Kabanata 4

185 13 3
                                    

"Anong meron? Wala naman akong nabalitaang bomb threat ah." Tudyo ko.

Bigla-bigla na lang kasing nagsitakbuhan ang mga senior high school students, hinahabol ang isang itim na van na dumaan.

"Hello? Girl? Nasa Earth ka pa ba? Ang laki-laki kaya ng poster sa labas hindi mo ba nakita? Magpe-perform kasi ang isang sikat na band dito. Sila ang guest para sa senior high school fest this week." Inalis ko na ang tingin ko sa van. Hindi naman ako interesado.

"Sikat? Eh ba't di ko kilala?"

"Hala siya! Eh hindi mo nga kasi 'di ba nakita yung poster?" Napahigikgik lang ako sa kanya at kinuha na ang bag, uuwi na lang ako.

"Ano nga ulit yung pangalan ng banda nila? Ce-Cre—basta! Something na nagsisimula sa C."

"See? Sikat pero hindi mo matandaan." Tumawa ako at agad naman siyang napasimangot.

Para makapunta sa building namin ay kailangan pa naming dumaan doon sa van nila at makipagsiksikan sa kumpol ng mga estudyante na halos harangan na ang buong daanan.

"Kailan ba sila magpeperform?" Binigyan niya ako ng matalas na tingin.

"Bakit? Interesado ka?"

"Loko! Hindi ah. Eh kasi nga 'di ba, bukas pa naman start ng SHS fest. Ang aga naman nila masyado." Sinikap kong hindi matumba habang nakikisiksik sa mga estudyante.

Gaano ba kagwapo at sikat ang bandang iyon at mukhang tadtad ng fangirls ang mga 'yon dito?

"Sa Friday pa yata. Ang alam ko magpra-practice lang sila ngayon eh."

Dumaan kami sa mismong tabi ng van. Mabuti na lang at hindi kami nadikit doon sa bintana dahil sa pagtutulakan ng mga estudyante.

Sakto naman nang makalampas na kami ay nag-ring ang cellphone ko.

"Si Mama. Wait lang ah?" Paalam ko at sinagot ito.

"Nak! Nak! Nak!" Nagpapanic ang boses nitong bumungad sa akin. Agad namang lumukob ang kaba sa dibdib ko.

"Ma?! Anong nangyari?"

"Punta ka rito bilis! Bilis nak!"

"Ha? Bakit? Ma, ano bang nangyayari? Nasaaan ka?" Sumenyas na lamang akong mauuna na kay Ryzel at kahit hindi pa man alam kung saan siya pupuntahan ay nagsimula na ako sa paglakad.

Buntis pa naman yon, baka kung ano nang nangyari, ang kulit-kulit pa naman ni mama.

"Nandito ako sa labas ng school niyo! Halika na rito! Bilis!"

"Anong ginagawa mo dyan—hello?! Ma!"

Pinutol niya na ang tawag. Hindi na alintana ang may kataasang takong ng school shoes ko at tinakbo ko na ang daan papunta sa gate.

May nakabunggo pa akong lalaki dahil sa pagmamadali. Sa pag-aalala ko para kay Mama ay hindi ko na naisip pang lingunin siya at humingi ng tawad kahit pa na tumigil siya.

"Nak! Nak! Dito!" Nakita ko siyang kumakaway-kaway sa tapat ng isang coffee shop na katapat lang din ng school.

"Ma! Anong nangyari? Ayos ka lang ba? Bakit ka nandito?" Kinilatis ko ang buong katawan niya para siguraduhing walang nangyaring masama, at napahinga lamang ako nang maluwag nang makitang maayos naman ito.

"Nak! Nak!" Mahigpit niya akong hinawakan sa magkabilang braso at inalog-alog. Para siyang nakakita ng isang artista dahil sa ngiti niya

"Nakita ko siya! Nakita ko siya nak!"

ABDUCTED, AGAINTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon