Part 4
Aswang. Mga nilalang na kilala sa kanilang kakaibang lakas, mabilis na regenerative ability at kakayahang magpalit-anyo sa ano mang hayop na gustuhin nila. Sinasabing nagpapanggap silang mga tao sa umaga at halimaw naman sa gabi. Bagamat malimit manirahan sa mga liblib na lugar sa probinsya, sila rin ang gumambala sa mga Pilipino mula pa noong panahon ng Kastila, hanggang sa naging kathang-isip na lamang sa nagdaang panahon.
Ngunit ang kathang-isip na kwento'y tila naging katotohanan. Nang may magpakita kay Winter Faraon na isang matandang babaeng may gatalampakang puting buhok.
Kulu-kulubot ang balat ng matanda at may malalaking mga sugat na nagkalat sa katawan nito. May suot din itong sinaunang damit na saya na aakalaing nagmula pa siya sa panahon ng Kastila.
Si Winter, napakamot sa baba matapos mapatitig sa nagpakitang matanda. Dahil sa tumulong dugo sa labi nito'y tumugma ang lahat ng kanyang katangian sa isang lumang kwentong tinawag na Unang Aswang.
Hindi naman nagsawa ang matanda sa pagsuri ng suot niyang Blessed Item.
"Hindi ako makapaniwala. Ang akala ko'y pinagsakluban na ako ng langit at lupa. Sino ang makapagsasabi na sa panahong ito ko mahahanap ang sandatang makapagpapabalik sa akin sa landas ng paghihiganti!"
Tila pilit at sinadyang tinaasan ng matandang babae ang kanyang boses upang marinig ng dalawa. Ngunit si Winter at ang dalagang may gintong buhok, kahit batid ang matanda'y tuloy lamang sa kanilang bangayan.
"How dare you!" sigaw ng dalaga. "Hindi ko pa nakakalimutan ang mga insulto mo sa akin noong isang araw. Hindi ko hahayaang ipahiya mo ako ulit!"
"May isip ka ba?" tanong naman ng binata. "Ikaw ang unang umatake sa akin! Anong gusto mong gawin ko? Hayaan ko na lang na butasin mo ang abs ko?"
Napatunganga na lang sa kanyang tayo ang matandang aswang. Dumilat ang kanyang mga mata sa dalawang teenager na nagtatalo sa gitna ng kalsada. Muli, nagtangka itong ipakilala ang kanyang katauhan.
"Ako si Maria!" pagpapahayag muli sa kanyang presensya. "Kilala ng mga Pilipino bilang unang aswa-"
"Sira rin naman ang ulo mo, ano?!" tili muli ng dalaga. "Bakit ba ayaw mo na lamang magpahuli sa akin at harapin ang iyong mga kasalanan, Kriminal? Mas magiging madali ang trabaho ko kung susuko ka na sa batas!"
"May mga mata ka ba, Blondie? Sinabi na ngang hindi ako kriminal eh!" tugon muli ni Winter. "Hindi mo ba nakikitang kinakalaban ko ang sindikatong nagbebenta ng iligal na armas upang mapigilan sila! Gusto nga rin nila akong patayin eh!"
"Huwag ka nang magmaang-maangan!" muling panggigipit ng dalaga. "Ayon sa kaibigan kong hacker, I mean computer specialist, ilang araw na kayong may transaction ng sindikatong ito! May nakatala pa ngang 'I Love You' sa inyong mga mensahe eh!"
"Hah?!" biglang namula ang pisngi ni Winter. "Bwisit ka talaga, Arnold..."
"Halatang-halata naman na gagamitin mo sa kasamaan ang mga sandatang gusto mong makuha! Sa mukha mo pa lang!"
"At ano naman ang kinalaman ng mukha ko dito?!"
Sa pagkakataong ito'y nagsimula nang manginig ang braso ng matandang aswang. Nagtayuan ang mahahaba nitong puting mga buhok sa hangin habang unti-unting binabanat ang kanyang leeg.
"HUWAG NINYO AKONG MALIITIN, MGA INUTIL!"
Muling gumuhit sa hangin ang isang rune circle bago ito tinamaang muli ng sinag mula sa kalawakan. Nang mawala ang bumagsak na liwanag, nagpakita ang isang nakalutang at bughaw na bolang apoy, na tila may taglay na mukha ng isang naghihinagpis na lalaki.
BINABASA MO ANG
A Knight's Tale Vol. 0 [Tagalog Fantasy Anime]
FantasíaIsang binatilyong nangangarap maging isang kabalyero ang tila tinutugis ng mga kalalakihang kahit kailan ay hindi pa niya nakita. Sa isang iglap, mahahanap ng binata ang sarili sa gitna ng karahasan ng mga sindikato at ng isang di-pangkaraniwang pal...