Part 6
Sa kabila ng kanyang pag-iwas, matapos tamaan ng kamao'y isa lamang ang nakikitang paliwanag ni Winter Faraon. Maaaring minanipula ng android ang naipong mana sa braso upang umextend na para bang isang invisible na bahagi ng kanyang katawan.
Isang abilidad na nangangailangan ng mataas na antas ng kakayahan.
Napahalakhak naman ang payaso sa kanyang nasaksihan.
"Ano?! Gulat ka 'no?! Hindi mo inaasahan 'yun ano?"
Ngunit hindi lamang ang kanyang katunggali ang nagtataglay ng mataas na lebel ng abilidad. Kahit ang binata'y hindi nagawang itago ang kakayahang hinasa ng kanyang mga pagsasanay.
Magaling na misdirection, McDonalds. Pero hindi uubra sa akin ang ganyang klaseng taktika!
Ilang beses na pinadaan ni Winter ang patalim ng kanyang sandata sa ere, kahit na wala itong nakitang ano mang balakid. Sa isang iglap, nagsipatakan ang mga nagkaputol-putol na sanga ng punong kahoy. Kumulay rin sa ere ang mga buhay na sangang tinamaan ng binata, na kalauna'y umatras din palayo sa kanya.
"Imposible!" sigaw naman ng payaso. "Papaano mo tinamaan ang mga sanga ng Mana Tree?!"
"Simple lang." sagot naman ng binata. "Dahil sa espesyal kong abilidad. Blood Sacrifice."
Isang masamang ngiti ang pinakawalan ng binata. Kasabay nito'y ang pagtaas niya sa kaliwa niyang kamao at ipinakita sa payaso ang taglay nitong mga peklat.
"Ang Blood Sacrifice ay isang espesyal na abilidad ng pag-aalay ng sariwang dugo. Sa oras na ito'y aking gamitin, agad gumuguhit sa aking isipan ang larawan ng mga susunod na mangyayari, one hundred percent accurate."
Sa pagkakataong iyon, tila tumahimik ang paligid. Napansin na lamang ni Winter na nakanganga si Master Showman sa kanyang kinatatayuan at tila hindi makagalaw sa kanyang mga narinig. Pero ang prinsesang nakamasid sa kanyang likuran, tila hindi kumbinsido.
"Obviously, nagsisinungaling ang mokong na'to." giit ng dalagang nakapamewang.
Agad napalingon si Winter sa prinsesa. Pati si Kidlat ay kumunot ang noo sa naging pahayag ng dalaga.
"Kapareho ng konsepto ng paglapat ng mana sa balat upang maging kasing tatag ng bakal, maaari ring ikalat ang manipis na mana sa paligid ng user. Ito'y isang application ng mana upang mabilis matukoy ang lokasyon ng panganib depende sa range ng pinakawalang mana." paliwanag ni Prinsesa Winona bago muling lumingon kay Winter. "Blood Sacrifice... Pwe!"
"Loka ka ba?" tanong naman ng binata. "Kumakagat na si McDonalds, nangailam ka pa! At talagang ipinaliwanag mo pa sa kanilang lahat!"
"Don't care." tugon naman ng dalaga.
Nagngitngit ang mga ngipin ni Winter at kumulo ang dugo sa inis. Pero kumalma rin ang binata matapos siyang bumuntong hininga.
"Kayo talagang mga Eternians..."
Matapos ang kanilang pagtatalo'y saka lamang napansin ng binata ang isang nakalutang na rune circle sa pinakatuktok ng Mana Tree. Isang kumikinang na rune circle na tila nagpakita matapos na itaas ni Master Showman sa ere ang isang espadang may kulay pulang patalim.
"Kahit kailan talaga! Peste kayong mga inheritor!"
Inihampas ng payaso ang pulang espada sa hangin, sa direksyon ni Winter Faraon. Ngunit imbes na sa espada, sa nakalutang na rune circle namuo ang isang malaki at nagliliyab na tipak ng bato bago bumagsak pababa, patungo sa binata.
Tulad ng nakaraan, walang kahirap-hirap na lumukso si Winter sa kanyang kaliwa upang iwasan ang tinawag na bato. Pero sa halip na makalihis, si Mark Marauder ang nagpakita sa kanyang landas.
BINABASA MO ANG
A Knight's Tale Vol. 0 [Tagalog Fantasy Anime]
FantasyIsang binatilyong nangangarap maging isang kabalyero ang tila tinutugis ng mga kalalakihang kahit kailan ay hindi pa niya nakita. Sa isang iglap, mahahanap ng binata ang sarili sa gitna ng karahasan ng mga sindikato at ng isang di-pangkaraniwang pal...