"At saka mga anak, may sinabi sa akin si Rina," sabi ng kaniyang ina kaya napalingon siya rito.
"Inamin sa akin ni Rina hawak ni Joel ang kaniyang ina. May sakit ito at nakaratay sa ospital. Kung sakaling iiwan ni Rina si Joel ay hahayaan nitong mamatay ang kaniyang ina dahil siya ang sumasagot sa gastusin nito sa ospital. At sa tingin ko hindi alam ni Rina na si Joel ang pumatay kay Lyka. At kaya naman malapit ang loob ni Rina kay Bea dahil naaalala niya rito ang kapatid niyang babae na namatay noog nasa edad ito ni Bea."
Nakuyom ni Rebecca ang kaniyang kamao. Marahil ay hindi nga talaga alam ni Rina ang tunay na pagkatao ni Joel. Hindi niya nakilala ng lubusan ito. Ang ang lalaking kaniyang kinakasama ay may ugaling halimaw. At sa tingin niya pa nabilog nitong maigi ang isip ni Rina kaya napaibig niya ito. Kailangan nilang mailigtas si Rina sa kamay ni Joel pati na rin ang ina nito. Nanganganib silang tatlo sa kamay ng halimaw na Joel na iyon.
"Sa ngayon mga anak, maging maingat kayo sa mga kilos ninyo. Basta umakto lang kayong normal ha? Huwag kayong magpapahalata. Huwag kayong kakabahan. Kapag nandiyan si Joel. Ngumiti lang kayo." Sabay silang magkakapatid na tumango.
SA WAKAS NAKAUWI NA RIN SILA. Gabi na nang sila ay makarating sa kanilang bahay. Pinagtulungan nilang ayusin ang mga gamit nilang dinala pati na rin ang nga labahan nilang damit ay kanila na ring nilabhan agad dahil babaho ito kapag hinayaan pa. Matapos makatulong ni Reyzalyn sa kanila ay dumiretso na siya sa kaniyang silid at saka pabagsak na humiga sa kaniyang kama. Pagod na pagod siya kaya naman ipinikit na niya ang kaniyang mga mata at saka nakatulog agad.
Kinabukasan, pagkauwi ni Reyzalyn galing eskuwelahan ay nagtungo kaagad siya sa kaniyang kuwarto. Tatapusin niya kasi kaagad ang kaniyang mga assignment. At kapag hindi pa siya pagod ay isasabay na rin niya ang kaniyang mga proyekto. Ayaw niya kasi na natatambakan ng mga gawain.
Huminga muna siya ng malalim at saka nagpahinga ng ilang minuto. Pagkatapos ay nagbihis na siya ng damit pambahay at saka bumangon at nagtungo sa kaniyang mesa upang makapagsimula na sa kaniyang gagawin.
Marami-rami na rin siyang natapos na gawain. Nasimulan na rin niya ang kaniyang proyekto nang makaramdam siya ng pananakit ng kamay dahil sa dami ng sinulat niya. Napasubsob siya sa kaniyang mesa.
"Reyzalyn..." Isang malamig na tinig ang tumawag sa kaniyang pangalan.
Nag-angat siya nang tingin. Nakita niya si Lyka na malungkot ang mga matang nakatayong nakatitig sa kanya. Lumapit siya rito.
"Kakauwi lang namin kaya medyo marami akong ginawang takdang aralin. Pasensya ka na hindi kita napapansin. Ang dami ko kasing gawaing kailangang tapusin. Kumusta ka pala?" sabi niya nang makalapit siya rito.
"Si Daddy... siya ba ang pumatay sa akin?" tanong ni Lyka na ikinabigla niya. Napalunok si Reyzalyn sabay yuko. Bumuntong-hininga muna siya bago nag-angat nang tingin at marahang tumango.
Nanginginig ang labi ni Lyka na para bang pinipigilan nitong maiyak. "Naalala ko na ang pangyayari kung paano niya ako pinatay..." malungkot na wika ni Lyka.
Nakatikom naman ang bibig ni Reyzalyn, naghihintay sa bawat sasabihin ni Lyka.
FLASHBACK...
Pagod at gutom na umuwi si Lyka galing sa eskuwelahan. Hindi kasi niya nagawang humingi ng pambaon sa kaniyan ama dahil galit ito sa kaniya. Nakalimutan niya kasing labahan ang uniform nito sa trabaho kaya naman siya ay nasampal nito.
Pagkauwi niya ay agad siyang nagtungo sa kusina. Tanghaling tapat na ngunit wala pang sinaing na kanin at lutong ulam. Wala pa ang Ate Bea niya. Siguro mayamaya pa ito makakauwi dahil may inaasikaso itong proyekto.
Nilakasan ni Lyka ang kaniyang loob. Lumapit siya sa kaniyang ama na nakahiga sa sofa habang abala sa pagkakalikot ng cellphone.
Ilang beses siyang napalunok bago magsalita. "Pa... puwede po ba ako makahingi ng pambiling ulam? May bigas pa naman po magsasaing na lang ako," malumanay na sabi niya rito.
Matalim na tumingin ito sa kaniya. Bigla siyang binalot ng kaba.
"Wala ka bang pera diyan ha? Magtrabaho ka! Hindii porket bata ka pa ay 'di ka na sasabak sa trabaho! Matuto kang kumilos para magkapera ka at makakain ka!"sigaw nito sa kaniya.
