Chapter 2

206 10 1
                                    


"Bata."

"Bata."

"Gising!"

Isang boses ng matanda ang narinig kong paulit-ulit na tumatawag sa akin ng bata, hanggang sa tuluyang nagising ang aking diwa. Sa pagdilat ko ay isang kamay ang kinakaway-kaway sa harap ko. Paglingon ko, nalaman kong ang may-ari pala ng kamay ay isang matandang lalake na may gusot-gusot na kasuotan.

"Bata, ayos ka lang ba? Kanina ka pa nakatitig sa kawalan na parang bang nakakita ka ng multo," sabi ng matanda, sabay tawa nang binanggit niya ang salitang multo.

"Huh? Ano pong ibig niyong sabihin?"

Imbes na makarinig ako ng tugon mula sa matanda ay tinawanan lang ako at nilagpasan. Bago pa man siya tuluyang makababa ay muli siyang nagsalita.

"Wag kang matakot magmahal, bata."

Iyon lamang ang narinig ko mula sa kanya bago siya tuluyang bumaba sa hagdan. Napakaweird ng advice ni Manong. Lovelife ko agad inatake niya, grabe.

Muli ko naman pinagmasdan ang lugar kung nasaan ako.

Nasa loob pa rin pala ako ng overpass, pero ba't parang totoong gumuho 'to? Tapos may lalaki raw na sumagip sa 'kin?

Tila nanindig ang balahibo ko nang inisip iyon. Siguro dala lang 'to ng fear of heights ko, kaya kung anu-ano ang naiisip ko. Napakaweird ng lugar na 'to.

Minabuti ko na lamang na bumaba sa kabilang hagdanan upang makalabas sa nakakatakot na overpass na 'to. 'Di na talaga ako babalik sa tulay na 'to.

Paglabas ko ay nagmadali na akong maglakad upang kunin 'yong pinapatahi ni Mama sa tailoring shop. Sa paglalakad ko ay nadaanan ko ang gate ng elementary school, isang coco lumber shop, isang lumang bahay na may puno ng bougainvillea na may nakabantay na dalmatian sa may gate, mga bakery, tapos mga nagtitinda ng lechon manok, bago ako nakarating sa gasoline station na katapat lang ng tailoring shop.

Kailangan ko lang makatawid ulit para makarating sa tailoring shop kaso, walang pedestrian lane. Buti na lang wala akong nakikitang mga RTA officer na nagbabantay. Kaya, malaya akong tumawid sa kalsada.

Nang nadatnan kong bukas ang pinto ng shop, sumilip ako at may nakita akong isang lalaki na abala sa pananahi ng mga damit. Sa likuran niya ay mga sewing machine at nagkalat na mga pira-pirasong tela.

Napansin niya ako at kaagad na nilapitan. "Anong sa'tin?" tanong niya.

"Kukunin ko po sana 'yong uniform at bag na pinapatahi ni Mama."

Tumango naman siya at agad na tumayo saka may kinuha sa open cabinet sa may ibabaw niya. Isang pamilyar na paper bag ang inabot niya sa akin.

Tinignan ko yung laman ng paper bag at nalaman kong student uniform ang inabot niya sa 'kin.

"Ayy, kuya, hindi po 'to. Uniform po, 'yong pang-opisina."

Napakamot naman si Kuya bago nagsalita. "Pasensya ka na hijo. Wala kasi akong kliyente na nagpatahi ng pang-opisina na uniform ngayong araw. Baka nasa patahian 'yong pinatahi ng Mama mo."

Nagtaka naman ako dahil alam kong matagal nang nagpapatahi dito si Mama. Wala rin namang ibang tailoring shop rito bukod nito.

"Gano'n po ba? Sige, salamat po," sabi ko na lang, sabay abot sa kanya ng paper bag na naglalaman ng maling uniform.

Nasagi naman ng paningin ko 'yong kalendaryo na outdated na. Grabe, 2019 pa rin ang gamit nila kahit 2021 na.

Balak ko sanang tawagan ni Mama nang napansin kong ibang sling bag na ang gamit ko. Akala ko ba itinago na ni Mama 'to? Ba't gamit ko ngayon?

T.S. STORIES #1: You All Over Me (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon