Chapter 4

128 8 0
                                    


"Kuya, gising. May klase pa tayo."

Tinakpan ko ulit ng kumot 'yong mukha ko dahil sa sinag ng araw na tumatagos sa bintana. "Absent muna ako ngayon. Ikaw na bahala d'yan," aking sabi.

"Sumbong kita kay Papa. Hindi ka nagluto ng babaunin ko. Alas dose ka pa nakauwi kagabi," aniya ngunit dedma lang ako.

Dumilat lang ako para umirap sa kadaldalan ni kapatid ko. Aga-aga, ang ingay-ingay na nito. Daig pa niya si Mama kung maka sermon.

Sunod ko na lang na narinig ay ang pagsara ng pintuan. Nakaalis na rin siya, sa wakas.

Napapikit ako ng ilang minuto bago ako nagdesisyong bumangon na lang dahil hindi na ako makabalik sa pagtulog. Nag-unat muna ako ng katawan saka tuluyang tumayo mula sa kama.

Balik pala sa dati 'yong apartment namin. Hindi pa pantay 'yong sahig. May floormat pa. Madami pang gamit dito. Totoong nasa nakaraan nga ako.

Kumuha ako ng pang-almusal ko sa ref. Medyo konti na lang pagkain pero buti na lang, naalala kong uuwi na sila Papa bukas. Alam kong tapos na 'yong fiesta sa Cebu kaya bukas, uuwi na rin sila.

Nagluto ako ng dalawang hotdog at lumpia para sa almusal at pananghalian ko mamaya.

Naalala ko rin pala na balik JHS ako. Kaya, papasok muli ako sa dati kong school, kung saan ring pumasok sina Stephen at Diane. Ibig sabihin, agad malalaman ng mga adviser namin 'yong nangyari kahapon.

Hanggang ngayon, inaatake pa rin ako ng trauma dulot ng insidente. May nurse na nag-assist sa amin doon sa opsital para pakalmahin kami, ngunit ngayon ay babalik ako para sa proper counseling.

Hangga't maaari rin, hindi ko muna ipaalam kina Mama at Papa. Baka lalo lang silang matakot sa maaari pang mangyari sa 'kin, pati rin ang pagbabalik ko dito sa nakaraan.

Mamayang hapon, bibisitahin ko si Stephen pagkatapos ng counseling sessions ko. Nagpromise ako kay Tita Ettie na bibisita ako sa ospital ngayon. Ayaw ko nga sanang umalis kagabi para bantayan si Stephen kaso tinatawagan na ako kagabi ng kapatid ko.

Pumara ako ng isang rela at agad na sumakay. Nakakapanibago dahil nasa labas ako at walang suot na face shield at mask.

Nakarating naman ako agad sa ospital at dumiretso sa loob. Kaagad akong lumapit sa counter. "Good morning , Nurse. May schedule po ako ngayon for counseling."

"Name po?"

"Jessie. Jessie Oliveros."

May tinype pa 'yong nurse sa counter bago ulit nagsalita. "Room 415 po. Nasa 4th floor," aniya.

Pagkatapos niyang sabihin ang room ay nagtungo na ako sa elevator. Bago pa man ako makalapit ay nakarinig ako ng ingay na bumalabog sa hallway.

Bigla akong napadapa sa sahig at napatakip na lang ng tainga.

Bumabalik na naman sa aking isip ang nangyari kay Stephen.

Ang pagputok ng baril.

Ang pagbagsak niya sa harap ko.

Ang pagdurugo ng braso niya.

Tila naninikip muli ang aking dibdib, hanggang sa napaiyak na lang ako sa sahig. "Stephen, sorry."

Paulit akong nanghingi ng tawad kay Stephen sa kawalan. Parang hindi ako makagalaw at nawawalan ulit ako ng wisyo dahil sa takbo ng aking isipan.

Nakaramdam naman ako ng presenya ng mga tao sa paligid ko pero ayaw pa rin tumigil ang pag-iyak ko at ang pagbanggit ko sa pangalan ni Stephen.

T.S. STORIES #1: You All Over Me (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon