Chapter 8

93 8 2
                                    


Unang linggo ng Pebrero. Masasabi kong medyo bumabalik na sa dati ang lahat. Nasa eskwelahan ulit ako. Pumasok na si Stephen. Hindi na masyadong malungkot si Diane. Wala nang mababakas na pag-aalala sa mukha ng mga kaklase ko.

Ano ngayon?

Hanggang ngayon, hindi ko pa rin mahagilap 'yong matandang nakasalubong ko sa overpass bridge. Si Shania naman na mukhang may alam sa nangyayari, opisyal nang pinalipat dahil sa sunod-sunod na pagsaway niya sa mga patakaran dito. Nakakalungkot mang isipin na sa ganitong paraan pa humantong ang sitwasyon ni Shania, sa tingin ko rin naman, may magandang maidudulot ang paglisan niya sa eskwelahan namin.

Sana nga, magbago siya.

Nasa classroom lang ako habang nagsipagbabaan ang mga kaklase ko para bumili sa canteen. Lunch break na kasi, kaya naglabas na rin ako ng baon ko.

"Grabe, ang dali lang ng panahon no? Isang buwan na lang, moving up ceremony na natin. Hindi ko pa nga alam kung saan ako mag-eenrol sa senior high, " biglang ani Lawrence, isa sa mga naging katabi ko sa panahong 'to. "Ikaw, Jessie, saan ka papasok?"

Lumingon ako sa kanya at nakita kong abala siya sa paglamon ng kakabili niyang pananghalian sa canteen. Sinuklian ko na lamang siya ng isang ngiti dahil hindi ko rin naman pwedeng sabihin ang totoo. Sa katunayan, pareho lang kami ng pinasukang eskwelahan sa senior high, at isa sa mga magagaling na nagtapos sa batch namin. Wala man siyang kaalam-alam sa magiging buhay niya sa hinaharap, pero alam kong wala siyang dapat ipag-alala.

"Hindi ko rin alam," simple kong tugon.

Nang matapos kong ubusin ang baon ko, nagpatuloy muli ako sa tinatapos kong assignment. Nakalimutan ko kasing gawin kagabi sa kakaisip ng bagay-bagay. Sa ayaw't sa gusto ko, kailangan kong i-comply lahat ng task ko rito sa nakaraan. Parang video game lang.

"Hoy, Jared!" bulyaw ni Lawrence na ikinagulat ko pa. "Gusto mo ba ng cheeseroll? Kanina ka pa nakatingin sa akin."

Sa sinabi niya ay napalingon ako sa kinauupuan ni Jared. Napailing lang siya't umiwas ng tingin sa amin.

"Psh, porket may jowa, snubber na," pagsimangot ng katabi ko.

Bahagya akong natawa sa sinabi ni Lawrence. Pansin ko rin nga 'yong pananahimik ni Jared simula kaninang umaga. Although, tahimik naman siya kahit dati pa.

"Uy, Jess. Kantahan mo nga ako ng Love Story. 'Yong kinanta mo no'ng Christmas Party," pagsalita ulit ni Lawrence.

Tila nanumbalik sa aking isip ang nakakahiyang mga ginawa ko sa buhay. Dati kasi, nag-intermission number ako sa Christmas Party namin na sobrang pinagsisisihan ko hanggang ngayon. Hindi ko rin talaga alam kung anong pumasok sa utak ko kung bakit nagkaroon ako ng lakas ng loob na kumanta sa harap nilang lahat. Kaya, napasapo na lang ako sa sentido habang ginagaya ni Lawrence 'yong nakakaurat na performance ko.

Buti na lang, hindi ko na kailangan pang pagdaanin ang panahon na iyon.

Sinubukan kong hindi pansinin ang pangungutya ni Lawrence sa akin at nagpatuloy sa pagsusulat. Maya-maya, tumigil siya at kinalabit ako. Kita kong taas-baba 'yong kilay niya, sabay turo gamit ang nguso niya.

Lumingon ako sa kabilang parte ng classroom at nakita kong nag-uusap sina Jared at Phoebe.

"Picturan mo," bulong ni Lawrence.

Umiling ako. Ayaw ko namang mang-istorbo ng magjowa, pero biglang inagaw ni Lawrence 'yong bolpen ko. "Picturan mo na, saka ko ibibigay 'to."

Kahit sinamaan ko na siya ng tingin, napilitan akong kunin 'yong phone ko. Binuksan ko ang camera, saka kinuhanan ng picture ang dalawa. Nang pinindot ko 'yong capture button, biglang may umilaw mula sa likod ng phone ko.

T.S. STORIES #1: You All Over Me (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon