Patakbong lumapit si Rebecca sa kaniyang kapatid na si Reyzalyn. Nanginginig siya sa takot dahil sa malakas na boses na bigla na lamang nagsalita. Hindi niya mawari kung saan ito nagmula. Hindi naman ganoon ang boses ng isa nilang kapatid. Nakatatakot ang boses na kaniyang narinig.
"S-sino i-iyong n-nagsalita? May i-iba bang tao rito? May kasama ka pa ba?" Nauutal na tanong niya sa kapatid.
Umiling si Reyzalyn. "Wala po Ate. Tayong dalawa lang ang nandito. Wala akong kasama na kung sino," sagot ni Reyzalyn.
Nakatingin ng matalim si Lyka kay Rebecca. Hindi na niya matiis na hindi makialam dahil hindi na tama ang ginagawa nito kay Reyzalyn. Mabuti na lang talaga mabait lang ito at hindi lumalaban sa kaniyang Ate pero sumusobra na si Rebecca. Masyado na itong nagpapadala sa inggit na nadarama nito sa kapatid na dapat ay hindi niya ito maramdaman dahil magkapatid sila.
Sumagi bigla sa kaniyang isipan ang naalala niya kanina. Parang nakikita niya ang kaniyang sarili kay Reyzalyn na walang ginawa kun'di umiyak na lamang dahil hindi nito magawang lumaban sa kaniyang Ate. Nauunawaan naman niyang mahal nito ang kapatid kaya hindi siya nalaban ngunit minsan ay hindi na rin tama ang ginagawa nito sa kaniya.
Naisip ni Lyka na paano kung katulad pala ni Bea si Rebecca? Na mali ang iniisip niyang mahal siya ng kaniyang Ate Bea?
"Ate maggpahinga ka na lang po. Itong bag kung ayaw mo, sige itatabi ko na lang. Pero kung sakaling magbago ang isip mo na gusto muna itong bag, kunin mo lang sa akin. Ako na ang bahalang magsabi kay Mama. Hindi ko naman din kasi talaga kailangan ng bag dahil hindi pa ganoon kalaki ang sira ng bag ko. Magpahinga ka na po Ate," mahinahong sabi ni Reyzalyn sabay ngiti.
Naglakad na siya palabas ng kuwarto. Ngunit bago pa man siya tuluyang lumabas ay muli siyang tumingin sa kaniyang Ate Rebecca. Blangkong nakatingin din ito sa kaniya. Tipid siyang ngumiti rito bago tuluyang sinara ang pinto ng silid nito.
Napaupo na lang sa sahig si Rebecca. Sa hindi malamang dahilan ay tumulo ang kaniyang mga luha. Napahilamos na lang siya ng kaniyang mukha.
Bakit nagagawa pang maging mahinahon at nginitian siya ng kaniyang bunsong kapatid sa kabila ng pagsusungit at pagmamalditang ginawa niya rito?
Hindi mapigilang maawa ni Rebecca sa kapatid. Sa kabilang banda naiinis siya sa kaniyang sarili. Hindi niya mapigilang mainggit sa bunso nila kahit na wala siyang dapat kainggitan dito ngunit iyon ang kaniyang nararamdaman.
"Hay ewan! Nakakainis!" inis na sambit niya sabay sabunot sa sarili.
Natahimik siya bigla nang maalala niya ang tinig na kaniyang narinig kanina. Bigla na naman siyang kinilabutan. Nilibot niya ang paningin niya sa loob ng kaniyang kuwarto. Nanginginig ang kaniyang kalamnan. Kaninong tinig iyon? Bakit tila ba galit ang tono nito?
"Hindi kaya...totoo ang sinasabi sa akin ni Razelle? Na mayroong multo sa bahay na ito?" bulong niya sa kaniyang sarili.
Kaagad siyang kumilos patungo sa silid ng kaniyang kapatid na si Razelle. Mabilis ang ginawa niyang pagkatok dito hanggang sa buksan ito ni Razelle.
"Bakit Ate? Anong problema mo? Distorbo ka naman! May ginagawa ako e!" reklamo ni Razelle sabay kamot ng kaniyang ulo.
Kaagad na pumasok si Rebecca sa kuwarto ng kapatid at naupo sa kama nito. Nakakunot ang noo ni Razelle habang nakatingin sa kaniyang Ate. Mababakas sa kaniyang mukha ang pagtataka.
