Part 2
Nakaugalian na ng mga ordinaryong mamamayang Pilipino ang mag-lock ng pinto't bintana sa tuwing sasapit ang maagang gabi. Karamihan na ng mga establisyemento'y madalas na ring magsarado sa tuwing papatak ang alas otso ng kadiliman. Ang pagbabagong ito'y kasabay ng pagbuhos ng mga insidenteng hindi maipaliwanag ng modernong siyensya. Mga insidenteng dati'y sa telebisyon lamang makikita.
"Calling Arnold Malabongga. Calling Arnold Malabongga. Four-eyes, naririnig mo ba ako? Over."
Sa gitna ng kadilimang tanging 7-Eleven ang pinagmumulan ng liwanag, pinagmasdan ni Winter Faraon ang nasabing pamilihan matapos magsalita sa isang maliit na radyong nakakabit sa kanyang tainga. Nakaitim na tuxedo ang binata na may katernong pantalong slacks at asul na bow tie sa kanyang dibdib. Nakasuot din ito ng bughaw na face mask upang itago ang kanyang mukha.
Nakakubli ang binata sa isang sulok habang nakamasid sa mga taong pumapasok at lumalabas ng 7-Eleven. Ilang metro ang layo sa kanya, nakaupo rin sa isang sulok ang kaibigan niyang may kahabaan ang buhok na si Akashii Capuso, na katulad niya'y nakasuot din ng tuxedo at nagtatago sa dilim ng lansangan.
"Nariring kita, Daga. Over." sagot naman ni Arnold Malabongga mula sa clubroom ng kanilang paaralan.
"Ano, Four-eyes. Meron ka bang mga nakalap na impormasyon? Over."
"Of course naman! Napag-alaman kong ang lansangang inyong tinatambayan ay isa sa mga unang kalsadang ginawa pa noong panahon ng mga Kastila. Nakikita mo ba ang isang saradong tindahan malapit sa isang laundry shop? Balak nilang magtayo d'yan ng Angel's Burger. Over."
"Wow. Maraming salamat sa makabuluhang trivia, Kuya Kim." naiinis na sagot ni Winter. "Ikaw, Jacob. Anong mga nakalap mo? Over."
Si Jacob nama'y nakasuot din ng tuxedo tulad ng kanyang mga kaibigan ngunit nakapwesto sa himpapawid ng San Pablo, isang daang metro ang taas mula sa lupa. Komportableng nakadapa ang gunner ng grupo sa kalangitan ng lungsod, sa isang ordinaryong kamang pinalutang ng mga nakasabit na drone sa apat na gilid nito.
"Mag-ingat kayo sa isang lalaking kumakain ng siopao sa loob ng 7-Eleven, Bossman. Kung hindi ako nagkakamali, kasabwat siya ng ating target. Over."
At gamit ang kanyang mga matang nababalot ng invisible na mana, animo'y gumagamit si Jakob ng telescope sa linaw ng kanyang paningin. Ultimo tigyawat ng mga taong pumapasok at lumalabas ng 7-Eleven ay malinaw niyang nakikita. Isang abilidad ng binata kung tawagi'y Eagle Eyes.
Bigla namang kumunot ang kilay ni Winter. Tila nalito siya sa mga sinabi ni Jacob.
"Pa'no mo nalaman 'yon? Over."
Pero bago pa man masagot ni Jacob ang katanungan sa kanya, may isang lalaking balbasarado ang lumabas ng 7-Eleven at tumambay sa bandang unahan nito. Naka-jacket ang lalaki at may suot na bonnet sa ulo. Maingat itong nagmasid sa kanyang paligid bago nito sinindihan ang sigarilyong hawak niya.
Sa isang sandali, nasaksihan ni Winter ang pinakahihintay niyang palatandaan. Ang pagsisimula ng kanilang transaksyon sa oras na manigarilyo ang isang lalaki sa labas ng 7-Eleven.
Muli namang nagsalita si Winter sa kanyang earpiece.
"Squire Support Club, remind ko lang sa inyo ang napag-usapan nating plano. Akashii, ikaw ang magiging backup ko at ang unang kikilos. Ang pagpasok mo sa back entrance ng 7-Eleven ang magsisilbing simula ng misyon. Ako ang makikipag-usap at susuri kung totoo nga ba talaga ang ibinebenta nilang Blessed Item. Sa oras na may maramdamang kang kakaiba, aasahan ko ang suporta mo mula sa blindspot ng ating target, Long-hair. Over."
"Roger that, Mr. Winter Faraon!" sagot ni Akashii sa radyo.
"Jacob, kung si Long-hair ang naka-assign sa loob ng 7-Eleven, ikaw naman ang nakatoka sa labas nito. Kung sakali mang may makita kang kahina-hinalang bagay, alam mo na ang iyong gagawin. Over."
BINABASA MO ANG
A Knight's Tale Vol. 0 [Tagalog Fantasy Anime]
FantasyIsang binatilyong nangangarap maging isang kabalyero ang tila tinutugis ng mga kalalakihang kahit kailan ay hindi pa niya nakita. Sa isang iglap, mahahanap ng binata ang sarili sa gitna ng karahasan ng mga sindikato at ng isang di-pangkaraniwang pal...