Part 3
Bago magpatuloy sa kanilang misyon, ilang mga salita ang narinig ni Jacob mula sa kanilang pinuno.
"Tandaan mo, Jacob. Kung tumugon ng dahas ang ating target, wala nang dahilan pa upang magtimpi." wika ni Winter sa binata. "Pero sa oras na makaramdam ka ng panganib na sa tingin mo'y nakahihigit pa sa inyong mga abilidad, huwag kang magdalawang-isip na umatras. Tandaan mo, ang iyong prayoridad ay ang buhay ninyong tatlo."
Ang iwanang mag-isa si Winter sa gitna ng labanan ang huling nasa isip ni Jacob. Kaya naman ang binata, hindi na nagdalawang-isip at pinaulanan muli ng bala ang kinaroroonan nilang rooftop.
Nagsimulang umikot ang puting mga drone palibot ng gusali habang pinapuputukan ang mga sumugod na halimaw. Dahil dito'y umulan ng bala sa lahat ng direksyon at nagmistulan itong isang barrier para sa grupo.
"Magaling, Jacob! Hindi dapat makalampas sa gitna ng rooftop ang mga askal na 'to!" wika ni Arnold.
"Copy that!"
Bawat Cursed Dog na lumapit sa gitna'y agad natadtad ng bala. Tumakbo man nang matulin ang mga ito o magsitalon, agad na lamang silang dumadapa sa sahig bago maglaho ang katawan nilang usok.
Ngunit dahil sa enhanced eyes ni Jacob, malinaw niyang naobserbahan ang mga nangyari. Bawat Cursed Dog na bumagsak sa kanilang unahan, napag-alaman niyang halos walong bala ang kailangang konsumuhin. Isang dahilan ng kanyang pag-aalala.
"Ganyan nga, Jacob!" puri ni Akashi sa kanyang kaibigan. "Pakainin mo silang lahat ng bala!"
Pero sa bawat halimaw na naglaho sa rooftop, dalawang Cursed Dog naman ang muling lumabas sa pintuang nababalot ng pulang liwanag. Sa loob lamang ng ilang minuto, halos tumiriple na ang bilang ng mga halimaw sa harapan ng mga binata.
Si Prinsesa Winona naman, biglang naglabas ng sarili niyang mga utos.
"Ikaw, Yakuza na may mahabang buhok!" tawag ng dalaga kay Akashii. "Maghanda ka. Lulusob tayong dalawa patungo sa pintuan. Ako ang tatapos sa mga magpapakita pang halimaw at ikaw ang pupunit sa spell card. Ang liwanag sa pintuan ay maaaring isang barrier. Kailangang balutin mo sa mana ang hawak mong katana. Maliwanag?!"
"Haaaah?" naiinis na sagot naman ni Long-hair. "At bakit ako makikinig sa'yo?"
"Wala tayong oras para makipag-diskusyonan!" naiinis ding tugon ng dalaga.
"Tama ang prinsesa, Akashii!" sigaw naman ni Jacob. "Sa ganitong rate, mauubos agad ang mga balang karga ng mga drone!"
Hindi na nakatugon pa ang binatang may mahabang buhok. Muli niyang ikinuyom ang mga kamao niya sa kanyang sandata at nagsimula silang tumakbong dalawa ng prinsesa patungo sa pintong pinanggagalingan ng mga Cursed Dogs.
"BWISEEET!"
Sa pagkakataong ito muling gumalaw ang mga drone sa himpapawid. Sa halip na pigilang makadaan sa gitna ng rooftop ang mga Cursed Dog, pinuntirya lamang ng mga bala nito ang mga halimaw sa dalawang tabihang bahagi ng palapag. Animo'y isang gate na bumukas ang gitnang parte upang pasukin ng mga Cursed Dog.
Ngunit ang mga halimaw na nagtangkang pumuslit, talim ng espada ng prinsesa at kasama nito ang hinarap. Sa isang kisapmata'y lumampas sa isang dosena ang nahating mga halimaw bago tuluyang naglaho sa hangin.
"Bwiseet talaga!" sigaw ni Akashii matapos hatiin sa dalawa ang isang Cursed Dog. "Walang katapusan ang mga bang-aw na 'to!"
"Pwede ba!" wika naman ni Winona. "Tigilan na ang karereklamo at focus na lamang sa mga Cursed Dogs!"
Sa pagtulak ng dalawa patungo sa pintuan, may pamilyar na lamig sa hanging naramdaman si Jacob mula sa tabi ng rooftop. Lamig na tila palakas ng palakas sa bawat pagdaan ng segundo.
BINABASA MO ANG
A Knight's Tale Vol. 0 [Tagalog Fantasy Anime]
FantasyIsang binatilyong nangangarap maging isang kabalyero ang tila tinutugis ng mga kalalakihang kahit kailan ay hindi pa niya nakita. Sa isang iglap, mahahanap ng binata ang sarili sa gitna ng karahasan ng mga sindikato at ng isang di-pangkaraniwang pal...