Part 4
Master Showman POV
Sinasabing sa isang video footage nagsimula ang lahat. Isang clip na nag-viral sa social media tungkol sa isang lumang kwebang daan daw patungo sa ibang dimensyon. Ang kwebang kilala na ngayon sa bansag na Unang Lagusan.
"Agapito, Bernardo! Alam naman ninyong masama 'yan sa iyong mga mata. Lumayo kayo sa telebisyon!"
Hindi ko malilimutan ang kislap sa mga mata ng nakatatanda kong kapatid. Ang kanyang pananabik sa isang programa sa telebisyon na sa ilang sandali na lamang ay ipalalabas na.
"Ginoong Oracion, sinasabi n'yo ba na totoo ang nag-viral na footage sa social media? At ang lagusang tinutuko'y sa video clip diumano ay patungo sa isang mundo ng mga taong may taglay na... kapangyarihan?" tanong ng isang broadcaster habang ini-interview ang isang matandang lalaking may panyong nakapulupot sa kanyang noo.
"Tama ang iyong mga nasabi, Jessica. Dahil sa henerasyon na ito ipapanganak ang ipinangakong mandirigma, sa tingin ko'y dapat nang malaman ng lahat ang aming sikreto. Ang konsepto ng mana."
"M-Mana...?" pagtataka ng broadcaster.
"Ang aming pamilya ang nagsilbing bantay sa lihim ng Unang Lagusan sa loob ng ilang siglo. At bawat henerasyon ng aming pamilya'y minana ang karunungan tungkol sa pagmamanipula ng enerhiyang kung tawagin ng mga lumang tao ay mana."
"Pasensya na po, Ginoo. Hindi ko po maintindihan. Ang pagmamanipula diumano ng tinatawag ninyong... Mana?"
"Sa madaling salita, parang ganito..."
Itinaas ng matanda ang kanyang kanang braso at ibinuka ang kanyang kamay. Sa mga sandaling iyon biglang umusbong sa kanyang palad ang isang nagbabagang apoy.
Tandang-tanda ko ang pagkagitla ng mga manunuod sa loob ng kanilang studio. Ang iba pa nga'y napatayo, ang iba nama'y napatili sa kanilang mga nasaksihan. Kahit ako mismo na nanonood lamang sa telebisyon ay hindi nakakibo sa aking natunghayan.
Na totoo pala ang mga bagay na akala ng marami'y sa telebisyon lamang mapapanood.
"Nakita mo ba ang ginawa ng matanda, Bernardo?" nasasabik na tanong ng aking kapatid. "Papaano kung magawa rin nating makontrol ang sinasabi niyang mana? Siguradong magiging isang superhero tayo balang araw!"
Matapos ang napanood naming interview, naging laman ng mga balita sa iba't-ibang panig ng mundo ang Pilipinas. Sa isang iglap, pakiramdam ko'y naging celebrity ang mga Pilipino buhat nang kumalat sa lahat ang pakikipagkasundo ng Malacañang sa isang kaharian na matatagpuan sa kabilang dimensyon.
Ang Imperyo ng Magnolia.
Isang araw, habang kami'y nasa kalagitnaan ng leksyon, may isang lalaking pumasok sa aming silid-aralan at isa-isang tinawag ang aming mga pangalan. Lahat kaming mga natawag ay pinapila sa loob ng aming gymnasium, kasama ang iba pang mga mag-aaral sa ibang baitang.
Maya-maya lang, may isang matandang sundalo ang nagsalita sa aming unahan.
"Makinig kayong lahat. Kayo ay ilan lamang sa daang libong mga kabataang napili ng ating gobyerno upang magsanay sa paggamit ng mana. Simula sa araw na ito, maglalaan kayo ng tatlong oras araw-araw sa pagsasanay."
Imbis na takot, kasabikan ang tanging naramdaman ko. Biglang bumilis ang tibok ng aking dibdib. Ang inaasam-asam ng walong-taong gulang kong sarili ay biglang nagkatotoo. Ang pagkakataong magkaroon ng sariling kapangyarihan na para bang isang karakter sa isang pelikula.
Biglang naglabas ng isang maliit na bote ang matandang sundalo. Sa puntong iyon, may mga lumapit sa aming mga lalaking naka-face mask at namahagi ng kaparehong boteng hawak ng matanda.
BINABASA MO ANG
A Knight's Tale Vol. 0 [Tagalog Fantasy Anime]
FantasyIsang binatilyong nangangarap maging isang kabalyero ang tila tinutugis ng mga kalalakihang kahit kailan ay hindi pa niya nakita. Sa isang iglap, mahahanap ng binata ang sarili sa gitna ng karahasan ng mga sindikato at ng isang di-pangkaraniwang pal...