SA KABILANG BANDA, malungkot na pinagmamasdan ni Rina ang kaniyang ina. Matagumpay nila itong nailipat ng ospital. Mabuti na lang ay pulis si Raul kaya naman marami itong koneksyon. May kalayuan ang ospital na ito sa kanilang bahay kung kaya naman hindi na ito matatagpuan pa ni Joel. Hinawakan niya ang kamay nito.
Mabuti na lamang ay naging maayos pa ang kondisyon ng katawan nito, pero sabi ng doktor ay hindi na talaga ito makakalakad pa. Kaya naman bumili siya ng wheelchair para sa kaniyang ina. Ito na lang ang natitira niyang mahal sa buhay. Kung kaya naman hindi na niya kakayanin pa kung mawawala na lang kaagad ito sa kaniya.Tanggap naman niya na hindi na magtatagal pa ang buhay ng kaniyang ina. Pero nais niya pa rin itong makasama kahit sa saglit lang na panahon. Kahit na mahirapan siya, basta ba ay mabantayan niya ang kaniyang ina.
"Rina..." tawag sa kaniya ni Raul. Hinawakan siya nito sa kaniyang kamay.
"Alam mo ba kung gaano kasakit na makita kong umiiyak ka? Parang dinudurog ang puso ko Rina. Kaya sobra ang galit ko sa lalaking 'yon nang malaman kong sinasaktan ka pala niya."
Rumagasa ang masaganang luha ni Rina. Nanumbalik sa kaniyang alaala kungpaano sila nagkakilala ni Raul. Nasa kolehiyo sila nang makilala niya si Raul. Naging kaklase niya ito at naging malapit sila sa isa't-isa. Hanggang sa umamin sa kaniya ang lalaki na may pagtatangi ito sa kaniya ngunit wala pa sa isip niya ang magkaroon ng nobyo. Nasa pamilya niya lang kasi ang kaniyang atensyon lalo na't siya ang panganay. Ang kaniyang ama ay may sakit sa puso noon, samantalang ang kaniyang ina ay nagsisimula na ring magkasakit kung kaya naman siya lang ang inaasahan. At ang nag iisa niyang kapatid ay bigla na lang naglaho na para bang sa isang iglap ay gumuho ang mundo niya. Kasing edad lang ni Bea ang kaniyang kapatid ng mamatay ito. Kung kaya naman ang bigat ng pasanin niya.
Hanggang sa dumating na naman ang pinakamalaking dagok sa buhay niya dahil nawalan na naman siya ng mahal sa buhay. Namatay ang kaniyang ama. Dalawa na lang sila ng kaniyang ina. Hindi na niya alam kung ano ang kaniyang gagawin, kung paano sila mabubuhay ng kaniyang ina. Hanggang sa dumating sa buhay niya si Joel.
Napakabait nito sa kaniya. Ramdam naman niya ang pagmamahal nito sa kaniya. Napag-alaman niyang namatay ang asawa nito nang maisilang ang bunso nilang anak. At dahil nagkakasakit na ang kaniyang ina, si Joel ang gumatos lahat para madugtungan pa ang buhay ng kaniyang ina. Kaagad na napamahal siya sa lalaki. Hangang sa makasama na niya ito ay unti-unti niyang nakikilala ito. Nakikita niya ang hindi magandang pag uugali nito. Napakaseloso nito. Sobra. May kakausapin lang siyang kaibigang lalaki ay magagalit na sa kaniya ito.
Noong una ay nasisigawan lang siya nito, hanggang sa nasaktan siya nito. Nasampal, nasipa at natutulak. Ramdam niya na iba ang ugali nito ngunit nagtiis siya para sa kaniyang ina. Lalo na ang pagiging mapanakit nito sa bunso niyang anak na si Lyka. Madalas niya itong nasasaktan. Naaawa na siya para dito ngunit hindi niya ito pywedeng lapitan at kausapin dahil siya naman ang kagagalitan ni Joel. Kung kaya naman si Bea na lang ang madalas niyang nakakausap.
"Patawarin mo ako Raul kung hindi kita nagawang bigyan ng atensyon noon. Alam mo naman ang sitwasyon ko 'di ba? Hanggang ngayon hindi pa rin maganda ang takbo ng buhay ko. Pakiramdam ko nga mas lalo pang lumala. Matagal nang galit ang nararamdaman ko kay Joel. Simula nang masaktan niya ako"
Hinawakan siya sa pisngi ni Raul. At saka malamlam ang mga mata nitong tumitig sa kaniya. Pinahid nito ang luha sa kaniyang pisngi.
