Chapter 4: Paso

32 0 0
                                    

Kinabukasan ay nagtungo si Reyzalyn sa kanilang maliit na hardin. Kinuha niya ang hose at saka diniligan ang mga naggagandahang mga bulaklak. Namumukadkad ang mga ito. Kaysarap nitong pagmasdan. Hindi maalis ang ngiti sa kaniyang labi dahil malalago na ang mga bulaklak na itinanim ng kaniyang ina. Mahilig kasi siya sa mga bulaklak kaya naman masaya siya dahil malago na ang mga ito. Sa dati nilang tinitirahan ay siya ang palaging nagdidilig ng mga halaman nila roon at iyon ang kaniyang libangan.

"Mahilig ka pala sa bulaklak?" sabi ng isang tinig na kilala ni Reyzalyn kung sino ang nagmamay-ari no'n. Nakatayo si Lyka sa pader habang nakatanaw sa kaniya.

Nginitian niya ito. "Oo ang ganda kasi nila. At saka ang sarap sa matang pagmasdan sila. Pakiramdam ko kapag nakikita ko sila nawawala 'yong lungkot ko. Isa rin sila sa nagiging rason kung bakit ako masaya. Nakakawala ng pagod kapag nakikita ko ang mga ito." Diniligan niyang muli ang mga bulaklak.

"Mabuti na lamang mahilig ka riyan. Naalala ko bigla si mommy mahilig din siya sa mga bulaklak. Kaya madami kaming mga bulaklak. Katulong niya pa nga ako minsan sa pagtatanim ng mga bulaklak na nabibili niya," tiningnan ni Lyka ang mga bulaklak na dinidiligan ni Reyzalyn.

Namilog ang mata ni Reyzalyn. "Ganoon ba? Sabagay nakakawala rin kasi ng stress ang pag-aalaga ng mga bulaklak. Kaya nga maraming matatanda ang mahilig magtanim at mag-alaga ng mga ito. 'Yong iba pa nga ay gumagastos talaga para lang magkaroon ng maraming tanim na bulaklak sa mga bahay nila."

Tumango-tango si Lyka bilang pagsang-ayon sa kaniyang sinabi. "Oo tama ka diyan. Naalala ko nga, may kamag-anak kaming sobrang hilig sa bulaklak. Halos punuin na niya ang hardin niya ng puro bulaklak. Paborito niya ang rosas. Iba't-ibang kulay na tanim ang mayroon siya. Maganda naman tingin talaga ang magkaroon ng bulaklak sa bahay kaso parang sumobra ang kaniya."

Natawa si Reyzalyn. "Sobrang mahal niya siguro ang mga bulaklak. Sabagay 'yong iba nga hindi lang bulaklak. May mga matatandang mahilig magtanim ng mga puno. Mga gulay gano'n. 'Yong lola at lolo ko sa probinsiya ay marami silang mga pananim. Kaya kapag oras na puwede na itong anihin, marami silang naaani. Hindi sila nagugutuman dahil ito na rin ang kinakain nila. Lalo na ang iba't-ibang gulay na tanim nila. Libangan na kasi nila ito lalo na't matatanda na sila. Kapag sobra ang naani nila, ibebenta nila ito sa palengke. Simple lamang ang buhay nila roon pero parang ang saya."

"Masaya talaga ang ganoon buhay. Sariwa pa ang hangin doon panigurado lalo na't mapuno. Hindi masyadong mainit, hindi katulad dito sa atin. Halos wala ng puno ang nandito. Puro bahay na at mga gusali na lang. Kaya kapag sobrang init, wala nang masilungang puno. Wala nang lilim."

"Oo tama ka nga riyan Lyka. Hindi nila naisip na mahalaga ang magkaroon ng puno sa paligid lalo na't nagpapalamig ito ng hangin."

Sa kabilang banda, napansin ni Razelle na parang may kausap ang kaniyang bunsong kapatid. Sumilip siya sa bintana upang makita ang kausap nito. Natanaw niyang nagdidilig ng halaman ito habang nagsasalita ngunit wala naman siyang nakitang tao na kausap nito. Kumunot ang noo niya. Nagtataka siya kung bakit nagsasalita ang kaniyang kapatid na para bang may kausap ito na nasa harapan niya lamang. Ngayon niya lamang kasi itong makitang may kausap kahit wala namang tao. Hindi rin nito hawak ang cellphone.

"Sinong kausap ni bunso?" Napakamot siya ng ulo habang sinisipat kung may tao ba.

Napansin niyang kapag nagsasalita ang kaniyang kapatid, tumitingin ito sa may pader. Ngunit wala namang tao roon! Patuloy pa rin sa pagsasalita ng kaniyang kapatid ngunit wala namang tao! Kinilabutan siya. Bakit ganoon na lamang ito? Nakangiti pa ito habang may kinakausap na para bang masaya sila ng kaniyang kausap.

Napatayo bigla si Razelle. Ibinaba niya ang hawak niyang libro. Kasalukuyang nagbabasa siya ng mga kuwento. Tumayo siya upang silipin kung sino ang kausap nito. Wala namang tao sa gate. Wala ring ibang tao sa kanilang maliit na hardin kun'di ang kapatid niya lang.

BunsoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon