Chapter 3

145 7 1
                                    


Nasa ER lobby ako, nag-aantay kasama si Diane at kanyang tatay. Halos 30 minutes na ang lumipas simula no'ng dinala namin siya dito at ipinasok siya sa ER sa tulong ng mga sumalubong sa amin na mga nurse. Kanina pa humahagolgol si Diane na pinapatahan naman ng kanyang tatay, habang ako, wala sa sarili at napakabigat ng loob ko. "I'm sorry, Diane. Hindi ko siya naprotektahan. I'm sorry."

Muling bumubugso ang aking damdamin at hindi ko muling mapigilang umiyak. Walang ibang masisisi rito, kung 'di ako.

"Wag mo nang sisihin ang sarili mo, hijo. Walang may gusto sa nangyari. Ipagdasal na lang natin na magiging maayos siya," sabi ng tatay ni Diane.

Ilang minuto pa ang aming hinintay hanggang sa may lumabas na dokto na lumingon sa amin. Nang nilapitan niya kami ay nagsipagtayuan kami. "Kayo po ba ang pamilya ng nabaril?" tanong ng doktor.

"Kaibigan po niya kami, Doc. Pwede ba namin malaman ang kalagayan niya?" aking tugon.

"Sorry, but we can only disclose his condition kung may family members siya dito. Do you have any contacts sa kanyang parents?"

Napalingon ako kay Diane dahil sa kasamaang palad, wala akong number ng nanay ni Stephen. Binigay niya ang kanyang phone sa kanyang tatay at kaagad tumawag.

Nang bumalik si Doc sa loob ay sinilip ko ang ER. Hindi ko masyadong makita ang area kung saan dinala si Stephen pero may nakita akong mga nurse na tila nagpapanic sa isang ward.

Sana naman hindi siya 'yon. Hindi ko talaga mapapatawad ang sarili ko kapag lalala ang natamo niya at manganganib ang buhay niya. Ikakamatay ko rin dahil sa konsensya.

Nasagi naman sa isip ko sina Mama, kaya't napatingin ako sa oras sa phone ko. Malapit nang mag-5pm at naisip kong tawagan sina Mama tungkol sa nangyari, pero pansin ko, walang signal ang phone ko.

Nagpaalam ako kina Diane na lalabas muna ako para maghanap ng signal. Habang naglalakad ako, nakatutok lang ang aking paningin sa phone ko hanggang sa may nakabunggo akong tao. "Pasensya na po," panghihingi ko ng tawad.

Tumingin sa akin ang babaeng nakabunggo ko. Akala ko pagagalitan niya ako, ngunit hindi ko inaasahan ang narinig ko mula sa kanya.

"Sa susunod, 'wag mong ipagsabi ang pagbabalik mo dito kung hindi, mapapahamak sila."

Pagkatapos niyang sabihin 'yon ay nilagpasan niya ako at sa muli kong pagdilat, nawala siya sa paningin ko na parang bula.

Tila nakaramdam ako ng takot mula sa sinabi ng babae at sa pagkawala niya sa paningin ko.

Sabi pa niya, mapapahamak ko raw sila kung ipagsabi ko ang pagbabalik ko rito.

Isa lamang ang naiisip kong tinutukoy niya: ibig sabihin, kung ipag-alam ko sa iba ang pagbabalik ko dito sa nakaraan, malalagay sa panganib ang mga taong nasa paligid ko tungkol dito.

Ibig sabihin, kaya napahamak si Stephen...

...Dahil sa akin.

Tama nga ako.

Pumasok sa isip ko ang pamilya ko na paniguradong nag-aantay na sa akin sa bahay. Kaya, agad kong tinawagan si Mama at pagkatapos ng ilang segundo ay agad nakasagot si Mama. "Ma, okay lang po ba 'jan?" natataranta kong tanong.

"Oo naman, 'nak. Bakit, may nangyari ba?"

"Nasaan ka ngayon ngayon, Ma? Tsaka sila Papa?"

"Nak, nasa bahay ako ng amo ko, nagtatrabaho. Sak, ba't tinatanong mo kung nasaan 'yong Papa mo eh 'di ba nasa Cebu sila ngayon dahil inimbitahan sila ng tita mo sa Sinulog? Nasaan ka ba?"

Naalala kong hindi pa pala siya nakakaalis sa workplace dahil may pasyente pa siyang inaalagaan. Saka sina Papa at 'yong isang kapatid ko, nagbabakasyon.

"May binili lang ako sa ano, sa palengke. Pauwi na rin ako," tugon ko na lamang.

"Dalian mo. Mag-isa lang 'yong kapatid mo doon sa bahay. Ingat kayo."

"Sige ma."

Nang pinutol ko na ang tawag, saktong may pamilyar na nanay na nagmamadali patungo sa loob ng ospital. Nang makilala ko, agad ko siyang nilapitan. "Excuse me po, ikaw po ba nanay si Stephen?"

Puno ng pag-alala ang kanyang tingin sa akin at hinawakan ako sa magkabilang braso. "Nasaan siya?" tanong niya at kaagad ko siyang hinatid sa loob. Sinalubong naman kami ni Diane at ng tatay niya.

"Tita, si Stephen... nabaril," halos mangiyak-iyak na pagpapaalam ni Diane sa nangyari kay Stephen

Napahagulgol siya ulit nang makitang napaiyak na rin ang nanay ni Stephen. Saktong lumabas muli si Doc at lumapit sa amin. Napansin niya ang bagong dating na kasama namin. "Ikaw po ba parent ng nabaril?"

"Opo, doc. A-ayos lang po ba siya doc? Pwede ko po ba siyang makita ngayon?" nauutal na tanong ng nanay ni Stephen.

"Ma'am, we have transferred him to the operating room to remove the bullet na tumama sa braso niya. We just have to wait here hanggang sa matapos ang operation," sabi ni Doc sa amin.

Matapos ang maikling pag-uusap namin kasama si Doc ay may dumating namang dalawang police na naglalakad patungo sa gawi namin. Pansin ko ring may nakabuntot na babae at lalaki sa kanilang likuran.

Nang makalapit sila sa amin at kaagad silang nagsalita. "Good evening. I'm Police Detective I Jason Nalang. Siya naman si Police Detective I Ricardo Guro. Taga Police Station IV kami. May itatanong lang sana kami tungkol sa nangyari kaninang hapon sa flyover."

Pansin kong tila nag-aabang 'yong dalawang nakasunod sa pulis hanggang sa na-realize ko kung sino sila. Mga reporter. Naglabas pa ng camera 'yong isa, kaya agad akong umiwas at tinakpan ang mukha ko.

Kapag nakita ako nina Mama at Papa sa TV at nalaman pang may kinalaman ako sa nangyari, tiyak lagot ako sa pag-uwi nila. Mas lalo lang silang mag-aalala sa 'kin at baka tatadtarin pa 'ko ng sunod-sunod na sermon.

Nakiusap ako na sana walang media, ngunit sabi nila, hindi na lang kukunin ng media 'yong pangalan namin bilang respeto sa confidentiality ng identity namin. Maaari lang nilang irecord yung information na makukuha sa 'min bilang mga witness sa incident kanina. Sumang-ayon kami, saka namin nilantad ang mga nakita namin sa incidente kanina.

Gusto ko sanang aminin sa lahat na dahil sa akin, napahamak si Stephen. Ngunit, kung gagawin ko naman, may mapapahamak ulit at hindi ako sigurado kung sino na naman ang madadamay.

"Nag-uusap po kami kanina nang bigla kami nakarinig ng putol ng b-baril. Pagkatapos no'n, bigla na lang siyang bumagsak sa harap ko t-tas may dugo na 'yong... 'yong b-braso niya—" nauutal kong pagtestigo sa nangyari.

Isang pagtango ang aking natanggap mula sa mga pulis. Dito ay pinagsabihan nila kami na ang target pala ng mga namaril ay 'yong traffic enforcer na nagtamo rin ng sugat. So meaning, ligaw na bala 'yong tumama kay Stephen.

Sobrang lapit ko lang sa kanya, ba't siya pa talaga 'yong natamaan?

Nang matapos makalap nila lahat ng impormasyon sa amin ay nagsipagalisan narin ang mga pulis. Napaupo na lang ako habang walang humpay ang aking pagsisisi sa aking sarili. Sana 'di ko na lang sinabi sa kanya 'yong pagbabalik ko dito sa nakaraan.

Gusto ko lang naman makahingi ng tulong para makabalik ako pero eto lang ang kapalit nito. Sumasakit na rin ang sentido ko sa nangyayari.

Baka nga, maling tao lang 'yong nilapitan ko tungkol dito. Dapat ko talagang hanapin 'yong matandang lalaki na nakasalubong ko sa overpass. O 'di kaya 'yong babaeng nakasalubong ko paglabas kong ospital.

Pero, 'yong problema, saan?

T.S. STORIES #1: You All Over Me (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon