Part 1
"Bukod sa pagiging suave sa mga chicks, may pagka-adventurous din si Gat Jose Rizal. Isa sa mga natunghayan niya sa ibang bansa ay ang Great Comet na nagpakita sa mundo noong 1882." wika ng isang guro bago sumulyap sa kanyang orasan. "At iyon lamang para sa ating leksyon ngayong araw. Huwag kalimutan ang inyong mga takdang aralin, mga chikiting. Class dismissed."
Saktong-sakto ang pagtunog ng bell matapos ang huling leksyon ng mga estudyante sa umaga. Sa paaralan kung tawagin ay San Pablo Colleges, mabilis nilisan ng binatang nagngangalang Winter Faraon ang kanyang silid-aralan at nagtungo sa kanilang cafeteria.
Sa daan, nakasalubong niya ang isang matandang gabalikat niya ang tangkad at may matulis na balbas na abot hanggang dibdib. Agad naman siya nitong binati.
"Ah, Winter. Nagmamadali ka yata?"
"Oho, Manong Principal!" sagot naman ng nag-jojogging pang si Winter. "May mga gawain pa po akong kailangang tapusin!"
"Gano'n ba? Ah eh, nabasa mo ba ang mensahe sa'yo ni Kid-"
Ngunit hindi na narinig pa ng binata ang huling mga salita ng prinsipal. Kumaway na lamang ito bago tuluyang naglaho sa paningin ng matanda.
Sa kanyang pagmamadali, mabilis narating ni Winter ang gitnang canteen ng kanilang paaralan. Isang canteen kung saan may grupo ng mga guro na tumutulong sa pagtinda ng mga school lunches.
"Oh, huwag kayong magtulakan. Isa-isa lamang. Mahina ang kalaban." pahayag ng isang guro matapos sumandok ng kanin. "Anong ulam ang sa'yo?"
Pero hindi para bumili ang ipinunta ni Winter sa canteen. Isang nakasaklob na tindero ang nag-aabang sa binata at binati ito nang matanaw ang estudyante.
"Oi, Winter! Makikibilis! Medyo maaga umawas ngayon ang ating mga elementary schoolers!"
Mabilis namang inasikaso ni Winter ang isang sulok ng canteen na may hindi bababa sa sampung asul na cooler. Isa-isa niya itong binuksan bago inilapat sa laman nitong tubig ang kanyang palad. Sa isang iglap, dahan-dahang nanigas ang nasabing tubig hanggang sa ito'y naging maliliit na ice cubes.
"Walang kupas talaga 'yang abilidad mo." hiyaw ng tindero bago bumulong sa binata. "Alam mo kung sa'kin ka magtatrabaho ng full-time, hindi ka rin mawawalan ng chicks..."
"Manong naman. Alam naman ninyong plano ko maging kabalyero, hindi maging Poultry Farmer."
Napatawa na lang ang lalaki.
"Talagang mapagbiro kang bata ka! Eto ang bote ng Coke at isang maliit na Gatorade. Sa uulitin!"
Agad na lumarga si Winter matapos makuha ang mga inumin. Sa pagkakataong ito, natungo siya sa isang lumang kwartong matatagpuan sa ikatlong palapag at dulong bahagi ng isang gusali. Isang kwartong sa sobrang liit ay tila lima hanggang walong estudyante lamang ang magkakasya bukod sa mga kagamitan nito.
Hindi na kumatok si Winter Faraon. Basta na lamang niya binuksan ang pintuan ng kwarto nang walang pag-aalinlangan. Bumungad sa kanya ang silid na may estudyanteng nakasalamin na tila nagta-type sa kanyang maliit na laptop, isang lalaking may mahabang buhok na pinupunasan ang sandata niyang may mahabang patalim, at isang estudyanteng nakaupo sa isang sofa habang inaayos ang nakabalot na pagkaing nakahain sa isang maliit na mesa.
"Ah, maligayang pagbabalik, Bossman!" bati ng lalaking nag-aayos ng mga binalot.
"'Yan ba ang tanghalian natin?" tanong ni Winter bago inilapag ang dalawang boteng hawak niya. "Mukhang marami-rami ang ulam natin ngayon, ah."
Ngunit bago pa man makaupo si Winter sa sofa, bigla siyang nakarinig ng isang tinig. Tinig na nagmula sa nakasalamin niyang kaibigan habang nakatutok sa isang laptop.
BINABASA MO ANG
A Knight's Tale Vol. 0 [Tagalog Fantasy Anime]
FantasyIsang binatilyong nangangarap maging isang kabalyero ang tila tinutugis ng mga kalalakihang kahit kailan ay hindi pa niya nakita. Sa isang iglap, mahahanap ng binata ang sarili sa gitna ng karahasan ng mga sindikato at ng isang di-pangkaraniwang pal...