Part 1
Unti-unting dumilat ang kanyang mga mata matapos tamaan ng nakakasilaw na liwanag. Sa pag-upo niya sa kanyang hinihigaa'y napakunot ang kanyang noo.
"Hah?" pagtataka ni Winter Faraon matapos niyang kuskusin ang kanyang mukha. "Nasa'n ako?"
Nag-unat muna ng mga braso't paa ang binata bago bumangon mula sa kamang may makapal na bedsheet. Pagtayo'y sumilip siya sa bintanang pinagmulan ng huni ng mga ibon at natanaw ang isang malaking hardin na puno ng mga naglalakihang halamang ngayon lamang niya nakita.
"Nasa Pinas pa rin ba ako?"
Sa kapal at laki ng mga halama'y nagmistulan itong pader sa loob ng isang tila nakaliligaw na labirint. Isang lugar na tanging napapanuod lamang ng binata sa mga pelikula.
Napansin din ni Winter ang isang grupo ng mga kalalakihan sa bandang unahan ng hardin. May isang matandang lalaking nakasuot ng chainmail ang tila nagbibigay ng instruction sa mga binatilyong nakasuot naman ng kulay pilak na kalasag habang hawak-hawak ang kanilang mga sandata.
Hindi nagtagal at isa-isang pumasok ang mga kabataan sa loob ng hardin. Ngunit hindi pa nakalilipas ang isang minuto'y may narinig na sigaw si Winter mula sa loob ng misteryosong labirint.
"Aaaaaahhhhhh!"
Sa gulat ng binata, hindi niya napigilang isarado ang venetian blind ng sinilipang bintana. Sa oras ding iyon pumasok sa kanyang isipan ang isang matandang kwento na madalas pag-usapan sa kanilang silid-aralan.
"Totoo nga ang mga sabi-sabi... Ang pamilyang nambibiktima ng mga panauhin upang ipakain sa supling nilang ahas..."
Nanigas ang mga binti ng binata. Nagtayuan ang kanyang mga balahibo at nangilabot sa kanyang mga nasaksihan. Pero makalipas ang ilang segundo, nagbago rin ang kanyang isip.
"Teka. Hindi ba't sa mall nangyari ang kwentong 'yon?" pangkakalma ni Winter sa sarili. "At bakit ba ako ninenerbyos? Haha. As long as nasa akin ang Gambit Ring, wala akong dapat ikatak-"
Ngunit nang pakiramdaman ang singsing na tila parte na ng kanyang hintuturo, napanganga na lamang ang binata. Sapagkat ang pinakaiingatan niyang Blessed Item ay hindi niya nakita.
"Anong...? Pa'nong...?"
Natatarantang kinapa ni Winter ang mga bulsa ng kanyang pantalon, pati na rin ang kanyang pang-ilalim na pananamit. Sinubukan din niyang hanapin ang gintong singsing sa kama, aparador at sahig ng kwarto. Pero sadyang wala siyang mahanap. Ultimo ang kanyang smartphone at pitaka, naglaho rin sa kanyang mga bulsa.
"Hindi 'to maaari!" bulong ni Winter matapos mapagtanto ang balak ng kanyang mga kidnappers. "Kinuha nila ang aking mga kagamitan dahil hindi ito matutunaw sa tiyan ng ahas..."
Maya-maya pa'y nakarinig siya ng katok mula sa pintuan. Mga mahinhing katok na tila sumasampal sa damdamin ng binata sa bawat tunog nito.
Kaya naman huminga ng malalim si Winter. Tinitigan ng binata ang dalawa niyang palad at isinampal ang mga ito sa kanyang pisngi bago pinagsabihan ang sarili.
"Maghunos-dili ka, Winter Faraon!" sambit ng binata habang may mapupulang pisngi. "Isa kang anspiring Knight! Hindi ba't tinalo mo ang magiting na Cerberus? Bulate lamang para sa'yo ang ahas na 'yon! Bulate!"
Pagbukas niya ng pintuan, nagpakita sa binata ang isang middle-aged na babaeng may dayuhang mukha at nakasuot ng pang-kasambahay na pananamit. Bahagyang siyang yumuko sa harapan ni Winter at bumati.
"Ikinagagalak kong makilala ka, Mr. Faraon. Ako nga pala ang mayordoma ng kastilyong ito. Tawagin mo na lamang akong Belvedere."
Inabot ng mayordoma mula sa labas ng pintuan ang ilang bagong plantsang damit sa binata, kasama na rin ang kanyang pitaka at smartphone.
BINABASA MO ANG
A Knight's Tale Vol. 0 [Tagalog Fantasy Anime]
FantasyIsang binatilyong nangangarap maging isang kabalyero ang tila tinutugis ng mga kalalakihang kahit kailan ay hindi pa niya nakita. Sa isang iglap, mahahanap ng binata ang sarili sa gitna ng karahasan ng mga sindikato at ng isang di-pangkaraniwang pal...