Chapter 3 - Part 8

17 1 0
                                    

Part 8

"Talagang hindi sapat ang bayad sa aming mga payaso..."

Kung meron mang likas na talentong maaaring ipagmalaki si Master Showman, iyon marahil ay ang abilidad niyang misdirection. Kahit na siya'y duguan, sira-sira ang damit, hinihingal at nakatuon lamang sa isang pader malayo sa siyudad, kahit nawala ang lahat sa kanya'y isa pa rin itong tagumpay para sa payaso.

Ang pagharap niya sa tatlong kilalang inheritor at mabuhay sa kabila ng lahat ay isang malaking accomplishment. Hanggat siya'y may buhay, alam niyang meron pa ring mga hakbang na naghihintay para sa kanya.

Sa kanyang pagtayo sa isang madalim na eskinita, masyadong mahapdi ang kanyang mga sugat para siya'y makapaglakad ng tuwid. Tumutulo pa ang kanyang dugo sa sahig ng marating niya ang isang kalyeng madalas daanan ng mga tao.

Pero sa kanyang malamyang paglalakad ay bigla itong natigilan. Nakarinig ang payaso ng isang kalabit ng baril sa kanyang likuran.

"Hmm?"

Lumingon siya sa kanyang balikat at nakita ang isang lalaking nakaitim na tuxedo. Nakatutok na pala sa kanya ang isang nanginginig na pistol na hawak-hawak ng binatang sa palagay niya'y nagngangalang Jacob.

Napatawa na lang ang sugatang payaso.

"Pag-aakala ko'y nautakan ko silang lahat. Pati na rin si Kidlat Florante." pang-aamin ni Master Showman. "Ang prutas ng Mana Tree. May kakayahan itong kopyahin ang ano mang bagay o nilalang. Bagamat hindi perpekto, sapat na ito upang gumawa ng kopya ng aking labi. Hindi ko akalaing may isang nilalang na magagawang makita ang trick ng isang payaso. Ano nga ba ang pangalan mo?"

"Nasa'n ang bago nilang kuta?" tanong ng binata.

"Kuta?"

Biglang pinuntirya ng bala ang kutsilyong hawak ng payaso dahilan upang lumipad ito palayo sa kanya.

"Hindi ako nanginginig dahil sa takot." wika ng binatang may masamang mga tingin. "Nanginginig ako dahil pinipigilan ko lang ang aking galit."

Pag-aakala ng payaso'y meron pa rin siyang alas sa kanyang peligrosong sitwasyon. Sinong may normal na pag-iisip ang magpapaputok sa gitna ng isang mataong lugar?

Sa isang hindi inaasahang pangyayari, ang lahat ng tao sa lansanga'y biglang tumigil sa kanilang mga ginagawa. Tumigil sila ng sabay-sabay na parang mga robot, na animo'y may kumokontrol sa mga ito.

Mabilis naglakad ang mga tao palayo sa kalyeng kanilang binabaybay. Ultimo ang mga nagtitinda at nag-iinom sa lansanga'y walang ekspresyon sa kanilang mga mukha at kusa na lamang lumayo sa lugar. Pati ang ilang mga sasakyang papasok sana ng kalsada'y bigla na lamang lumiko at tumakbo palayo. Tanging mga lumilipad na drones na may dalang armas ang natira sa kalye.

"Wala na ang inaalagaan mong sagradong puno. Kahit ang iyong data center, winasak na ni Bossman. Wala ka nang silbi sa organisasyon, kaya mabuti pa'y ibigay mo na ang kanilang lokasyon."

Napatawang muli ang payaso.

"Nagfi-fliptop ka ba?"

Sa una'y walang ideya ang payaso sa mga pinagsasasabi ng binatang bigla na lamang nagpakita. Ngunit maya-maya lang, naliwanagan din si Master Showman.

"Ahhhh... Isa ka sa mga sinasabi nilang anak, hindi ba? Interesting. Ilang taon na ang lumipas ng may dalawang batang nakatakas mula sa mata ng organisasyon. Hindi ko akalaing mabubuhay kayo ng normal sa labas ng labora-"

Muling nakarinig ng putok ng baril sa lansangan. Sa pagkakataong ito, tumama lamang ang bala sa pader, malapit sa mukha ng payaso.

"Wala akong dahilan para buhayin ka. Ito na ang huli kong tanong. Nasaan ang kuta ng Organisasyong Elias?"

Sa pagkakarinig ng isang pangalang matagal na niyang kinatatakutan, mawala ang mga ngiti mukha ng payaso.

"Hindi mo alam kung sino ang binabangga mo, Bata. Isa ka lamang hamak na usa sa mundo ng mga tigre't liyon. Sa oras na pumasok kang muli sa dating mong hawla, hindi ka na muling makababalik!"

"Hindi ko kailangan ang pag-aalala mo, Payaso. Sa pagkakataong ito, hindi na ako nag-iisa. Nakamit ko na ang propesiyang nakapangalan sa akin..."

Isa muling putok ng baril ang umugong sa buong lansangan. Sa mga oras na iyon, tanging ang binata lamang kasama ang kanyang mga drones ang naglakad palayo sa pader na may tinta ng mga dugo.

"...nahanap ko na ang Ipinangakong Mandirigma."

A Knight's Tale Vol. 0 [Tagalog Fantasy Anime]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon