"Parang hindi ka naman okay, Bea."
Mahinang natawa si Bea. "Halata pala sa mukha ko, 'no? Alam mo ba Reyzalyn na hindi naman talaga masaya ang pamilya namin. Hindi katulad ng inyo. Ramdam kong masaya ang pamilya ninyo. Kahit na sabihin na nating medyo may pagkamasungit ang Ate Rebecca mo, pagkatumingin siya sa iyo alam kong binabantayan niya galaw mo. Kanina nga noong mababagsakan ka yata ng baso sa paa kasi hindi maayos ang pagkakalagay sa mesa, pagkatalikod mo inalis niya kaagad iyon."
Hindi mapigilang matuwa ni Reyzalyn dahil sa sinabi nito sa kaniya. Akala niya ay galit talaga sa kaniya ang kaniyang Ate ngunit may pakialam pala talaga ito sa kaniya. Para bang nagsisimula nang magbago ang kaniyang Ate Rebecca.
"Kaya ako wala ngayon sa wisyo kasi sila Mommy at Daddy nag-aaway na naman. Sa totoo lang, aaminin ko na hindi ganoon kabait ang Daddy ko. Ibig kong sabihin ay hindi talaga siya mabait. Kapag nagagalit siya kay Mommy noon, ang tunay na Mommy namin ni Lyka ay nasasaktan niya ito. Nasasampal at nasisipa, ganoon. Tapos hihingi siya ng sorry dito, aamuin niya, susuyuin niya hanggang sa mag-kaayos silang dalawa. Pero sa totoo lang hindi tama ang ginagawa niya."
Bumuntong-hininga muna si Bea bago muling nagsalita habang si Reyzalyn naman ay nanatili lang nakikinig sa kaniya.
"Si Lyka naman, simula nang maisilang siya ako na talaga ang nag-alaga sa kaniya kasi busy lagi 'yang si Daddy sa trabaho. Noong lumaki-laki na si Lyka lagi niya 'yang napapagalitan pero ako hindi. Inaamin ko naman na naiingit ako sa kapatid ko dahil napakadami niyang talento na wala naman ako. Pero naisip ko na masuwerte pala ako kasi parang ako ang laging pinapaboran ni Daddy. Nasasaway niya lang ako kapag sumusobra na ang nagagawa ko kay Lyka pero pagtapos noon wala na, hindi na niya ganoong papansinin si Lyka."
"Paano iyon? Eh 'di laging mag-isa lang si Lyka, ganoon?"
Tumango si Bea. "Oo sa kuwarto niya. Uuwi siya ng bahay pagkagaling niya sa school tapos diretso na siya agad sa kaniyang kuwarto. Noong ayos pa kaming dalawa, ako lagi ang kumakausap at sinasamahan ko siya sa kuwarto niya. Pero niyaya naman siya ni Daddy kumain, binigyan naman siya ng pera kung may mga bayarin siya sa school pero minsan lang. Madalas si Lyka ang dumidiskarte kung paano siya magkakapera."
"Pero iyong pagmamahal ng isang magulang ba ay naibibigay sa kaniya?"
Natahimik bigla si Bea. Tiningnan niya ito. Sa mga sinasabi nito ay naiisip ni Reyzalyn ang mga nagiging pangyayari sa buhay ni Lyka. Malungkot ang naging buhay nito.
"Siguro hindi. Tingin ko kasi hindi matanggap ni Daddy na si Lyka ang nabuhay na dapat si Mommy. Iyon ang nararamdaman ko kasi nga 'di ba, si Mommy ang pinili niyang mabuhay," malungkot na sabi nito sabay yuko.
Tinikom ni Reyzalyn ang bibig niya. Nilingon niya sa 'di kalayuan ang kanilang mga magulang na nagtatawanan kasama si Joel at Rina. Ang saya nilang nagtatawanang apat. Para bang maganda ang kanilang pinag-uusapan.
Tumayo mula sa kinauupuan si Rebecca. Nakaramdam kasi siya bigla ng pagkagutom dahil hindi siya nakapag-almusal. Pinagpagan niya ang kaniyang sarili dahil may mga buhanging kumapit sa kany6ang mga hita at braso. Hindi pa naman siya naliligo. Mamaya na lang sigurong hapon para walang init ng araw at para na rin hindi siya mangitim.
Naabutan niyang nagtatawanan ang kanilang mga magulang kasama ang magulang ni Bea. Napatingin siya kay Joel. Ewan niya ba pero hindi siya komportable rito. Lalo na nang makita niya itong nakatanaw sa kuwarto ni Reyzalyn noon. Nakatingin lang ito sa pinto ng ilang segundo. Tapos pumasok ito doon ng basta lang, ni hindi man lang ito kumatok at paglabas nito ay kasama na niya si Bea.
Napatingin sa kaniya si Joel. Tumaas ang kilay nito at saka nginitian siya. Tumingin lang siya rito at saka nagtungo sa lamesa para kumuha ng makakain.
Nagsimula na siyang kumain. Kaunting pagkain lang ang kinuha nya. Tinanaw niya ang kaniyang kapatid na si Reyzalyn kausap si Bea. Gusto niyang bumawi sa kapatid. Gusto na niyang maibalik ang masaya nilang pagsasama ng kapatid.
Naalala niya bigla ang sinabi ni Reyzalyn noong nag-uusap silang dalawa ni Bea.
"Mahal na mahal ko ang Ate Rebecca ko kahit na masungit yun sakin. Mahal ko silang dalawa ni Ate Razelle. Sana nga maging maayos na ulit ang pagsasama namin. Gusto ko na silang makasama sa paggagala. Iyong kaming tatlo lang magkakapatid ganoon. Matagal ko nang pinapangarap na mangyari iyon. Iba kasi talaga ang saya kapag magkaayos kayo ng iyong kapatid. Masaya talaga. Masarap sa pakiramdam. Sana dumating ang araw na magkabati na kami ng Ate Rebecca ko."
Napangiti na lang si Rebecca nang maalala niya ang sinabi ng bunso niyang kapatid. Hindi niya man alam kung paano niya maipapakita sa kapatid na mahal niya ito ay gagawa nalang siya ng paraan para maiparamdam niya rito na mahal niya ang kanyang kapatid.
Matapos niyang kumain ay niligpit na niya ang kanyang pinagkainan at saka tumayo patungo sa lababo. Natanaw niya roon sina Joel at Rina. Kumunot ang noo niya. Dahan-dahan siyang naglakad patungo dito at saka nagtago sa gilid ng pader.
"Umayos ka nga ng mga kilos mo! Ngumiti ka palagi kapag nakakausap mo sila! Hindi iyong nakasimangot ka na para bang pinapahalata mo na nag-away tayo. Hindi ba sinabi ko sa iyo na ayusin mo iyang pagmumukha mo? Gusto mo bang ako pa ang mag-ayos niyan? Tatamaan ka talaga sa akin Rina sinasabi ko sa iyo," wika ni Joel na tumaas ang tono ng pananalita nito. Dinuro-duro niya pa si Ate Rina.
"Oo Joel inaayos ko naman talaga. Lagi nga akong nakangiti kapag kinakausap ko siya. Sadyang napapasimangot o nagiging seryoso lang ang mukha ko kung minsan dahil baka magtaka naman sila kung palagi akong nakangiti ng walang dahilan. Baka maisipan nila na baliw ako," mangiyak-ngiyak na sabi Rina sabay hawak sa kaniyang batok.
"Wala akong pakialam kung pag-isipan ka man nila ng baliw o kung ano pa man dahil ang importante sa akin ay iyang pagmumukha mo. Hindi ka na nga maganda ganiyang pa ang itsura. Ngumiti ka! Iyon na nga lang ang gagawin mo, hindi mo pa magawa?" Nanlalaki ang mata ni Joel habang sinasabi niya iyon kay Rina.
Nanginginig bigla ang katawan ni Rebecca habang pinapakinggan silang dalawa. Ano ang nangyari kay Joel? Bakit tila naging halimaw ito? Ito ba talaga ang tunay na anyo ni Joel? Nagpapanggap lang pala itong mabait ngunit hindi pala talaga dahil sinasaktan ni Rina.
Lumapit si Joel kay Rina at saka hinaplos ang kaniyang buhok. Pakurap-kurap na tumingin si Rina sa kaniya habang nanginginig ang mga kamay dahil na rin siguro sa takot niya kay Joel.
Nakakikilabot na ngumiti si Joel. "Magaling. Maging masunurin ka lang sa akin kung gusto mong mabuhay pa ang ina mo, Rina. Naiintindihan mo ba?" Nakangising wika ni Joel sabay sabunot kay Rina.
BINABASA MO ANG
Bunso
Mystery / ThrillerSi Reyzalyn ay isang butihing anak. Siya ay bunso sa kanilang tatlong magkakapatid. May kakayahan siyang makakita ng mga kaluluwa kung kaya't makikita niya ang hindi matahimik na kaluluwa sa bahay na pagmamay-ari na nila ngayon. Hindi matahimik ang...