Kabanata 42

2K 91 33
                                    

Kabanata 42
Save

Hindi maalis ang aking tingin sa sinag ng araw mula sa silangan. Ang umagang hangin ay yumayakap sa aking katawan. Ang tinig at huni ng mga ibon sa malayo ay musika sa aking tenga tila naghahayag ng bagong simula.

Iba talaga ang pakiramdam kapag nasasaksihan mo ang unti-unting pagsikat ng araw. Ang dilim na unti-unting nilalamon ng liwanag. Liwanag na nagbibigay ng lakas at pag-asa.

Kaya't ito ang palagi kong hinihintay sa araw-araw. Ang umaga. Ang pagsinag ng araw. Ang pagsilip ng liwanag. Pagbibigay ng kapayapaan at kalayaan sa aking puso.

Hinipan ng malamyos na hangin ang aking buhok bago ako pumara ng tricyle. Maganda ang ngiti ni manong ng tanungin kung saan ako patungo. Nahawa ako sa ngiti ni manong kaya't napangiti ako ng sinabi kong sa palengke ang tungo ko.

"Magkano po ang kilo ng baboy?" tanong ko sa ale habang pinisil ang mga iyon. Mala-rosas ang kulay kaya't alam kong sariwa pa ang kaniyang baboy.

"240 na lang sa'yo ganda! Sariwa ang mga ito!" Malapad ang ngiti ang ginawad niya saakin.

"Sige po. Dalawang kilo." Hindi na ako tumawad dahil mukhang ako pa ang 'bueno mano' niya.

Ako ang nagpresintang mamalengke ngayon araw dahil wala na akong pasok. Balak ko rin kasing lutuan si Kalliesya ng paborito niyang sinigang. Gusto kong bumawi sa anak dahil alam kong malaki na ang pagkukulang ko biglang ina.

Kahit alas-sais pa lang ng umaga ay maingay na ang buong palengke. Ang tunog ng radyo mula sa isang karinderya ay nakikihalo sa ingay ng mga tao. Ang iba'y nagbubukas pa lang ng kanilang pwesto. Kaunti pa lang ang mamimili kaya't hindi pa masikip at mainit.

"Salamat ganda!" ani Ale ng iabot sakin ang supot. Magalang ako ngumiti at lumabas na ng palengke dahil wala na akong bibilhin pa, inuna ko na kasing bilhin ang mga rekados.

Ang amoy ng palengke ay nagbigay saakin ng kakaibang pakiramdam. Binalot ako ng pagkalumbay at naisip ang mukha ni nanay.

Sumagi sa aking isipan ang parte kung saan nasa palengke ako ng La Puerto. Masayang nakikipagkwentuhan kay nanay at sa mga kaibigan niya... ang mga tuksuhan ng tindero't tindera, tawanan, at ang batang Mireya na matayog ang pangarap at sa araw-araw na nagdadaan ay mas tumatayog pa iyon.

Buong byahe pauwi ng bahay ay hindi na mawala sa aking utak ang La Puerto. Kumusta na kaya sila nanay? Alam ko naman masaya sila kahit wala ako. Lalo na't hindi pala ako buong kapatid nila Amelia pero naiisip pa kaya nila ako? Alam ba nila na nakapagtapos na ako? Kumusta kaya ang pag-aaral nila Amelia? Si tatay... galit pa rin kaya siya saakin? Hanggang ngayon ba ay iniisip niyang sinadya kong malaglagan ng anak ang aking kapatid?

Ramdam ko pa rin ang sakit, takot at pangamba tuwing na-aalala ko ang lahat ng iyon. At sa tuwing naiisip ko ang kinilala kong tatay, wala akong maramdaman kundi sakit. Hindi ko kailanman naramdaman magalit sakaniya... kahit halos ipagtabuyan niya ako sakaniya.

Parang kahapon lang ang lahat ng lisanin ko ang La Puerto.

Bumagal ang sinasakyan kong tricycle kaya't nawagli ang iniisip at napatingin sa labas. Nasa tapat na pala kami ng aming bahay.

"Salamat manong!" Ngiti ko at inabot ang bayad.

Tinignan ko ang bahay at mukhang wala pa ni-isang gising sa loob. Napangiti ako at hindi na nagulat dahil linggo naman at walang trabahong aasikasuhin. Sakto rin para makapagluto naman ako ng kanilang umagahan.

Papasok na ako sa gate ng may pulang sasakyan tumigil sa aking likod. Napaatras ako at tinitigan ang nagmaneho nun, hindi ganoon tinted ang salamin kaya't nakilala ko agad ang nasa loob.

Galves #2: Taming the Wild WindTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon