Chapter 5: Koneksyon

28 0 0
                                    

Kumurap-kurap si Reyzalyn nang magising siya. Kinapa niya ang kaniyang cellphone mula sa kaniyng kama at saka ito kinuha. Alas dyes y media na pala ng umaga. Napahaba ang kaniyang tulog. Bumangon na siya at saka iniligpit ang kaniyang pinaghigaan. Inayos niya nang maigi ito dahil hindi siya sanay na magulo ang kaniyang higaan kapag siya ay babangon na. Kumuha siya ng walis at dustpan at pagkatapos ay nagsimula nang maglinis. Pinulot niya rin ang mga kalat niya sa sahig. Tumingin siya sa salamin upang tingnan kung may dumi ba siya sa mukha. Sinuklay niya ang kaniyang buhok at tipid na ngumiti sa salamin habang pinagmamasdan ang kaniyang sarili. Pagkatapos ay napagpasiyahan niya nang lumabas ng kaniyang silid upang makapag-almusal na.

Pagkalabas niya ng kaniyang kuwarto, narinig niya ang tawanan at tila masayang kuwentuhan na nagmumula sa kusina. Dahan-dahan siyang naglakad upang hindi siya makalikha ng kahit anong ingay. Naisip niya na marahil ay may bisita ang kaniyang mga magulang. Nakita niya ang dating may-ari ng kanilang bahay na masayang nakikipagtawanan sa kaniyang mga magulang. Kasama nila ang kanilang anak na babae. Pinagmasdan niya ang mga ito.

"Sila kaya ang magulang ni Lyka?" mahinang sambit niya habang pinagmamasdan ang mga ito.

Tiningnan niya ang babaeng kasama nila. Marahil ito ang kapatid ni Lyka. Ito ang kaniyang ate.

"Bunso gising ka na pala. Kumain ka na riyan. Tingnan mo sa lamesa ang 'yong almusal at kumain ka na. Binisita tayo nina Ate Rina at Kuya Joel mo. Kilala mo sila anak 'di ba?" sabi ng kaniyang ama nang makita siya nito.

Ngumiti siya at saka tumango. Tiningnan niya si Joel na nakangiti habang nakatingin sa kaniya. Ganoon din si Rina.

"Opo, sa kanila po itong bahay na ito dati, tama po ba? Ibenta nila sa atin," sagot ni Reyzalyn habang nakatingin sa kina Joel at Rina.

"Oo bunso tama ka. Sige na kumain ka na riyan. Magpakabusog ka anak. Magkukuwentuhan lang muna kami rito,"
wika ng kaniyang ama at pagkatapos ay bumaling na ito sa bisitang nasa harapan niya.

"Iyan pala ang bunso mo. Hindi ko siya nakita no'ng nagpapasyahan naming maibenta ito sa inyo?" sabi ni Joel sabay tingin kay Reyzalyn. Nginitian lamang siya ni Reyzalyn.

Naglakad patungo si Reyzalyn sa kusina. Tiningnan niya kung ano ang almusal na nasa lamesa. Nang makita niya ito ay bigla siyang natakam at kumalam ang kaniyang sikmura. Nagsandok na siya ng kanin na katamtaman lang ang dami pati na rin ang ulam. Pagkatapos ay naupo na siya at saka nagsimulang kumain. Tahimik lamang siyang kumakain ngunit nakikinig siya sa nagiging usapan ng kaniyang mga magulang.

"Oo siya nga ang bunso ko. Siya si Reyzalyn. Oo nga wala siya roon. Kaya siguro hindi mo siya nakita ay nasa kotse lang siya ng araw na 'yon. Medyo mailap din kasi 'yan sa tao. Hindi siya mahilig lumabas-labas. Sanay siya na nasa loob lamang ng bahay. Ayos lang din sa amin dahil alam namin na walang mangyayaring masama sa kaniya kapag nasa loob lamang siya ng bahay. Kumbaga hindi kami mababaliw kakaisip kung ano ang nangyayari sa kaniya sa labas. Hindi rin kasi kami sanay na nasa labas o galaan ang mga anak namin. Pero may mga kaibigan naman siya sa school. Madalas na nag-uusap sila thru social media. Video call ganoon," paliwanang ng kaniyang ina.

"Ganoon ba? Kaya pala. Mainam na rin 'yan dahil alam nating mga magulang kung ano ang tama para sa ating mga anak. Syempre, tayong mga magulang ay ayaw nating mapahamak ang ating mga anak lalo pa't delikado sa labas. Maraming mga aksidenteng nagaganap kaya mahirap na talaga kapag nasa labas ang ating mga anak kaya tama lang 'yan." Uminom ito ng tubig na nasa harapan niya at saka muling nagpatuloy sa pagsasalita. "Wala lang natanong ko lang kasi naalala ko yung bunso kung anak. Magkasing-edad lang kasi sila."

Lumamlam ang mata ni Joel at saka napatingin sa kaniyang asawang si Rina. Pilit siyang nginitian ni Rina.

Hinawakan siya nito sa kaniyang kamay. Pinagmasdan ni Reyzalyn ang mga ito. Ramdam niyang nagdadalamhati pa ang mga ito sa pagkawala ng kanilang anak. Sabagay, hindi madali ang mawalan ng anak lalo pa't malaki na ito. Alam niyang masakit para sa kanila ang nangyari kay Lyka kaya hindi madaling kalimutan ang lahat. At isa pa, masakit para sa kanila na maaalala nilang muli ang mapait na sinapit ng kanilang anak kapag nakakikita sila ng kasing-edad lamang nito.

BunsoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon