Chapter 3 - Gabi ng mga Lihim

10 1 0
                                    

Part 1

Sa loob ng isang madilim na silid, may isang dalagang nakaupo at nakatitig sa harapan ng ilang computer screen. Kasabay ng bilis ng pagta-type ng dilag ay ang paglabas ng hindi mabilang na linya ng mga computer codes na tila walang katapusan.

"Hmmm..."

Sa sandaling nagdeklara ng pagtugis sa payaso ang squire na si Winter Faraon, isa lamang ang ibinigay na trabaho ng prinsesa sa dalagang may tenga ng mga kuting. Ang malaman ang susunod na hakbang ni Master Showman.

Simula noon, wala nang iba pang ginawa ang hacker na si Rebecca Seymour kundi ang uminom ng mainit na kape at maupo sa kanyang silya, habang tila nanlalabo ang kanyang mga daliri sa pagta-type sa dalawa niyang magkahiwalay na keyboard.

Maya-maya pa, may isang bughaw na dialog box ang nagpakita sa gitna ng kanyang computer screen. Napangiti naman ang dilag sa kanyang nabasa.

"Bingo!"

Kasabay rin nito ang paglabas ng hindi bababa sa tatlong pung server icons sa screen, kasama na rin ang kompletong IP Address ng server, pangalan ng may-ari, complete address ng lugar, at iba pang mga mahahalagang impormasyon.

"Alin man sa mga server na ito ang maaaring gamitin ng payaso. Genius ka talaga, Rebecca." puri ng dalaga sa sarili.

Kung isasalin sa simpleng mga salita, ang strategy ni Rebecca ay pasukin at puntiryahin ang government-level security ng ilang ahensyang iniimbestigahan ang underworld gamit ang isang exploit o butas sa seguridad nito. Habang may nakalaan ang dilag na mga computer systems upang sabay-sabay ia-analyze ang nakalap na mga impormasyong konektado sa mga keywords na 'Master Showman', 'Showman' at 'Master', pati na rin ang mga impormasyong nakapaloob sa mga server ng ilang kilalang social networking sites sa Pilipinas.

Sa kalagitnaan ng kanyang aktibidad, unti-unting bumukas ang pintuan sa gilid ni Rebecca. Pumasok sa silid ang nakasisilaw na liwanag mula sa labas na siyang ikinairita ng mga mata ng dalaga.

"Miss Rebecca, ano na naman ang pinagkakaabalahan mo?" tanong ng tinig mula sa labas ng pinto.

"Hindi mo ba nakikita?" pagmamayabang ng dalaga bago sumipsip ng kanyang kape. "Data hacking sa pamamagitan ng isang exploit na ako lamang ang tanging may alam. Alam mo na, sisilip sa mga classified government files, personal data ng mga private companies at social media users. Isang untraceable data theft. In a matter of seconds, mape-predict na natin ang lokasyon at server ng demonyong payaso."

"Oh..."

"Dala mo na ang mga ipinakisuyo ko, Margarita?"

Ngunit sa pag-ikot ng kanyang upuan at pagharap sa kanyang kausap, nanlaki ang mga mata ng dalaga. Naibuga pa nito ang hinigop niyang kape nang makita ang masamang titig ng kanilang mayordoma.

"K-Kayo pala yan, B-Belvedere..."

Naglaho bigla ang yabang sa boses ni Rebecca. Tila nawalan ng sigla ang dalaga na para bang nakakita ito ng multo.

"Tama ba ang narinig ko?" tanong ng mayordoma. "Mukhang ipinaparating ninyong dalawa sa akin ng prinsesa na walang mga salita o paliwanag ang makapipigil sa inyo, Miss Rebecca."

Ilang segundo ring napaubo ang dalaga. Matapos masamid, pumatag ang dalawa niyang tenga sa kanyang buhok at nangatal ang mga labi ng muling masulyapan ang tingin ng mayordoma.

"H-H-Hindi naman po sa gano'n..."

Napapikit na lamang ang mayordoma. Napabuntong hininga ito bago tinitigang muli ang nanginginig na dilag.

"Sa pagkakataong ito, sige. Pagbibigyan ko kayo." pahayag ni Belvedere bago muling tumaas ang dalawang tenga ng dalaga. "Pero sa oras na umuwing bigo ang prinsesa, marahil ay alam mo na ang mangyayari. Ngayon, ipaliwanag mo sa akin ang misyon."

A Knight's Tale Vol. 0 [Tagalog Fantasy Anime]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon