Saglit lang man 'yon, o mababaw lang man ang halik na iyon, kahit matagal na rin ang nakalipas ay tila ba dama ko pa rin ito sa aking mga labi. Sa paulit-ulit na hinahagkan ako ng mga labing iyon noon ay halos masaulado ko na, subalit nang muli akong angkinin nito kanina, pakiramdam ko'y isa akong dayo sa isang kakaibang nasyon. Napakabago ng pakiramdam, napakainit ng sensasyon, nakakapaso ang paglalapat ng mga labi, nakakakapos ng hininga ang mabilis na pagtakbo ng aking puso.
"Athena?"
Halos mapaigtad ako ng boses niya. Napakurap-kurap ako at doon lamang napatingin sa labas, nakatigil na kami sa harap ng bahay. Kanina pa ba kami rito? Kanina niya pa ba tinatawag ang pangalan ko? Buong biyahe ay sa halik na iyon lamang lumilipad ang isipan ko.
"Galit ka ba?" Napalingon ako sa kaniya. Nangungusap ang mga mata niya.
"H-Ha? Bakit naman..."
"Hindi ka na kumibo mula nang umalis tayo ng ospital. May nagawa na naman ba ako?" Halos nagmamakaawa na ang kaniyang mga mata.
Upang makaiwas sa pagkakailang ay kinuha ko na lamang ang mga gamit ko mula sa likuran. Nagmadali naman itong hubarin ang seat belt niya para makalabas at pagbuksan ako ng pinto.
Napapangiti ako dahil doon.
"Ako na ang magdadala," agap niya nang makababa ako. Habang pigil-pigil ang pagngisi, binigay ko lamang ang dala sa kaniya at nauna nang maglakad.
Nang mga sandaling iyon, may saya man sa puso ko ay hindi ko pa rin maiwasang isipin na kung hindi kaya kami nagkahiwalay, kung hindi niya kaya mas piniling magpakalayo-layo o kung matapos niya akong iwanan ay hinabol ko siya at pinabago ang isip niya, ano kayang ginagawa namin sa mga oras na ito?
Nagwawala rin kaya ang puso ko sa nagpapakilala niyang mga labi? Makakaramdam kaya ako ng ganitong ilang matapos ng nangyari? Siguradong sinusundo niya rin ako mula sa school, o dinadala sa opisina niya.
Hindi ko mapigilan ang sariling mag-isip ng mga ganoon.
Nakasunod siya sa likuran ko habang mabagal akong naglalakad. Huminto ako sa kalagitnaan ng makitid na pathway na magdadala sa bahay. Humarap ako sa kaniya. Bahagyang dumaan ang gulat sa kaniyang mata, umiwas ako at nangapa ng mga salita.
"Hindi ako galit." Mahigpit ang paghahawakan ng mga kamay ko sa aking likuran habang ginagala ko ang mata dahil hindi ako makatingin sa kaniya nang diretso.
"Nagulat lang ako sa nangyari kanina... naninibago. Mahaba ang limang buwan, Hendrix. Kaya huwag mong asahang sa pagbalik mo, magiging kagaya pa rin ng dati ang lahat sa isang iglap lang."
Tumikhim ako at humugot ng malalim na hininga. Mabilis akong sumulyap sa kaniya at mas lalong pinalakas ng taimtim na pagtitig niya ang tibok ng puso ko.
"Sinabi mo noong isang araw na maghihintay ka, kahit na gaano pa katagal. Naniniwala ako sa'yo, magtitiwala ako sa mga salita mo."
Muli akong sumulyap at ngayo'y unti-unti nang lumiliwanag ang mukha niya na tila ba nakakakita ng pag-asa, na pawang isang napakagandang bagay ang narinig niya.
"Hindi madali ang kalimutan na lang lahat, Hendrix, intensyon mo mang saktan ako noon o hindi, ginusto mo man iyon o hindi, hindi pa rin magiging madali."
Nilunok ko ang unti-unting bumabara sa lalamunan. Ang napakatahimik na gabi ay mas lalong nagpapakaba sa akin. At hindi ko alam kung bakit nga ba kinakabahan ako nang sobra.
"Pero gusto ko lang malaman mo na..."
Saglit akong napahinto, humugot pa rin ng lakas para sabihin ang nasa isip.
BINABASA MO ANG
ABDUCTED, AGAIN
RomanceBOOK 2 OF ABDUCTED 1ST INSTALLMENT IN THE DE VARGA SERIES HENDRIX ANDERSON DEVARGA