Halos mabuwal sa kinauupuan si Reyzalyn nang biglang sumulpot sa kaniyang likuran si Bea. Kunot-noong nagpalipat-lipat ito nang tingin sa kanilang dalawa. Maski si Razelle ay nagulat sa bigla niyang pagdating. Tinaasan niya ito ng kilay.
"Nakagugulat naman ang bigla mong pagsulpot dito. Masaya ba makinig ng usapan ng iba? Nakikisambat ka nanlang bigla. " Mahinahon ngunit may diin na sabi ni Razelle.
Napakurap bigla si Bea. Nakaramdam siya ng biglang takot sa paraan ng pagsasalita ni Razelle. Hindi ito kagaya ni Reyzalyn na mabait. Tingin niya ay mataray ito o 'di kaya ay maldita. Sa tantya niya ay magkasing edad lang sila nito.
"P-pasensya na. Hindi ko naman sinasadyang makinig sa usapan niyo. At ska kakarating ko lang din. Hindi ko narinig ang buo ninyong pinag-usapan. 'Yong huli lang, iyon lang ang narinig ko pero wala ng iba pa." Yumuko si Bea sabay kagat-labi.
Napairap sa hangin si Razelle. "Iyon nga kakarating mo pa lang pero bigla ka na lang makikisambat. Huwag ganoon. Puwede ka namang magsabi kung may gusto kang kausapin sa amin 'di ba? Hindi iyong biglang kang magtatanong na lang diyan. Nagugulat kami."
Bakas sa boses nito ang pagkainis. Hindi madalas magalit ang kaniyang Ate Razelle. Bagkus ay tahimik lang ito. Mababakas niya lang na galit na ito kapag kalmado at seryoso itong magsalita. At kada salita nito ay tila may diin. Hindi katulad ng kaniyang Ate Rebecca na mahahalatang galit na dahil madalas itong nakasigaw at kitang-kita sa mukha nito.
"Sorry..." Nakayuko pa ring sabi ni Bea dahil nahihiya siyang tingnan si Razelle. Pakiramdam niya ay masama ang tingin nito sa kaniya kung sakaling mag-aangat siya nang tingin.
Binilisan ni Razelle ang kaniyang pagkain. Pagkatapos ay tumayo kaagad siya at saka dumiretso na sa lababo, hinugasan niya ang kaniyang pinagkainan. Sinulyapan niya si Bea na nakayupo pa rin. Mababakas pa rin sa mukha ni Razelle ang inis nito kay Bea.
"Doon na muna ako sa kuwarto ko bunso. Maiwan na kita," wika nito at saka naglakad palayo patungo sa silid nito.
Sinundan na lamang nang tingin ni Reyzalyn ang kaniyang Ate. Nag-angat na nang tingin si Bea na tila ba nakahinga ito ng maluwag dahil wala na ang kaniyang Ate Razelle. Umupo sa tabi ni Reyzalyn si Bea. Alanganin itong ngumiti.
"Medyo may pagkamasungit pala ang Ate mong iyon? Natakot ako kanina sa tono ng pananalita niya. Basta. Parang nakatatakot. Alam mo 'yong kailangang makinig at sumunod ka sa sasabihin niya. Iyon ang naramdaman ko kanina. Ang taray pala niya," nakangusong sabi ni Bea sabay kamot sa ulo.
Alanganing napatango si Reyzalyn. "Medyo mataray nga si Ate Razelle pero madalas lang iyong tahimik. Hindi siya masyadong nakikisalamuha sa mga tao. Gusto niya laging mapag-isa."
"Ganoon ba? Kaya pala," saad ni Bea at aka tumango-tango.
"Bakit ka nga pala pumunta dito? May sasabihin ka ba?" Tanong ni Reyzalyn habang kumakain. Paubos na rin ang kaniyang pagkain.
"Gusto ko lang sana makipagkuwentuhan sa iyo doon sa kuwarto mo muna ako makikitambay kung ayos lang sa iyo. Hindi naman kasi ako maka-relate sa mga pinag-uusapan ng mga magulang natin. At saka nakababastos naman sa kanila kunf makikisali ako sa usapan nilang matatanda."
"Sabagay tama ka Sige tapusin ko lang itong pagkain ko," ani Reyzalyn at saka binilisan ang kaniyang pagkain.
Hinugasan niya ang kaniyang pinagkainan. Kumuha ng pampunas at saka pinunasan ang ginamit niyang plato, baso at kutsara bago ito inilagay sa lagayan. Pagkatapos ay dumeretso na silang dalawa patungo sa kaniyang silid.
Niligpit niya muna ang kaniyang pinaghigaan at pinagpagan ang kaniyang kama bago sila naupong dalawa rito. Pagbagsak na humiga si Bea habang nakatulala sa kisame. Nakatingin lang sa kaniya si Reyzalyn.
"Alam mo ba sa totoo lang. Napapaginipan ko si Lyka," biglang sabi nito sa isang malungkot na boses.
"Malungkot siya sa panaginip ko. Kitang-kita ko sa kaniyang mukha ang lungkot. Miss ko na si Lyka sobra. Miss ko na ang kapatid ko. Parang gusto ko siyang samahan sa lugar kung nasaan siya ngayon pero hindi puwede eh. Naaawa ako sa kapatid ko. Napakalungkot ng mukha niya sa panaginip ko."
Pagkasabi niyang iyon ay umagos ang mga luha nito sa kaniyang pisngi. Nakatingin sa kaniya si Reyzalyn, nararamdaman niya ang lungkot ni Bea.
"Alam kong hindi naging maganda ang pagsasama namin bilang magkapatid. Madalas ko siyang nasusungitan at napapagalitan dahil naiingit ako sa kaniya. Akala ko kasi sa kaniya lang nakatuon ang atensyon ng lahat. Ewan ko ba, pakiramdam ko kasi noon siya lang ang magaling sa lahat. Sobrang inggit ang nararamdaman ko. Sa lahat kasi ay talagang magaling si Lyka. Masyado akong kinain ng inggit kaya nilamon din ako ng galit sa aking puso." Pagpapatuloy nito.
Nanatiling nakatingin habang nakikinig si Reyzalyn kay Bea. Tumayo ito at saka malamlam ang mga matang tumingin sa kaniya.
"Inggit na inggit ako sa kaniya noon. Madalas ko siyang napagbubuhatan ng kamay. Pero ni minsan, hindi siya nagsumbong sa mga magulang namin. Umiiyak lang siya palagi. Wala akong narinig na salita mula sa kaniya. Alam kong natatakot siya sa akin kaya siya hindi nagsasabi sa magulang namin."
Nangingilid ang luha ni Bea sa kaniyang mga mata. "Nagsisi akong ginawa ko sa kaniya 'yon. Ang tanga ko sobra dahil hindi ko man lang nakita ang pagmamahal sa akin ng kapatid ko. Nagagawa niya pa rin akong kausapin ng malambing ang boses niya, nakangiti sa akin sa kabila ng pagiging malupit ko sa kaniya. Huli na para sabihin ko sa kaniya na mahal ko rin siya. Ang sama ko. Kung kailan wala na siya, doon ko lang naiisip ang lahat ng pagkakamali kong nagawa sa kaniya," tuluyang nang napaiyak si Bea. Napahagulhol ito.
Sa likuran ni Bea, malungkot na nakatingin sa kanila si Lyka.
"Kaya gusto kong magpunta rito sa dati niyang kuwarto dahil nagbabakasali ako na magpakita man lang siya sa akin. Para masabi ko naman sa kaniya na mahal ko siya. Para makahingi ako ng tawad sa mga ginawa ko. Para masabi kong nagsisi ako sa lahat ng pagkakamali ko."
Hinawakan ni Reyzalyn sa kamay si Bea at saka niya nginitian ito. Nanginginig ang kamay nito at nanlalamig din.
"Sa tingin ko naman naririnig ka ni Lyka. Masaya nga siguro siya kasi parang dinadalaw mo siya rito. At saka ramdam ko rin na mapatatawad ka ng kapatid mo dahil mabuting bata si Lyka. Hindi siya marunong magalit sa iyo dahil mahal ka niya."
"Kung ganoon man, sana nga naririnig niya ako."
Pinahid ni Bea ang mga luha niya sa kanyang mukha saka seryosong tumingin kay Reyzalyn.
"Siguro ito na ang oras para mapagbayaran ko ang lahat ng kasalanan ko sa kapatid ko." Seryosong sabi nito.
Takang kumurap kurap si Reyzalyn. "Ha? Anong pinagsasabi mo?"
"Reyzalyn... Ako ang dahilan ng---"
"Bea? Anak nasaan ka?" malakas na sigaw mula sa pinto ng kuwarto ni Reyzalyn.
Biglang bumukas pinto. Sabay silang napatingin sa pinto.
"Bea anak kanina pa kita hinahanap uuwi na tayo," sabi ni Rina sabay lapit sa kanilang dalawa.
"Teka lang... Bakit ka umiiyak anak?" Kunot-noong tanong nito at saka matalim na tumingin kay Reyzalyn.
BINABASA MO ANG
Bunso
Misteri / ThrillerSi Reyzalyn ay isang butihing anak. Siya ay bunso sa kanilang tatlong magkakapatid. May kakayahan siyang makakita ng mga kaluluwa kung kaya't makikita niya ang hindi matahimik na kaluluwa sa bahay na pagmamay-ari na nila ngayon. Hindi matahimik ang...