Part 3
"ANO?!" biglang sigaw ni Arnold Malabongga. "Nakakita ka ng babaeng may tenga ng isang pusa? Totoong may mga taong pusa? Tinikman mo naman ang kanyang tenga kung totoo?"
Napatigil na lamang sa paglalakad si Winter Faraon sa isang kalye ilang metro ang layo mula sa kanilang eskwelahan. Napabaling siya ng tingin kay Arnold nang nakakunot ang noo't kilay matapos ang kakaibang tanong nito sa kanya. Hindi naman nagtagal at nagpatuloy ang dalawa sa paglalakad hanggang sa makatawid sila ng kalsada.
"Pwede ba, Arnold. Shut up na lang? Kaya kantang Nobela na lamang lagi ang pinakikingan mo eh. Eto oh..." wika ni Winter bago i-send sa Messenger ang isang video clip. "Panoorin mo 'yan para naman updated ka sa mga kaganapan."
Ilang minuto lamang ang lumipas nang marating ng dalawa ang isang mall na tanyag sa San Pablo. Isang lumang mall kung saan featured ang mga restaurant ng Jollibee at McDonalds na magkaharap sa isa't-isa na para bang may dance-off na mangyayari.
Nanguna si Winter umakyat ng hagdan at nagtungo sa tapat ng Jollibee. Sa kanilang paglapit sa guwardiya ng kaina'y kinulbit ni Arnold ang kanyang kasama.
"Ibig mong sabihin, may mga taong nagbabanta sa iyong buhay. At ang kailangan nating gawin ay kausapin ang nilalang na tinatawag na Know-All Informant?" napakamot ng ulo si Arnold. "At dito sa Jollibee siya makikita?"
"Syempre hindi, gunggong! Hindi ba't natural lamang na mag-tanghalian tayo? Tanghaling tapat na at kailangan ko ng electrolytes!"
"Wooow. Ginawa mo pang Gatorade 'tong Jollibee..."
Nag-take out lamang ang dalawa sa Jollibee matapos lisanin ang lugar. Paglabas nila sa restaurant, bitbit pa ni Winter ang isang supot ng Yum Burger at Jolly Crispy Fries, pati na rin isang baso ng pineapple juice.
Si Arnold naman, nanguya pa habang hawak-hawak ang isang box ng Peach Mango Pie nang magtanong muli sa kaibigan.
"Anong plano naten ngayon, Winter?"
"Walang iba kundi mag-muni-muni..." pahayag naman ni Winter.
Naglakad-lakad pa ang dalawa sa loob ng mall na para bang hindi alam ang hinahanap. Binaybay nila ang mga tindahan ng smartphone, damit at mga nagkalat na DVD stalls sa lugar. Sumalubong din sa kanila ang mga bati ng mga tindero't tindera na inaalok ang kanilang mga tindang produkto. Tila walang katapusan ang tawag ng mga ito sa dalawa.
"Cellphone po ba ang hanap, Sir? Installation?"
"Repair, format, reprogram, ano ho ba ang hanap, Sir? Libre lamang checkup ng smartphone dito!"
"May homecredit din po kami, Sir! Baka interested po kayo?"
Sa hinaba-haba ng kanilang paghahanap, limang beses nang naikot ng dalawa ang buong lugar. Kahit ang hawak nilang mga pagkain ay naubos na sa kalalakad. Dito na napuno si Arnold.
"Ano ba ang hinahanap natin dito, Winter?" tanong ni Arnold. "Isang oras na tayong naglalakad paikot-ikot dito sa mall, ilang beses na akong kinikindatan ng mga lalake dito, hindi mo pa rin ba makita ang taong hinahanap mo?"
Pero si Winter, kalmado lamang habang nagmamasid pa rin sa paligid.
"Hindi isang ordinaryong tao ang Know-All Informant." paliwanag ng binata. "Kadalasan ay nagpapanggap siyang may-ari ng isang tindahan, minsa'y security guard, minsan nama'y isang batang nagchi-chill lang sa isang tabi..."
"Budol ba ang hinahanap naten?"
Nagpatuloy pa ang dalawa sa paglalakad kahit walang ideya kung makikita ang kanilang hinahanap. Hanggang sa may naramdamang kakaibang mana si Winter. Kakaibang manang tila nanggaling sa loob ng isang maliit na pamilihan.
BINABASA MO ANG
A Knight's Tale Vol. 0 [Tagalog Fantasy Anime]
FantasyIsang binatilyong nangangarap maging isang kabalyero ang tila tinutugis ng mga kalalakihang kahit kailan ay hindi pa niya nakita. Sa isang iglap, mahahanap ng binata ang sarili sa gitna ng karahasan ng mga sindikato at ng isang di-pangkaraniwang pal...