"Pa...wala naman pong tatanggap sa akin dahil masyado pa po akong bata. Pa... susubukan ko po kong maghanap diyan ng puwedeng part time po. Pero ngayon po kasi pa gutom na gutom na po ako," aniya na para bang maiiyak na.
Tumayo ang kaniyang ama at walang awang sinampal siya ng malakas. Napahiga na lang sa sahig si Lyka. Napahawak siya sa kaniyang pisngi. Halos mamanhid ito sa lakas ng sampal ng kaniyang ama.
"Nasasawa na akong buhayin ka! Sumasagot ka pa! Kailan ka pa natutong sumagot ha? Bakit kasi ikaw pa ang nabuhay! Dapat ang ina mo na lang hindi ikaw! Kung sana siya ang nabuhay ay mas gaganahan pa akong magtrabaho!" galit na sigaw nito sabay sipa sa kaniyang sikmura.
Halos lumuwa ang mata ni Lyka sa sobrang sakit ng pagkakasipa nito sa kaniyang sikmura. Nanghihina siyang napahawak sa kaniyang sikmura.
"P-pa...t-tama na p-po...maawa po k-kayo sakin..." Umiiyak na sabi niya.
Ngunit imbes na maawa ay sinabunutan siya nito at saka hinatak pataas. Walang pakundangan na hinagis siya nito. Tumama ang katawan niya sa pinto ng kaniyang kwarto. Hilong-hilo si Lyka. Hinang-hina ang kaniyang katawan ngunit pinilit niya pa ring gumapang. Naglakad palapit sa kaniya ang kaniyang ama sabay sipa sa kaniyang mukha. Tumalsik siya sa gilid ng kanyang kama. Nalasahan niya ang kaniyang dugo. Hinawakan niya ang kaniyang labi, pagkatingin niya sa kaniyang kamay ay may dugo na ito.
"Dapat sa iyo ay hindi na binubuhay pa dahil wala ka namang kuwenta! At hindi naman dapat talaga ikaw ang nabuhay pa!" malakas na sigaw nito sabay kuha ng jumping rope at sinakal siya nito.
"T-tama na p-po P-papa m-maawa ka p-po sa akin," umiiyak na sabi niya habang pinagsisipa ang kaniyang ama.
Hindi na makahinga si Lyka dahil sa pagkakasakal nito sa kaniya. Tila ubos na ang lakas ni Lyka kaya naman napatigil na siya sa kaniyang pagsipa at paggalaw. Sobrang higpit ng pagkakasakal nito sa kaniya kung kaya naman pakiramdam niya matatanggalan siya ng leeg.
"Mamatay ka na! Wala kang kuwenta!" sigaw ng kaniyang ama habang mas lalo pang hinigpitan ang pagkakasakal nito sa kaniya.
"Pa! Anong ginagawa mo kay Lyka?! Itigil mo iyan! Hindi tama iyang ginagaw mo! Mapapatay mo siya!" sigaw ng kaniyang Ate na si Bea. Namumula ang mga nito na para bang maiiyak na.
"Papatayin ko talaga siya! Wala naman siyang kuwenta. Hindi na dapat siya mabuhay pa! At isa pa, para wala kang iintindihin...para wala ng manlalamang saiyo! Para wala ng balakid sa buhay mo!"
Umiling si Bea. "Huwag! Hayaan mo na siya. Huwag mong gawin iyan. Hindi iyan ang gusto ko!" Umiiyak na wika ng kaniyang Ate.
"Hindi ba't gusto mong sa iyo mapunta ang atensyon ng lahat? Bakit mo ako pinipigilan sa ginagawa ko?"
Mabilis na umiling si Bea. "Hindi...hindi sa ganiyang paraan. Maling-mali 'yan! Tumigil ka na!"
"Huli na para pigilan mo pa ako. Magpasalamat ka na lang dahil tinanggalan kita ng sagabal sa buhay mo!" sigaw nito na mas lalo pang hinigpitan ang pagkakasakal kay Lyka.
"Huwag!" Rinig niyang sigaw ng kaniyang Ate bago siya tuluyang mawalan ng hininga.
END OF FLASHBACK
Hindi namalayan ni Reyzalyn na rumagasa na pala ang mga luha niya sa kaniyang mga mata. Naninikip ang kaniyang dibdib. Hindi niya akalain na ganoon na lang kinitil ang buhay ni Lyka. Napakawalang puso ng ama nito.
"Reyzalyn...nagmamakaawa ako sa iyo na tulungan mo ako. Tulungan mo akong makamit ang hustisya ng pagkamatay ko at maparusahan ang aking ama sa kasalanan niya."
"Oo Lyka. Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para tuluyan ng makulong ang ama mo."
Tipid na ngumiti si Lyka. "Salamat Reyzalyn. Sana matulungan mo rin si Ate Rina na malayo sa aking ama."
Nangunot ang noo ni Reyzalyn. Pinahid niya ang kanyang mga luha sa pisngi.
"Bakit?"
"Nanganganib ang buhay niya..."
BINABASA MO ANG
Bunso
Mystery / ThrillerSi Reyzalyn ay isang butihing anak. Siya ay bunso sa kanilang tatlong magkakapatid. May kakayahan siyang makakita ng mga kaluluwa kung kaya't makikita niya ang hindi matahimik na kaluluwa sa bahay na pagmamay-ari na nila ngayon. Hindi matahimik ang...