng sagupaan. Sa tangkang pagsugod muli ng tikbalang kay Winter, pinuntirya ng mga bala ni Jacob mula sa himpapawid ang parte ng kalsadang dadaanan sana nito. Napatigil na lang ang tikbalang sa paglusob bago naglaho unti-unti ang katawan nito sa hangin, sa paningin ng lahat.
Agad namang nagsalita si Jacob sa kanyang earpiece.
"Bossman! Biglang nawala muli ang tikbalang sa aking paningin!"
Hindi na nakasagot pa si Winter sa kanyang kaibigan. Dumaan ang talim ng Dalaketnon sa lahat ng direksyon, pilit pinapatamaan ang vital organs ng binata. Ngunit kahit anong gawing atake ng mandirigma'y hangin lamang ang tinamaan nito.
"Masyado kang malikot."
Sa unang pagkakatao'y nagpakita ng seryoso at masamang tingin ang Dalaketnon. Kaya sa muling pag-atake nito, binalot ng itim at makapal na enerhiya ang talim ng kanyang espada at inihampas ito ng buong pwersa.
BINABASA MO ANG
A Knight's Tale Vol. 0 [Tagalog Fantasy Anime]
FantasyIsang binatilyong nangangarap maging isang kabalyero ang tila tinutugis ng mga kalalakihang kahit kailan ay hindi pa niya nakita. Sa isang iglap, mahahanap ng binata ang sarili sa gitna ng karahasan ng mga sindikato at ng isang di-pangkaraniwang pal...