"Bakit Ate? Anong nangyari sa iyo? Bakit ganiyan ang itsura mo?" sunod-sunod na tanong niya sa kapatid.
"Hindi ba, sabi mo sa akin noon na may nakikita kang anino sa gilid ng mata mo rito? Sa bahay na ito, 'di ba?"
Tumango si Razelle. "Oo bakit? May nakikita ka rin ba? May nakikita ka bang anino? Saan mo ito nakita?"
Umiling si Rebecca. "Wala akong nakikita pero may naririnig ako. May boses akong naririnig at iyong boses na iyon ay narinig ko mula sa kuwarto ni bunso. Hindi kaya kinakausap niya ito? Ang multong ito?"
"Hindi ako sigurado Ate pero maaaring kinakausap niya nga ito dahil may kakayahang makakita at makausap si Reyzalyn ng multo. Bakit? Ano ba ang nangyari?"
Napalunok si Rebecca bago magsalita. Seryoso ang mukha niyang nakatitig sa kapatid.
"Kasi kanina pumasok si Reyzalyn sa kuwarto ko para ibigay 'yong bag niya na ibinigay sa kaniya ni Mama. Tapos..." Kumamot ng ulo si Rebecca sabay buntong-hininga.
Umarko ang kilay ni Razelle dahil sa paghihintay ng muling sasabihin ni Rebecca.
"Tapos ano?"
Ngumiwi si Rebecca. "Tapos ano...inaway ko na naman siya."
"Bakit?"
"Kasi umiral na naman ang inggit ko sa kaniya. Paano ba naman kasi, mas maganda ang bag na ibinigay sa kaniya ni Mama. At saka hindi naman siya humingi ng bag kay Mama pero binigyan pa rin siya nito. Naiinis ako. Naiinis ako sobra. Pakiramdam ko na kay Reyzalyn na ang lahat."
Biglang natawa si Razelle sabay iling. "Alam mo Ate, dapat hindi ka naiingit kay bunso e. Matanda ka na. At saka kapatid mo siya. Lahat ng naranasan mo at naibigay sa iyo nila Mama at Papa ay hindi pa naibibigay sa kaniya. Kaya sana huwag mo ng pairalin ang inggit mo sa kaniya. Wala naman siyang ginagawang masama sa iyo."
Napayuko si Rebecca. Tama ang kaniyang kapatid. Hindi siya dapat mainggit kay Reyzalyn ngunit hindi niya lang talaga maiwasan.
"Pero kasi hindi ko talaga maiwasan. Susubukan kong huwag maramdaman iyon."
"Oo na sige na. O tapos? Paano pumasok 'yang narinig mong boses sa pag-aaway niyong dalawa?"
"Ayon na nga, inaway ko si Reyzalyn 'di ba. Ibinato ko iyong bag na ibinigay niya sa akin tapos sinigawan ko siya."
"Ang sama mo naman sa kaniya Ate. Tigilan mo na iyan dahil walang magandang maidudulot 'yan. Anong ginawa niya?"
"Basta umiyak lang siya. Kagaya ng dati ay hindi naman lumalaban sa akin si Reyzalyn."
"Tapos? Anong sumunod na nangyari?"
Bumuga ng hangin si Rebecca bago muling nagsalita. "Biglang may isang galit na boses ang nagsalita. Hindi si Reyzalyn iyon dahil ibang-iba ang boses nito. Ang sabi nito ay nakakainis daw ako."
Nanlaki ang mata ni Razelle. Lumapit siya sa kaniyang Ate. Nagtataka ang mukha ni Rebecca habang nakatingin sa kaniya.
"Bakit?"
"Hindi kaya... nagagalit ang multong iyon sa iyo? Dahil sa pang-aaway mo kay Reyzalyn?"
"Ha? Anong sinabi mo?" Hindi makapaniwalang tanong ni Rebecca.
Bigla siyang nangilabot. Kung totoo ngang nagagalit ang multong iyon dahil sa pang-aaway niya kay Reyzalyn ay baka takutin siya nito.
"Hindi kaya...kaibigan ni bunso ang multong naririto?"
BINABASA MO ANG
Bunso
Misterio / SuspensoSi Reyzalyn ay isang butihing anak. Siya ay bunso sa kanilang tatlong magkakapatid. May kakayahan siyang makakita ng mga kaluluwa kung kaya't makikita niya ang hindi matahimik na kaluluwa sa bahay na pagmamay-ari na nila ngayon. Hindi matahimik ang...