Chapter 13

78 7 15
                                    

"Bakit ang dami mong pinamili?" ang bungad na tanong ni mama nang makaupo ako sa harap niya. Napahinto ako at tinignan siyang nagtataka.

"Sakto lang naman ang binigay kong pera. Mamahaling chocolates pa naman ang mga nandiyan," pagpapatuloy niya habang inaabot ko ang loaf bread at kumuha ng isang slice.

"Libre lang po, ma," I answered.

Kumunot ang noo niya. "Libre naman nino?"

Napadaan ang tingin ko kay Denise na nakamasid lang sa akin. Bumalik ang tingin ko kay mama na nagtatanong.

"Ni Javi po."

"Sinong Javi?"

"Kaibigan ko po," mabilis kong sagot.

"Kaibigang lalaki?"

Naibaba ko ang tingin. "Opo, ma."

Nanatili ang tingin niya sa akin, dahan-dahang bumaling sa hawak na tasa ng kape.

"Bakit ka naman daw nilibre?" sabi niya sa mas kuryosong tono.

Maingat akong nagpakawala ng hinga. Anong sasabihin ko? Wala akong maisip na palusot. Siguradong iba na ang iniisip ngayon ni mama. Base pa lang sa mga tingin at tono niya, alam kong may bahid na iyon ng pagdududa.

Sigurado akong iniisip niyang... may manliligaw ako.

"Mama, magpasalamat na lang tayo at may grasyang dumating."

Laking pasasalamat ko nang magsalita si Denise. Napatingin kamin sa kaniya dahil bihira lang talaga siyang makisali sa usapan.

"Hayaan mo na, Marites," saway din ni papa na bumaling sa akin.

"Ikaw, Dana, 'wag kang basta-basta tatanggap ng libre sa mga lalaki. Hindi mo alam kung ano'ng kapalit niyan."

Napayuko na lang ako at hindi na nagsalita pa. Kung magsasalita pa ako, mas lalo lang nila akong pauulanan ng mga tanong at wala akong mga nakahandang sagot.

"Ayain mo naman minsan si Jared dito sa bahay. Magluluto kamo ako ng masasarap bukas," sabi ni mama pagkatapos ang may kahabaang katahimikan.

"Baka busy siya, ma."

"Ah, gano'n ba? Sa susunod na Linggo na lang."

Nabitin ang pinalamanang tinapay sa kamay ko bago inilipat ang paningin kay mama na naglalapag ng pritong itlog sa plato ni papa. Nang mapansin ang tingin ko ay bumaling siya sa akin.

"May problema ba?"

"Ma..."

Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko at bigla ko siyang natawag. Lahat sila ay napatingin sa akin, nag-aabang sa sasabihin ko.

"May sasabihin ka ba?"

May gusto akong sabihin. Ang problema, hindi ko alam kung paano. Hindi ko alam kung kaya ko ba. Tamang oras ba ngayon? Tamang pagkakataon? Tama bang sabihin ko na agad nang hindi pa nakikipaghiwalay kay Jared?

Napailing ako at ngumiti. "Wala po. Ingat lang po kayo sa trabaho."

Mas maganda siguro kung si Jared muna ang kausapin ko tungkol sa gusto kong mangyari. Pero pa'no? Paano ko sisimulan kung napapansin ko na 'yung pagbabago niya simula noong mga nakaraang tawag?

Walang palya ang mga text niya sa akin. Talagang kapansin-pansin na parang bumabalik si Jared sa dating siya; iyong mga panahong nililigawan pa lang niya ako. Pero wala na akong maramdaman. Mukhang ayoko na talaga.

"Dana, ano na nga kasing status niyo?" pangungulit sa'kin ni Jamie habang ako naman ay abala sa pagre-review sa PDF sa phone. Mahilig kasi magpa-surprise quiz ang prof namin sa next subject.

Beyond Repair (Beyond Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon