Part 5
Walang hirap na binagtas ng dalagang nakamaskara ang mga bahayan sa gilid ng Maharlika Highway. Hindi problema para sa kanya ang mga gusaling may tatlo o higit pang palapag sapagkat tinalunan niya ito na para bang naglalaro lamang ng luksong baka.
Sa kanyang paglukso sa kadilima'y pilit hinanap ng kanyang mga matang pinalinaw ng mana ang nag-iisa niyang target. Ang matandang aswang na may kagagawan sa pagwawala ng Cerberus sa bayan ng San Pablo.
Hindi naman nagtagal at binuksan ng dalaga ang kanyang dalang smartphone at nagsalita.
"Rebecca, nahanap mo ba ang lokasyon ng matanda?"
"Confirmed, Princess. Nasa Petron Gasoline Station ang target katapat ng Golden Star Mega Disco."
"Magaling."
Matapos tumalon mula sa ikaapat na palapag ng isang gusali, lumapag ang dalaga sa isang gasoline station. Tumambad agad sa kanya ang ilang mga trabahador na nakadapa sa sahig at tila wala nang malay. Muli naman niyang dinampot ang kanyang smartphone at nagpadala ng mensahe sa numerong 911.
Dahan-dahang naglakad ang dilag papaikot sa gasolinahan. Sa katahimikan ng lugar, tanging ingay mula sa dumaraang mga sasakyan ang kanyang narinig.
Palihim siyang sumilip sa mga nakaparadang sasakyan pati na rin sa kalapit nitong pamilihan. Hindi nagtagal, sa kanyang pagmamatyag ay natagpuan din ng dalaga ang hinahanap niyang matanda, na ngayo'y nakaupo at tila nagpapahinga sa tabi ng isang nakaparadang sasakyan.
Paglapit ng dalaga'y napansin niya ang maamos na pisngi ng maligno. Ang kanang braso't binti nito'y tila nabalot ng uling mula sa apoy ng Cerberus.
Sa pagkakahandusay ng matanda sa sahig, pilit pa rin nitong hinahabol ang kanyang paghinga, na tila nanghina sa kanyang mga sinapit. Lalong naging malinaw sa dilag na kahit nakainom ng dugo ng tao'y hindi pa rin humilom ang mga tinamong sugat ng maligno.
"Tanging sandatang Talibung lamang ang nakagagalos sa mga katulad ninyo. Pero dahil hindi pa rin humihilom ang pinsalang nakuha mo mula sa apoy ng halimaw, tama nga ang naging suspetsa ko." paliwanag ng dalaga. "Ipinasa mo ang iyong abilidad na regeneration sa Cerberus."
"Magaling, Dilag. Nabasa mo agad ang aking naging plano. Ngunit kung alam mo ang kahinaan ko, alam ko rin naman ang sa'yo." sagot naman ng nanghihinang maligno. "Ilusyon."
Isang tadyak mula sa nagpakitang Tikbalang ang bigla na lamang tumama sa tagiliran ng dilag.
Tumilapon ang dalagang nakamaskara at nagpagulong-gulong sa tabi ng kalsada ng mga nagraragasang trak. Sa pagkawala ng kanyang maskara'y namilipit sa sakit ang dilag mula sa pinsalang kanyang natanggap.
Maya-maya'y napansin na lamang ng dalaga ang matandang aswang na nakatayo sa kanyang harapan, kasama ang tikbalang sa likuran nito. May hawak-hawak na sibat ang maligno habang may masamang mga ngiti para sa kanya.
"May nararamdaman akong kakaibang enerhiya mula sa iyo, Munting Dilag. Kapangyarihang tila higit pa sa mga kalalakihang nakasalamuha natin kanina. Batid ko'y hindi ka nanggaling sa dimensyong ito, tama ba?"
Hindi nakarinig ng sagot ang matanda. Sa halip ay humalakhak na lamang ito nang di kalakasan.
"Ngunit kahit na anong nilalang ka pa, makakamtam ko rin ang tinatago mong kapangyarihan sa oras na mainom ko ang iyong dugo!"
Sa isang iglap, dumanak ang dugo sa tabi ng gasolinahan. Matapos isasak ng aswang ang kanyang hawak na sibat, tili ng dalaga ang sumunod na narinig.
Ngunit sa halip na dibdib ng dilag ang tamaan, ipinangsangga ng dalaga ang kanyang kaliwang palad. Tumagos man ang sibat sa kanyang balat, kahit sa sobrang hapdi'y pilit niyang ikinuyom ang kanyang kamay sa talim ng sandata.
BINABASA MO ANG
A Knight's Tale Vol. 0 [Tagalog Fantasy Anime]
FantasiIsang binatilyong nangangarap maging isang kabalyero ang tila tinutugis ng mga kalalakihang kahit kailan ay hindi pa niya nakita. Sa isang iglap, mahahanap ng binata ang sarili sa gitna ng karahasan ng mga sindikato at ng isang di-pangkaraniwang pal...