Chapter 18

78 6 0
                                    


"Kuya, galing kay Kuya Jared," pag-abot sa akin ng aking kapatid sa isang sulat at isang rosas.

Ito na ang ikatlong beses na nakatanggap ako nito mula sa kanya. Iniiwan lang niya sa tapat ng aming pintuan nang palihim. Katulad ng mga naunang sulat, parati niyang sinasabi na namimiss niya na raw ako. Batid ko hanggang dito ang kanyang pangungulila, ngunit buong-buo na ang desisyon ko.

Nalaman rin ni Mama kinalaunan ang nangyari sa amin. Naging palaisipan ito kay Mama kung bakit napakabiglaan. Parati raw tumatawag sa kanya si Jared para kumustahin ako, pero wala akong maisip na sagot. Dismayado man si Mama sa naging desisyon ko, nanatili naman siya sa tabi ko, tinatahan at sinusubukang pagaanin ang nararamdaman ko.

Araw at gabi, dumadalaw sa aking mga alaala ang lahat ng pinagsamahan namin kahit sa maikling panahon. Napakasakit, kasi umasa akong siya na talaga.

Umasa akong kami na ang itinadhana.

Ang pag-asa iyon ay nadurog at tinangay ng hangin.

Kung dati, hinihiling kong sana mapansin niya ang aking pagtingin. Ngayon, hinihiling kong sana makalimutan kong minahal ko siya.

Sa sobrang bigat sa kalooban, gusto kong tanggihan ang mapait na katotohanan na may nakalaan sa kanya at hinding-hindi magiging ako iyon. Pero, ito na ang kahihinatnan namin. Ilang beses kong sinubukang magpakatatag, pero paulit-ulit lamang akong bumabagsak at napapaluhod sa sahig. Halos hindi na masukat kung ilang luha na ang pinakawala ko dahil sa kalungkutan at pangungulila.

Iyon na pala ang huling beses na mararanasan kong mahalin ang isang tulad ko.

Mas mabuti ngang bumalik na lamang kung ganito lang pala ang mangyayari rito.

April 17. Isang oras bago maghatinggabi. Hinanda ko na ang aking sarili dala ang diary. Muli akong babalik sa overpass, bilang pagsunod sa habilin ni Manong. Tulog na ang lahat sa bahay, kaya't nakalabas ako kaagad na walang aberya. Tinahak ko ang madilim na eskinita at sumilip sa kalsada. Bumungad sa akin ang katahimikan rito. Walang katao-katao, bukod sa akin.

Saktong may dumaan na nakamotor na huminto sa tapat ko. Akala ko hoholdapin niya ako pero sinabi naman niyang habal-habal driver siya. Nang sinabi ko sa kanya kung saan ako papunta, pinasakay niya ako at saka ako umangkas. Dahil wala kaming nakasabayan na mga sasakyan sa daan, mabilis lang namin narating ang radio station sa tabi ng overpass.

Nang nakapagbayad na ako, umalis na ang ng rider at iniwan ako sa lugar. Palinga-linga muna ako sa paligid at nakumpirma kong ako lamang ang naririto. Tumingala ako at natanaw ko sa kalangitan ang dilaw na buwan.

Ang sabi ni Manong, sisinag ito ng pulang liwanag sa buong syudad.

Mukhang wala namang nangyayari—

Mga siren. Inatake ako ng kaba nang makarinig ng mga siren. Kaagad akong lumapit sa entrada ng overpass, ngunit nadatnan kong nakakandado pa rin ang pinto ito.

Sumasagi sa aking isip ang premonisyon.

Hindi maaari.

'Wag naman sanang matuloy ang iyon—

Maya-maya'y napansin kong naging pula ang liwanag ng buwan. Ilang segundo lamang iyon nagtagal at inakala kong namamalik-mata lamang ako, nang biglang tumagos ang aking katawan sa pinto sa paanan ng overpass. Nanlaki lamang ang aking mga mata sa nangyari, hanggang sa tuluyan kong narinig ang mga yapak mula sa labas. Nang aking sinilip, nalaman kong mga pulis nga at nagmamanman sa paligid.

Hindi nila ako nahuli. Kaya naman, nakahinga ako nang maluwag.

Nang tinignan ko ang aking relo, kalahating oras na lang ang natitira. Tumingala ako at halos wala na akong makita dahil sa dilim rito.

T.S. STORIES #1: You All Over Me (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon