Ang nangyari noong weekend ang bukambibig ng halos lahat sila. Akala ko nga ay dahil sa saya raw ng naging selebrasyon nila ng kaarawan ni Michael ay makakalimutan na nila ang nangyari sa restawrant subalit nagkamali ako. Hindi pa rin ako nakaligtas sa mga panunukso at pang-uusisa nila.
Alas tres pa lang ay tapos na ang klase namin ngayong Lunes. At hanggang sa mag-uwian ay hindi pa rin ako tinatantanan ni Michael sa pag-iinarte nito kakatampo dahil daw hindi ako sumama noong weekend.
Halos mangalay na ang balikat ko sa kakaakbay nito magmula nang lumabas kami ng room hanggang ngayong nasa baba na kami ng building namin. Pinagpipisil nito ang ilong ko at sinusundot-sundot pa ang aking pisngi.
Natigil lamang ito sa pangungulit sakin nang makasalubong namin ang iilang estudyanteng nagbubulungan at halos umabot langit ang mga ngisi. Nagkatinginan kaming tatlo ni Michael at Ryzel. Mula sa pinanggagalingan ng mga nakakasalubong namin ay natanaw ko ang mga babaeng tila may pinagkakaguluhan.
Ano bang meron?
Nagmadali kami sa paglakad at hindi naman magkandaabot-abot ang aming pagkakagulat nang makita ang taong pinagtitilian ng mga babae sa paligid namin. Muli ay nagkatinginan kaming tatlo. Hindi ko alam noon ang magiging reaksyon o mararamdaman nang makita ang matalim nitong tinging dumapo sa amin. Sa akin. Kay Michael. At sa kamay nitong nakaakbay sa akin.
Humiwalay ako kay Michael at bahagyang dumistansya. Nginisihan naman ako ng dalawa. Sinisimulan na naman ang panunukso sa akin.
"Ang taray. May pasundo-sundo na."
"Nakita mo 'yon, Zel? Nakita lang 'yung De Varga, itinakwil na ako," tudyo pa ni Michael.
Pabiro ko silang sinamaan ng tingin at binalik muli ang tingin kay Hendrix. Nakasandal ito sa sasakyan niyang nakaparada sa tapat ng aming building. He is in his baby blue long sleeve polo, black trousers, and black leather shoes.
Sumiklab ang kakaibang kaba sa dibdib ko habang nakatitig sa kaniya. Lumalakas ang kabog ng dibdib ko habang sinasalubong ang namumungay niyang matang nakatanaw sa akin. Nandito ba siya para sunduin ako? O baka iba ang pakay niya? Baka ibang tao ang ipinunta niya? Baka masyado lang akong nagiging ambisyosa, baka hindi naman ako ang dahilan kung bakit nandito siya.
Mas lumakas ang pagbubulungan sa paligid nang mag-umpisa na itong maglakad at mas lalo ring lumakas ang tambol sa aking dibdib nang makitang sa direksyon ko ito papunta.
Hindi niya inalis ang tingin sa akin habang palapit at ganoon din ako sa kaniya, na tila ba wala kaming ibang nakikita sa paligid kundi ang isa't isa lang. Para akong kinakapos ng hininga, para akong nauubusan ng lakas, para akong pinagtutuyuan ng lalamunan.
Tumigil ito sa mismong harap ko. Sa tangkad niya kinailangan ko pang tumingala upang matingnan siya. His scent quickly hovered over my nose. Halos manliit na naman ako sa sarili dahil sa laki niya.
"B-bakit ka nandito?" wika ko. Sumulyap ito kina Michael at Ryzel na tila bumabati bago muling tinuon sakin ang tingin.
"Sinusundo ka." Narinig ko ang impit na paghiyaw ng dalawa matapos ng sinabi niya. Muli ko silang sinamaan ng tingin.
"Bakit ikaw? Nasaan si Manong?"
Hindi siya sumagot at nginitian lamang ang aking katanungan. Kinuha niya ang mga dala kong libro, pati na ang bag kong nakasukbit sa aking balikat. Tinipon niya ang mga ito sa isa niyang kamay at matapos iyon, ang maliit kong mga daliri naman ang hinanap ng isa niya pang kamay.
"Let's go?"
Agad kong nakilala ang mga tiliang umingay mula sa likuran ko. Pero dahil sa matinding pagpipigil ko ng ngiti ay hindi ko na sila muling natapunan ng masamang tingin. Tumitig lamang ako sa malaki niyang kamay na nakayapos sa akin, patuloy pa ring pinoproseso ang nangyari, pilit pa ring pinapakalma ang pusong halos nagwawala na.
BINABASA MO ANG
ABDUCTED, AGAIN
RomanceBOOK 2 OF ABDUCTED 1ST INSTALLMENT IN THE DE VARGA SERIES HENDRIX ANDERSON DEVARGA