CHAPTER 1

2.4K 40 2
                                        

Enjoy reading, Honeys<3

TIRIK NA TIRIK ang araw ngunit hindi tumigil si Eloissa sa pagtulong sa pagtatanim ng gulay.
Pawisan at hinihingal na siya ngunit hindi siya pwedeng magpahinga muna kundi malilintikan siya sa tito at tita niya.
Kailangan niyang magtrabaho ng maayos kundi papalayasin siya ng mga kamag-anak niyang nakatira sa mansiyon.

"Pahinga na muna tayo!" Sigaw ni Mang Ernesto sa kanilang lahat.

Marami silang mga trabahante dahil malawak ang lupain ng mga kapatid ng papa niya kung saan siya ngayon nagtatrabaho.

Nagpasiya silang magpahinga muna at para makapananghalian narin, ngunit siya ay hindi pa pwedeng magpahinga. Napapagod at nagugutom man ay mabilis siyang naghugas ng kamay at paa bago lakad-takbong bumalik sa mansiyon na pag-aari ng lolo at lola niya kung saan lahat ng magkakapatid ay doon nakatira. Ang lolo at lola naman niya ay matagal ng nakatira sa isang private island at minsan lang kung dumalaw dito sa kanila.

Sa likod ng bahay siya dumaan para mabilis siyang makarating sa kusina at isa pa ay maputik ang paa niya, baka marumihan niya ang mamahaling tiles at idagdag pa iyon sa mga babayaran niya.

Nang makarating sa kusina ay naroon na ang ilang basket ba gawa sa rattan kailangan niyang bitbitin iyon pabalik sa malawak na taniman.

Hinihingal pa siya pero kailangan niya ng magmadali at baka may magreklamo na namang trabahador sa tita niya at mapapagalitan na naman siya.

Kahit araw-araw na niyang gawain iyon ay hirap na hirap parin siya. Hinihingal siya at nananakit na ang balikat niya dahil sa bigat ng dala niyang dalawang basket. Hindi siya mamamatay sa tuwing binubugbog siya ng tito niya dito yata siya mamatay sa gitna ng lubak-lubak na daan, mainit ang sikat ng araw at bigat ng dala niya.

Tanghali palang ay ramdam na ramdam niya na ang pagod niya. Amoy araw na rin siya dahil magmula umaga hanggang ngayong tanghali ay nakababad na siya sa araw.

Nagpapasalamat siya sa diyos dahil nakarating parin siya sa kubo kung saan namamahinga ang mga trabahante.
Inilapag niya ang dalang basket sa gitna ng mesa pagkatapos ay inilabas niya mula r'on ang mga paper plate, kanin at ulam nilang Tortang talong at pinritong tilapia.

Bahagyang nangangatog ang tuhod niya dahil sa gutom na nararamdaman. Hindi na kasi siya nakapag-almusal kanina dahil late na siyang nagising.

Akamang susubo na rin siya ng kanin ng utusan siya ni Manang Lita.

"Eloissa, umigib ka muna ng maiinom nating tubig sa batis." Utos nito.

Huminga siya ng malalim at ngumiti rito. Kapag nagreklamo siya ay magsusumbong na naman ito sa tita niya.

"Sige po." Napalunok pa siya habang nakatingin sa kanin niyang hindi man lang niya nabawasan.
Bibilisan na lang niya ang lakad para makabalik siya ng mabilis.

Kinuha niya ang isang may kalakihang galon at tumakbo siya papuntang batis. Medyo may kalayuan iyon, may malapit namang tubig sa kubo nila pero hindi iyon naiinom.
Hinihingal siya dahil sa pagtakbo at nang makarating sa nasabing batis ay mabilis siyang uminom dito.

Napahinga siya ng malalim nang matapos uminom. Napaka-sarap talaga ng tubig na nanggaling sa batis, natural lang ang lamig nito.
Nagmamadali siyang umigib at nang mapuno ang galon niya ay halos mabali na naman ang balikat niya dahil sa bigat n'un.

Ilang beses siyang tumigil upang magpahinga. Hindi na siya magugulat kapag may trabahador na namang magrereklamo dahil sa tagal niya.

Nananakit man ang balikat ay mas binilisan pa niya ang lakad. Nang makarating sa kubo ay tapos na ang lahat kumain.

Chasing Her (Dark Series book 3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon