A year ago
Pagod na naupo sa gutter ng plaza si Nadzwina at nilapag sa kanyang tabi ang plastic envelope na naglalaman ng kanyang mga credentials. Kinapa niya ang panyo sa dalang lumang bag na kumukupas na kulay na asul at nagpunas ng pawis sa noo at leeg.
Buong araw na siyang naglilibot para maghanap ng mapapasukang trabaho. May mga bakante naman pero mas binibigyan ng priority ang college level at may experience na. Katatapos lang niya ng senior high noong nakaraang linggo. Nakipagsapalaran siya para sana makapagpadala ng pera sa kanyang pamilya sa probinsya. Gusto rin niyang mag-ipon para pang-enroll sa kolehiyo.
Hinaplos niya ang kumakalam na tiyan. Gutom na gutom na siya. Isang pirasong tinapay lang ang kinain niya kanina sa agahan. Nagtitipid siya para may madudukot siya sakaling matanggap siya sa trabaho at may karagdagang requirements.
Ipinaypay niya sa mukha ang hawak na panyo at tinanaw ang mamahaling sasakyan na nakahinto sa malapit. Isang may edad na lalaking nakasuot ng amerikana at naglalakad papalapit doon. Nang biglang sumuray ito, tutop ang dibdib at humihingal. Mabubuwal sana ito kung hindi nakakapit sa pinto ng sasakyan.
"Sir! Ayos lang po ba kayo? Sir!"
Kumaripas siya at sinaklolohan ang lalaki.Sakto lang na nasaklot niya ito sa balikat para alalayan nang tuluyang bumagsak ang bigat nito sa kanya at kasama siyang napaluhod sa pavement. Nawalan ito ng malay. Tarantang luminga-linga siya. Walang gaanong dumadaan sa bahaging iyon. May natanaw siyang police patrol car na parating.
"Tulong po! Tulungan n'yo kami!" Matulin siyang tumakbo sa gitna ng kalye at humarang. Nakadipa ang mga braso.
Tumigil ang patrol at tumalon pababa ang police officer. "Anong nangyari, Miss?"
Pero hindi siya makapagsalita sa nerbiyos at naiiyak na itinuro ang walang malay na lalaking nakahilata sa pavement. Dinaluhan ng police ang lalaki. Pinahid niya ang mga luha at nilakasan ang loob. Tumulong na maisakay ito sa patrol car.
Pakiramdam niya ay patay na ito. Sana hindi. Kawawa naman ang pamilya nito. Ang asawa nito at mga anak na maiiwan. Paano na?
"Sir, gumising po kayo! Huwag po kayong matutulog! Hinihintay po kayo ng asawa n'yo at mga anak. Gumising po kayo..." panay ang yugyog niya rito. Pisil dito, pisil doon. Sa kamay, sa braso. Habang mabilis na tumatakbo ang sasakyan ng police patungo sa pinakamalapit na hospital.
"Ikaw na muna ang bahala sa kanya. Kailangan ko pa mag-report sa station ko. Na-kontak ko na nga pala ang pamilya niya." Bilin ng police sa kanya.
Nasa labas siya ng emergency room habang nasa loob ang pasyente at inaasikaso ng mga doctor.
"S-sige po," aligaga niyang tango.
Kapag dumating ang pamilya ng pasyente ay magpapaalam na rin siya. Babalikan pa niya sa plaza ang naiwan niyang envelope.
"Ano nga pala ang pangalan mo?" tanong nito.
"Nadzwina Leamse po."
"Ako naman si PO1 Jezric Paman." Naglahad ito ng palad sa kanya.
Wala sa loob na tinanggap niya ang kamay nito.
Matangkad, mestiza at ubod ng gandang babae ang dumating, kasama ang tatlong kalalakihang may malalaking katawan na palagay niya ay mga bodyguards. Bakas sa aura ng babae ang edad nito bagamat hindi iyon makikita sa mukha nitong nanatili ang tingkad ng likas na kariktan. Animo'y diwata sa mga kuwentong pambata na pinaglipasan man ng daang taon ay hindi tumatanda.
Suot nito ang itim na corporate dress sa ilalim ng puting blazer. Mugto ang mga mata nito sa pagpipigil ng luha nang hubarin nito ang colored eyeglasses.
"My name is Laliza Romualdez, are you the girl who brought my husband here?" May nginig sa boses nito dahil sa hindi maikubling pag-aalala.
"Yes po, Ma'am. Ako po si Nadzwina. May kasama po akong police kanina, si PO1 Jezric Paman. Kaming dalawa po ang nagdala kay Sir dito. Nasa loob pa po siya ng emergency."
Tumango ang babae at ginagap ang kanyang mga kamay. "Thank you so much for helping my husband."
"Walang anuman po, Ma'am." Ramdam niya ang takot sa nanlalamig at nangangatog nitong mga kamay.
Gusto sana niyang magpaalam pero hindi na siya binitawan pa ng babae. May lumabas na doctor mula sa emergency at kinausap ito. Tama nga ang hinala niyang bumigay ang puso ng pasyente. Mabuti na lang at hindi malubha at kaya pang agapan ng gamot. Ngunit pinayuhan ng mahabang pahinga.
"Saan ka uuwi at ipapahatid na kita sa driver?" tanong ni Mrs. Romualdez sa kanya pagkatapos siya nitong pakainin ng maagang hapunan.
Hindi niya dinamihan ang kain dahil nalipasan na siya ng gutom kanina. Buti na lang gumana ang adrinalin niya. Binalot na lang niya ang natirang pagkain para maiuwi niya sa tinitirhang maliit na apartment.
"Okay lang po, Ma'am. May dadaanan pa po kasi ako."
"No, it's alright. Just tell the driver and please, come back tomorrow. Siguradong magtatanong tungkol sa iyo si Andro paggising niya. Gusto kong nandito ka."
"S-sige po. Tutuloy na po ako," paalam niya at lumabas ng suite.
Naghihintay siya ng elevator nang mamataan niya ang lalaking lakad-takbo sa hallway. Pamilyar ito sa kanya. Kamukha ng mga nasa billboards sa metropolitan. Napamulagat siya at nakagat ang daliri.
Si Wayve?
Nanghahaba ang leeg niya sa paghabol ng tanaw sa lalaki. Mas matangkad pa pala ito sa personal at kahit may damit ay nai-imagine niya ang bawat bahagi ng katawan nitong buong husay na inukit. Madalas itong topless sa mga larawan nito o kung may pang-itaas man ay nakabandera pa rin ang siksik nitong dibdib pababa sa mga abs nitong mistulang bricks na may perpektong sukat.
"Sir, pakidaan po ako sa Plaza Regalla," aniya sa driver ng mamahaling SUV.
Hindi naman iyon kalayuan mula sa hospital. Nakadama siya ng ginhawa nang matanaw na naroon pa sa gutter ang envelope. Wala rin namang magkakainteres na kunin iyon. Bumalik siya sa sasakyan at hinatid ng driver sa kanyang apartment na kanugnog lamang ng pinapasukan niyang science school.
"Maraming salamat po sa paghatid!" pasalamat niya sa driver pagkababa ng sasakyan.
"Walang anuman." Bahagya itong ngumiti.
Hindi pa muna siya pumasok sa gate bagkus ay pinukol ang tanaw sa kanto ng kalyeng iyon kungsaan nakatirik ang dambuhalang billboard ni Wayve. Napangiti siya. Hindi man sa malapitan pero sapat nang reward para sa araw na iyon ang makita niya sa personal ang hinahangaang model.
BINABASA MO ANG
HEARTBREAKERS 03: OPERATION BREAK-UP ✔
RomansaHe is Izen, vocalist of the masked band Heartbreakers. Behind the mask he is Wayve Lizandro Romualdez in the modeling world. An heir to a multi-billion gems hotel chain in the country and a celebrity icon ruled at the top adored by one of the most a...