Part 4
Sa gitna ng isang mapayapang hapon, isang sirkulo at kulay asul na portal ang bigla na lamang nagpakita sa himpapawid. Isang pabilog na lagusang nakalutang sa ibabaw ng isang tambakan ng basura at pinagmulan isang tinig na tila palakas nang palakas sa paglipas ng oras.
"Aaaahhhhh!" sigaw ng isang estudyanteng nakasalamin. "Ano ba itong pinasok naten, Winter?!"
"Tumahimik ka na laaaaaang, Four-eyes!"
Matapos bumulusok mula sa nakalutang na lagusan, wala nang iba pang nagawa ang dalawa at dumiretso pailalim sa mala-bulubunduking tambakan ng mga basura. Si Arnold Malabongga, hindi na nagawa pang kontrolin ang kanyang pagbagsak. Nagpagulong-gulong ito pababa sa burol ng basura kasalungat ni Winter Faraon, na agad namang lumapag sa dalawa niyang talampakan.
Napagmasdan mismo ni Winter mula sa tuktok ang mapait na pagdausdos ng kanyang kaibigan. Napahakbang na lang paurong ang binata at napakunot ang kilay ng masaksihan ang pagplakta't pagpasok ni Arnold sa isang baldeng puno ng kahina-hinalang putik.
Sumigaw naman si Winter sa pag-aalala.
"Arnold! Ayos ka lang ba?!" sigaw ng binata sa nakasalamin niyang kaibigan.
"May tanong din ako sa'yo!" sagot naman ni Arnold. "MAY MGA MATA KA BA?!"
Nang malamang may malay pa ang kanyang kaibigan, hindi na muli itong pinansin ni Winter. Agad niyang ibinaling ang kanyang paningin sa kalapit na bayang kanyang tinatanaw at sinuri gamit ang mga mata niyang mas pinalinaw ng mana.
"Hindi nga ako nagkakamali." pahayag ni Winter matapos mahanap ang gusaling pinangyarihan ng krimen. "Mukhang hindi basta-bastang pinasabog ang gusali."
Sa paningin ng binata, ang dating anim na palapag na gusali'y halos kalahati na lamang ang nakatayo. At ang mga natirang parte nito'y pagkaitim-itim na aakalaing binalot sa uling ang buong establisyemento. Ngunit dahil sa nawasak ang itaas nitong bahagi, nagkaroon ng suspetsa si Winter Faraon na hindi ito kagagawan ng isang armas na pampasabog. Ngayong nakita niya ito ng personal, mas naniwala ang binata na isang espesyal na abilidad ang sumira sa gusali.
Matapos ang kanyang obserbasyon, lumukso paibaba si Winter patungo sa direksyon ng madungis niyang kaibigan. Nakailang talon siya pailalim sa bulto-bultong mga basura bago narating ang ngayo'y nakasubsob pa ring si Arnold.
"Hanggang kailan ka ba riyan matutulog?" tanong naman ng binata. "Marami pa tayong kailangang gawin, Four-eyes."
"Sa dinarami-rami ba naman kasi ng dadaanan natin, bakit dito pa?" reklamo ni Arnold matapos ilabas ang sarili sa maruming balde. "Nagmukha tuloy akong manga sa loob ng bote ng bagoong!"
Lalapit na sana si Winter upang tulungan ang kanyang nakasalaming kaibigan. Pero napatigil ang binata at napatakip ng ilong nang malanghap ang mala-imburnal na amoy ni Arnold.
"Wala tayong choice." pangongong sagot ni Winter. "Kung tutuusin nga'y swerte pa tayo at ang portal ni Sophia-sensei para sa kanyang mga basura ay kalapit ng sumabog na gusali. Hindi na natin kailangan pang sumakay ng jeep."
Dahil sa kagustuhang makatipid sa oras, isang di-karaniwang paraan ang naisip gamitin ng binata. Sinubukan ng dalawa ang espesyal na portal na ginagamit ng kanilang guro sa tuwing may basura itong kailangang itapon. Isang teleportation ability na may kakayahang ipadala ang isang bagay mula Point A patungong Point B.
At ang Point B na tinutukoy ay ang garbage dump apat na pung kilometro ang layo mula sa bayan ng San Pablo.
"Heto. Gamitin mo 'to."
Biglang ipinalakta ni Winter sa noo ni Arnold ang isang baraha. Isang mahiwagang barahang kuminang kasabay ng pagliwanag ng masangsang na katawan nito. Sa isang iglap, naglaho parang bula ang mga dumi sa balat at damit ni Arnold. Ultimo ang amoy nitong bulok na isda'y naging amoy Downy Sunrise Fresh.
BINABASA MO ANG
A Knight's Tale Vol. 0 [Tagalog Fantasy Anime]
FantasiaIsang binatilyong nangangarap maging isang kabalyero ang tila tinutugis ng mga kalalakihang kahit kailan ay hindi pa niya nakita. Sa isang iglap, mahahanap ng binata ang sarili sa gitna ng karahasan ng mga sindikato at ng isang di-pangkaraniwang pal...