Epilogue

27 1 0
                                    

Epilogue

Ayon sa isang matandang kwento sa Eternia, isang milenyo na ang nakalilipas ng magpakita ang isang maalamat na mandirigmang nagmula sa bansa ng mga kayumangging tao. Pinag-isa ng mandirigmang ito ang mga magkakatunggaling pamilya na nagresulta sa pagkakatatag ng ngayo'y makapangyarihang imperyo.

Hinirang ng reyna bilang unang grand knight, sinasabing hindi maaaring ikumpara ang kanyang giting at lakas sa mga sumunod sa kanya. Bawat kasamaa'y walang nagawa sa harap ng talim ng kanyang sandata.

Sa kanyang pagkakahimlay, bago lagutan ng hininga'y kanyang ipinangako ang muling pagsilang ng magmamana sa kanyang mga habilin. Kaya nama'y natandaan siya sa kasaysayan ng Magnolia bilang Unang Protektor.

Ang kwentong ito ang nagbigay inspirasyon sa pangarap ng bawat kabataang Pilipino na mag-aral nang mahika at maging kabalyero balang araw.

Ngunit si Kidlat Florante, kahit kailan, hindi sumagi sa kanyang isipan na siya marahil ang tinutukoy ng kwento. Sa halip, pakiramdam niya'y ang paghahanap sa ikalawang Protektor ang sa kanya'y nakatadhana. Kaya naman sa kanyang murang edad, bumuo agad si Kidlat Florante ng isang network ng mga ispiya, na magsisilbing kanyang nakatagong mga mata.

Sa kanyang mga nakilala, si Winter Faraon marahil ang nakaaangat sa lahat. Hindi niya akalain na ang binata'y may taglay nang kapangyarihang tila nalampasan na kahit pa ang lakas ng kanyang ama. Sa huling labang nasaksihan mismo ng kanyang mga mata, may kutob siyang hindi pa naipapakita ng binata ang tunay nitong pakikipagdigma. Kaya nama'y isa si Winter Faraon at ang mga kaibigan nito sa mga importanteng taong sinusundan ng kanyang mga mata.

"Ginoong Florante! Ginoong Florante!" tawag ng isang squire na biglang pumasok sa silid ni Kidlat Florante. "Isang liham! Liham na mula mismo sa Imperial Palace!"

"Ano pa ang hinihintay mo." utos ng kabalyero habang nagsusulat sa isang mesa. "Basahin mo ang laman ng sulat."

"Ahh. Oho!"

Hindi naman nag-aksaya ng panahon ang squire at nanginginig na binasa ang liham.

"Kidlat Florante. Gusto kong ipaalam sayo na kinakansela ko ang seremonya ng pagbibigay titulo kay Winter Faraon bilang isang kabalyero."

Hindi naman agad nagbigay reaksyon si Kidlat sa kanyang narinig. Sa halip ay ipinagpatuloy pa niya ang kanyang pagsusulat.

"Ah. Isang cancellation letter."

Kumunot naman ang noo ng squire.

"Hindi po ba't may basbas at rekomendasyon ninyo ang knighthood ni Winter Faraon? Kung gano'n, bakit?"

Ngumisi lamang si Kidlat sa gitna ng pagsusulat.

"Madalas mangyari ang pagkansela sa knighthood ng mga Pilipino, lalo na sa mga binatilyo. Malaking kahihiyan para sa mga kabalyero ng Magnolia kung mabilis natin silang mauungusan, lalo na't halos tatlong dekada pa lamang ang kasaysayan ng Pilipinas sa mahika. Maaaring isang naiingit at mababang ranggong kabalyero sa Round Table ang nagkansela ng aking rekomendasyon. Pero walang dapat ipag-alala. Muli kong iaakyat sa imperyo ang sulat."

"Um... Ginoong Florante, pasensya na po pero meron pa kayong dapat malaman."

"Ano 'yon?" tanong naman ng kabalyero.

"Ang liham na ito... Galing sa pinakamataas na kabalyero sa imperyo."

Nanlaki bigla ang mata ni Kidlat Florante. Agad nitong inikot ang kanyang upuan at humarap sa kanyang squire.

"Ano kamo?!"

"Personal na nanggaling ang liham sa nag-iisang Grand Knight, kay Sir Magnus Stormbreaker..."

🎉 Tapos mo nang basahin ang A Knight's Tale Vol. 0 [Tagalog Fantasy Anime] 🎉
A Knight's Tale Vol. 0 [Tagalog Fantasy Anime]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon