Chapter 9

88 4 0
                                    


Bumaba na ako sa multicab na sinakyan ko pauwi galing eskwelahan. Nag-commute na lang ako kasi nagpaalam sa akin si Papa na mag-oovertime siya sa trabaho. Isa pa, medyo matagal rin kaming natapos sa practice namin sa cheerdance.

Habang naglalakad ako pababa sa iskinita ay may narinig akong mga ingay mula sa apartment namin. Kasabay ng mabilis kong paghakbang ay ang kaba sa bawat pintig ng dibdib ko. Pagbukas ko ng pintuan, nadatnan kong nagsisigawan sina Mama at Papa. Napatigil sila nang mapansin ang presensya ko.

Nagtaka ako dahil kakasabi lang ni Papa na mag-oovertime siya.

"Anong nangyayari dito—"

Bago ko pa man matapos ang itatanong ko ay isang kamao ang biglang dumapo sa pisngi ko. Nawalan ako ng balanse kaya bumagsak ako sa sahig ng labas ng bahay. Nahilo ako sa ginawa ni Papa, at maya-maya'y nakita kong nasa pintuan na siya at dinuduro ako.

"Lumayas kang bata ka! Wala ka nang naidulot na mabuti dito kung 'di sakit lang sa ulo! Salot ka lang sa lipunan!"

Hindi ko maiintindihan ang nangyayari hanggang sa lumabas si Mama at inalalayan akong tumayo. "Ano, Danica, ipagtatanggol mo pa rin 'yang salot na 'yan? Ha? Eh, puro na lang kabaklaan ang ginagawa sa buhay! P*tang*na lang!" pagsisigaw pa ni Papa.

"Umalis ka na, Ronald. Ikaw ang salot dito!" pagtaboy ni Mama sa kanya.

"Ako pa? Ako pa ang salot na nagbabayad ng renta, kuryente, tubig? 'Yang anak mo ang salot. Tang*na. Sana 'di na lang kita naging anak!"

Nanikip ang dibdib ko sa dahil sa pinagsasabi ni Papa. Tinatagan ko na lamang ang aking loob, habang yakap-yakap ako ni Mama. Nang lumabas si Papa, nilagpasan niya lang kami at umalis. Tinahak niya ang madilim na eskinita at hindi na lumingon pa.

Kaagad kong tinanong ni Mama kung anong nangyari at biglang nagwawala si Papa. Aniya, may nakita raw si Papa na video na nagsisigaw ako kay Shania. Hindi raw niya nagustuhan ang pananalita ko at ngayo'y tinutukso siya ng mga kamag-anak at kakilala niya na may anak raw siyang 'di tunay na lalaki. Kaya, agad siyang umuwi at inantay na darating ako.

Tanggap ko naman ang katotohanang hinding-hindi ako tatanggapin ng sarili kong ama. Buong buhay ko, tinitiis ko na lang upang hindi na magkagulo pa dito sa bahay. Pero, ang ayaw ko sa lahat, nadadamay si Mama sa galit niya sa akin.

Paulit-ulit mang umaalingngaw sa isip ko ang pagtakwil ni Papa sa akin, sinubukan kong labanan ang bugso ng aking damdamin. Hindi naman 'to bago. Sanay na akong tratuhin ako ng ganito.

Habang hinahanda ni Mama ang hapunan namin, nagpasya muna akong magbanyo.

Nang makapasok, doon na nagsipag-unahan sa pagbagsak ang mga luha ko. Napasandal na lamang ako sa pinto, habang binubuhos ang buong sama ng aking loob. Yakap-yakap ko ang aking sarili habang hinahayaang tabunan ng umaagos na tubig mula sa gripo ang ingay ng paghagulgol ko.

Gusto ko nang bumalik sa kasalukuyan. Gusto kong bumalik sa panahon na maayos na ang pamilya namin. Sa panahon na maayos lamang ang mga kaibigan ko. Sa panahon na maayos lang ako.

Nang makahapunan na kami, nag-ayos na kami ng matutulugan namin. Bago pa man ako natulog, sinulat ko sa aking diary ang mga nangyari ngayong araw. Hindi ko inakalang maraming magaganap sa iisang araw rito.

Kinabukasan, hindi pa rin umuwi si Papa. Hindi rin siya sumasagot sa tawag ni Mama. Ayaw ko sanang pumasok sa kutob kong baka may balak pang saktan ulit ni Papa si Mama. Kaso, nagpumilit si Mama na pumasok ako sa klase.

Kaya, umalis akong may benda sa pisngi. Pagkarating ko sa eskwelahan, tila nagulat nga ang mga kaklase ko, dahil ngayon lamang nila akong nakitang ganito. Hindi naman ako basagulero, kaya nag-alala sila sa akin.

T.S. STORIES #1: You All Over Me (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon