Kinuha ni Reyzalyn ang teddy bear na iniregalo sa kaniya ng kaniyang kaibigan. Ibinigay sa kaniya ito ng kaibigan niyang si Nica matapos nilang makapagtapos ng elementarya. Ito ang naging matalik niyang kaibigan noong bata pa lamang sila. Ito ang naging kalaro niya sa araw-araw kapag wala ang kaniyang mga Ate. Ngunit no'ng naging highschool students na sila ay kinailangang sa probinsiya na tumira si Nica dahil doon talaga nakatira ang kaniyang ina at doon sila may bahay na sarili. Labis ang lungkot ni Reyzalyn noon.
Habang tulala si Reyzalyn at nakatingin lang sa kisame, napansin niyang parang may nakamasid sa kaniya. Kita niya sa gilid ng mga mata niya ang isang babae na nakasuot na puti. Nilingon niya ito bigla. Nanlaki ang mga mata niya nang mapansing isa pala itong multo. Napabangon mula sa pagkakahiga si Reyzalyn. Kinakabahan man ay pinilit niyang pakalmahin ang kaniyang sarili upang hindi maipakita rito na siya ay natatakot.
Alam niyang may multo rito sa kanilang bahay at ito nga ang babaeng nakikita niya ngayon. No'ng ibinenta kasi sa kanila ang bahay na ito, nakita na niya ang babaeng ito na nakasilip sa bintana. Murang halaga lang ito sa kanila naibenta. Ang sabi ng kanilang kapitbahay ay kaya ito ibinenta dahil namatay ang anak na babae ng may-ari ng bahay na ito. Napag-alaman niya ring kinatatakutan ang bahay na ito.
"S-sino ka? H-huwag...huwag k-kang lalapit sa akin," nanginginig na sabi niya habang naglalakad paatras. Hindi niya lubos akalain na makakakita siya ng multo. Labis na kilabot ang nararamdaman niya ngayon ngunit pinipilit niyang palakasin ang kaniyang kalooban.
Nanatiling nakatayo lang ang multong babae. Malungkot ang itsura nito, may sugat ang leeg nito na para bang nagbigti ito o pagkabigti ang ikinamatay nito. Maputla ang kulay ng balat nito. Sa tingin niya ay halos magkasing-edad lang sila nito. Patuloy pa rin ang kaniyang paglakad paatras habang nakatitig sa multong nasa harapan niya. Napalunok siya ng ilang beses sabay hingang malalim.
"Huwag kang mag-alala hindi kita sasaktan. Huwag kang matakot sa akin," malamig na boses na sabi nito sa kaniya. Napalunok siya ng kaniyang laway.
"Bakit ka nagpapakita sa akin? Anong kailangan mo sa akin?" nanginginig na sabi niya ngunit pinilit niyang tatagan ang kaniyang loob kahit na nanginginig na rin ang kaniyang mga tuhod.
Nasa edad sampung taon pa lamang si Reyzalyn nang makakita siya ng mga kaluluwa. Sa una, sobrang takot na takot siya sa mga ito. Pero kalaunan ay pinilit niyang huwag matakot sa mga ito ngunit hindi niya pa rin maiwasan sa tuwing makakakita siya ng multo. Binabalot pa rin nang kilabot ang kaniyang pagkatao. Alam ito ng kaniyang mga magulang. Hanggang sa lumapit sila sa isang matandang babae para alamin kung bakit nagpapakita ito sa kanilang anak. Sinabi ng matandang babae na wala silang dapat ikabahala. Bagkus ay ikatuwa nila ito dahil isa itong kakayahan na ipinagkaloob sa isang tao. Iilan lang may ganitong kakayahan.
"Maaari mo akong maging kaibigan. Naaawa ako sa iyo kapag nakikita kitang laging inaaway ng Ate mo. Hindi tama ang ginagawa niya sa iyo. Parang hindi kapatid ang turing niya sa iyo."
"Nandito lang ako. Kahit anong oras puwede mo akong kausapin," dagdag pa nito.
Nawala bigla ang takot na nararamdaman ni Reyzalyn. Umupo siya sa gilid ng kaniyang kama. Tila ba gumaan ang kaniyang pakiramdam. Nawala ang kabang bumabalot sa kaniya ngunit kinikilabutan pa rin siya dahil sa multo ang nakauusap niya ngayon.
"Puwede ba 'yon? Magkakaroon ako ng kaibigang multo?"
Ngumiti ito sa kaniya. "Oo naman! Bakit hindi? At saka ikaw lang ang may kakayahang makakita sa akin at makausap sa akin. Masaya nga ako dahil nakikita mo ako."
"Ganoon ba. Alam mo pala na lagi akong inaaway at sinusungitan ni Ate Rebecca. Hindi ko nga alam kung bakit siya ganiyan sa akin." Kumamot siya sa kaniyang ulo sabay yuko. Lumungkot ang ekspresyon ng mukha ni Reyzalyn.
BINABASA MO ANG
Bunso
Mistero / ThrillerSi Reyzalyn ay isang butihing anak. Siya ay bunso sa kanilang tatlong magkakapatid. May kakayahan siyang makakita ng mga kaluluwa kung kaya't makikita niya ang hindi matahimik na kaluluwa sa bahay na pagmamay-ari na nila ngayon. Hindi matahimik ang...