"Huwag kang mag-aala, gagawa ako ng paraan para makalaya ka sa lalaking iyon. Alam mo namang palagi akong nandito para sa iyo. Gagawin ko ang lahat para sa iyo. Maghihintay ulit ako kahit gaano pa yan katagal hanggang sa matutunan mo akong mahalin. Kahit kaolan walang naging iba sa puso ko Rina. Ikaw lang. Taanging ikaw lang talaga."
"Salamat Raul. Salamat sa lahat," umiiyak na sabi niya sabay yakap nang mahigpit sa lalaki.
Hinaplos siya sa buhok ng lalaki at saka hinalikan ito. Pakiramdam ni Rina ay nawala kahit papaano ang bigat sa kaniyang dibdib. Na para bang gumaan ang kaniyang pakiramdam sa bisig ni Raul. Pinikit niya saglit ang kaniyang mga mata.
"Huwag kang mag alala Rina. Nandito lang ako palagi para sa iyo," bulong nito sa kaniyang tainga. Napangiti na lamang siya.
TINANAW NA LAMANG siya ni Raul sa eskinita patungo sa kanilang bahay. Kumaway pa sa kaniya ito bago sumakay sa sasakyan nito at pinaandar palayo. Pakiramdam ni Rina ay nabawasan ng kaunti ang bigat sa kanyang dibdib dahil sa matagumpay niyang nailipat ang kanyang ina. Dadalawin na lamang niya ito ng saglit kapag wala si Joel.
Pagkapasok niya sa kanilang bahay ay hinahanap kaagad ng mata niya si Bea. May dala kasi siyang pagkain, pasalubong niya para rito. Nagtungo siya sa kuwarto nito ngunit wala ito doon. Kumunot ang kaniyang noo.
"Nasaan kaya si Bea? Nasa kabilang bahay kaya?" mahinang sabi niya.
Nilapag na lamang niya ang dala niyang pagkain sa maliit na lamesa ni Bea. Pagkatapos ay kumuha siya ng sticky note at nagsulat dun. Idinikit niya ito sa lamesa. Naglakad na siya palabas ng silid nito saka isinara ang pinto.
"Aray!" Impit na sigaw niya ng bigla na lamang may humatak sa kaniyang buhok.
Lumagapak siya sa sahig dahil sa pagkakahagis nito sa kaniya. Nag-angat siya nang tingin at nakita niya ang galit na mukha ni Joel. Bigla siyang kinilabutan sa itsura nito. Hindi mapigilang manginig ng kalamnan ni Rina sa takot.
"Saan ka galing ha? Kailan ka pa umalis ng hindi nagsasabi sa akin ha! Anong oras na? Maggagabi ka na umuwi!" galit na sigaw nito. Dahan-dahan siyang tumayo.
"D-dinalaw k-ko lang si m-mama sa ospital. T-tapos may nakasalubong akong k-kaibigan ko nakipagkuwentuhan l-lang ako sa kaniya saglit," nauutal na wika niya.
Hinawakan niya ang kany6ang ulo na medyo masakit dahil sa pagkakahatak ni Joel.
"Lalaki na naman ba 'yang kausap mo ha?!" sabi nito sabay lapit sa kaniya. Pinisil siya nito sa mukha.
"H-hindi...b-babae ang kausap ko," nangingilid ang mga luhang sabi niya.
Nanlilisik ang mga matang tumingin sa kanya si Joel.
"Umayos ka lang Rina. Sinabi ko sa iyong mahal na mahal kita pero kung lolokohin mo ako, baka hindi mo magustuhan ang gagawin ko sa iyo." Nakangising sabi nito sabay tulak sa kaniya.
Bumangga ang likuran niya sa pader. Rinig niya ang patunog ng kaniyang likod. Napangiwi siya sa sakit.
"Bakit? Anong gagawin mo sa akin ha?! Sasaktan mo ako? Sasaktan mo na lang ba palagi ako ha!?" matapang na sabi niya. Tumaas ang tono ng kaniyang boses.
Tinitigan siya ng lalaki. "Alam mo kung akong mangayayari sa iyo? Matutulad ka sa sinapit ni Lyka," tila baliw na sabi n Joel sabay tawa.
Napahawak sa bibig si Rina. Nanginginig ang buo niyang katawan.
"I-ikaw? I-kaw...ang p-pumatay sa sarili mong a-anak?" Nanginginig na wika niya saka nanghihinang naupo sa sahig.
Pinanlakihan siya ng mata ni Joel. "Bakit? Anak ko ba siya?" Nakangising sabi nito.

BINABASA MO ANG
Bunso
Mystery / ThrillerSi Reyzalyn ay isang butihing anak. Siya ay bunso sa kanilang tatlong magkakapatid. May kakayahan siyang makakita ng mga kaluluwa kung kaya't makikita niya ang hindi matahimik na kaluluwa sa bahay na pagmamay-ari na nila ngayon. Hindi matahimik ang...